PART 7

92 7 1
                                    

Ang sumunod tuloy na sandali ay parang nababaliw na si Beckah na nakatulala.

"Pinag-iisipan mo na ba kung aakyat ka na sa langit, Beckah?" bigla-bigla ay malumanay na boses na naman ni Anghel Maine sa likuran niya.

Napabuntong-hininga si Beckah. Hindi na niya ito nilingon at baka makaramdam lamang siya ng guhit ng konsensya kapag makita niya ang napakabait na mukha ng kanyang anghel.

Naroon sila ngayon sa sementeryo kung saan siya inilibing at nakaupo siya sa kanyang puntod. Nagmumuni-muni. Nag-iisip.

Hindi niya ikakailang ginugulo ngayon ni Abbey ang kanyang isipan. Nahihiwagaan siya sa paglalayas nitong hindi man lang nagpaalam sa kanyang anak. Ang inasahan niya kasi ay makikipagmatigasan ito sa kanya sa pananatali sa kanilang bahay pero ganoon nga ang nangyari. Mas tumindi pa tuloy ang nais niyang alamin kung ano ang tunay na pagkatao ng dalaga.

Subalit naglalaban din ang kanyang kalooban. Bakit pa? Hindi ba dapat wala na siyang alalahanin pa dahil wala na ito sa bahay nila? Dapat nga ay nagpapapiyesta na siya ngayon dahil sa sobrang kasiyahan.

Bumuntong-hininga siya. Nga lang ay nag-aalala din siya para kay Arvin. Siguradong malulungkot ang kanyang anak. Malamang nga ay alam na nito na wala na si Abbey sa bahay nila at baka hinahanap na nito ngayon ang dalaga.

"May problema ka ba, Beckah?" malumanay na tanong ulit sa kanya ni Anghel Maine. Mabining umupo ito sa tabi niya.

"Nag-aalala ako sa 'king anak, Anghel Maine," malungkot na naiwika ni Beckah. Tumayo siya at humakbang ng dalawa saka napahalukipkip.

Nakasunod-tingin lamang sa kanya si Anghel Maine.

"Noon ko lamang nakita si Arvin na inaway ako nang husto tungkol sa isang babae. Sobra niyang ipinagtanggol sa akin ang babaeng iyon."

"Hindi kaya nagmamahal na ng totoo ang iyong anak, Beckah?"

Napalingon si Beckah sa anghel. "Malamang ay tama ka. Iyon din ang nasa isip ko. Subalit wala na sa bahay si Abbey. Kawawa naman si Arvin ko kung totoong mahal na niya ang babaeng 'yon. Tiyak na madudurog ang kanyang puso."

Hindi umimik si Anghel Maine. Kumibot-kibot lamang ang pinkish nitong mga labi.

"Sa tingin ko ay dapat kong puntahan si Abbey. Tingnan kung totoo ang mga sinabi niya sa akin," hawak ni Beckah ang babang saad pa.

"Sana ay matapos mo na ang iyong suliranin sa 'yong anak, Beckah, nang sa ganoon ay makaakyat ka na sa langit. Hinihintay ka na roon."

Tipid siyang ngumiti rito. At sa unang pagkakataon ay naisip niyang sana nga.

"Maiwan na kita ulit, Beckah. Tawagin mo lang ako kapag handa ka na." At naglaho na nga si Anghel Maine.

"T-teka!" pigil dapat ni Beckah sa anghel ngunit wala na ito. Napabuntong-hininga na lamang siyang napaupo ulit sa kanyang puntod. Hihingin pa naman sana niyang dalhin siya sa kinaroroonan ni Abbey, upang hindi na siya mahirapan sa paghahanap. Nang biglang may nag-pop-up sa kanyang isipan. Hindi nga ba't nakakapunta siya kung saan niya gusto sa isang iglap lamang? Basta iisipin lamang niya ang lugar kung saan niya nais mapunta. Baka iyon lang ang gagawin niya.

Napangisi na si Beckah saka pumikit. Sinubukan niya agad ang kanyang naisip na paraan.

At naglaho na nga siya. Ngunit anong ngiwi niya nang imulat niya ang kanyang mga mata at makita ang kinaroroonang lugar.

"Sa ganitong klaseng lugar nakatira ang Abbey na iyon? My gosh!" maarteng reklamo niya pagkuwan.

Napapangiwi si Beckah sa nakikita niyang paligid. Iskwater area kasi ang kanyang nilitawan. Ang daming tao at ang iingay. May nag-iinuman na kahit na kay aga-aga pa. May mga nagsusugal na rin. At kay dumi ng paligid ng mga bahay-bahay na dikit-dikit.

MY BADASS GIRL (at Ang Nanay Kong Multo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon