Pagbalik ni Beckah sa kanilang bahay ay muli siyang natutulala.
"Beckah, may problema ba?" malumanay ang boses na tanong ni Anghel Maine sa binabantayang kaluluwa. Mahilo-hilo na kasi ito sa paroo't parito ni Beckah. Lakad nang lakad at mukhang sobrang malalim ang iniisip dahil maliban sa nakakunot ang noo nito ay nakahawak pa ang isang kamay nito sa baba.
"Beckah, naririnig mo ba ako?" Ikinampay-kampay ni Anghel Maine ang mga kamay para lalong makuha ang pansin ni Beckah.
Noon naman na natauhan si Beckah sa tila matagal niyang pagkakaidlip. Natigil na siya sa paglakad-lakad.
"Nandito ka na pala?" at medyo nagulat niyang sambit nang makita si Anghel Maine.
Napangiti si Anghel Maine. "Kanina pa ako rito, Beckah. Hindi mo lang ako napapansin kasi ang lalim ng iniisip mo."
May pagkatarantang nilapitan ni Beckah ang anghel. Madamdaming hinawakan niya ito sa magkabilang braso. "Anghel Maine, may tanong ako sa iyo. May pamilya ka ba noong nabubuhay ka pa? Tulad na lang ng asawa o kaya anak? Nasaan sila? Alam mo ba?" at sunod-sunod tanong niya sa anghel.
Ang totoo, ang iniisip niya kanina'y mismong si Anghel Maine dahil kamukhang-kamukha lang naman ni Anghel Maine ang babaeng nasa lumang larawan sa bahay nina Abbey na kanyang nakita.
"Siya ang mama ko," ang tila pasabog sa pandinig niya kanina na sinabi sa kanya ni Abbey habang nakatitig siya sa larawan. Kaya naman mula na kanina'y naging palaisipan na iyon sa kanya.
Saglit na natigilan si Anghel Maine, pero sinagot din siya nito. "Hindi ko na matandaan pa ang mga nakaraan ko noong tao pa lang ako, Beckah, dahil ang sabi sa 'kin ay binubura raw ang mga ala-ala ng mga gustong maging anghel tulad ko."
Nakalabing napatango-tango si Beckah. Kung ganoon wala rin siya mapapala kung magtatanong pa siya dahil wala na pa lang maalala ang anghel. Ang tanging makakasagot na lang sa kanya ay si Abbey pa rin.
Napabuntong-hininga na lang siya. Dikawasa'y napatitig siya sa maamong mukha ng kanyang anghel. Kung ito nga ang ina ni Abbey ay paano na?
Napaupo siya sa gilid ng kama at nangalumbaba. Para siyang nanghihina habang iniisip ang babae sa lumang larawan kasabay nang pagsulyap-sulyap niya sa mukha ni Anghel Maine.
"Aisst, hindi ko 'to carry!" dikawasa'y nasambit niya na parang mababaliw na. Ginulo-gulo niya ang buhok. Kung magkataon pala kasi'y magiging magbalae pa sila ng kanyang mabait na anghel. Goodness!
"Beckah, saan ka na naman pupunta?" habol na tanong ni Anghel Maine nang nagpasya siyang maglaho na.
Subalit kung bakit sa bahay nina Abbey siya lumitaw ay hindi niya alam. Siguro ay dahil kakaisip niya sa larawan ni Anghel Maine.
"Lola, aalis na po ako," sakto na paalam ni Abbey. Aalis na naman.
Tumikwas ang isang kilay ni Beckah. Sino na naman kayang malas na nilalang ang matetyempuhang mananakawan ng babaeng ito? Hay.
Sumunod siya sa dalaga at nagpakita. Inirapan lang naman siya nito. At sa isang malayong lugar na park ang tinigilan nila. Ganito pala talaga ang mga snatcher, sa ibang lugar nila ginagawa ang pagnanakaw. Well, para siguro hindi sila makilala.
"Kanina ka pa nakatingin sa 'kin? May sasabihin ka ba?" hindi natiis na tanong ni Abbey kay Beckah pagkaraan ng maraming sandali. Bantay sarado na naman sa kanya ang multo. Hindi na naman tuloy siya makadiskarte dahil nadi-distract siya sa presensya nito. Naiilang siya pati.
"Kapag wala ako kikitain ngayon lagot ka sa 'kin!" maangas niyang sabi pa dahil hindi pa rin umiimik ang kinakausap.
"Nasaan ang iyong ina na nasa larawan?" nang sa wakas ay narinig din niyang tanong ni Beckah.
BINABASA MO ANG
MY BADASS GIRL (at Ang Nanay Kong Multo)
Cerita PendekNamatay si Beckah na bata pa ang kanyang anak kaya hindi siya pumayag na agad siyang umakyat sa langit. Nanatili siya sa lupa hanggang sa naging binata si Arvin. Subalit naging babaero si Arvin dahilan para lagi rin siyang stress. Hanggang sa dumat...