Paglabas ni Arvin Jamora sa kuwarto ay ngiting-ngiti ito sa ina niyang si Beckah. Hinalikan niya ito sa pisngi at sisipol-sipol na nagtungo sa kusina. Naka-boxer short lang ang binata at halatang bagong ligo.
Naka-cross arms na bumuntot naman si Beckah sa anak. Hindi maipinta ang hitsura niya sa gawain ng anak ngayon na thirty years old na.
"Sa susunod na magdala ka pa ng babae rito sa bahay sinasabi ko sa 'yo Arvin! Mumultuhin ko na!" babalang wika niya sa anak nang nandoon na sila sa kusina.
Fifteen years na! As in, fifteen yean na niya itong binabantayan mula nang siya ay mamatay, pero ganito pa rin ang sitwasyon nilang mag-ina na nag-aaway dahil sa sobrang pagkababaero ni Arvin.
Akala ni Beckah ay makakabuti sa anak niya ang pananatili niya sa lupa, na magagabayan niya ito hindi lamang upang hindi makapahamak sa sakit nito, ngunit ganoon din naman yata ang tadhana ng anak—nandito man siya o wala—dahil likas nitong minana pala ang pagiging babaero ng ama.
Halos gabi-gabi ay iba-ibang babae ang iniuuwi ni Arvin at kinakasiping sa kama. Wala naman siyang magawa dahil isa lamang siyang kaluluwa. Magbunganga man siya nang magbunganga ay hindi rin naman siya naririnig ng mga babae. Ang nagagawa lang niya ay takutin ang mga babaeng kalandian ng kanyang anak. Mga simpleng pananakot na nagagawa ng simpleng multo lamang na tulad niya.
"Ma, lahat naman tinatakot niyo, eh," nakangisi na sabi ni Arvin. Ipinapakitang sanay na ito sa pananakot ng ina.
"Arvin, kailan ka ba magbabago, ha? Stress na stress na ako sa iyo!"
"Isipin mo na lang na para sa 'yo itong ginagawa ko, Ma." Kumindat si Arvin sa kanya. "'Di ba sabi mo, kaya hindi ka pa umaakyat sa langit ay dahil wala pa akong asawa? Kaya ito naghahanap na ako. Pili ka na lang kung sino sa kanila ang gusto mong maging manugang," pilyong sabi pa rin ni Arvin na sinundan ng malutong na tawa.
Umungol naman sa inis si Beckah. "'Yan! 'Yan ang namana mo sa ama mo! 'Yang hilig mo sa babae! Kamamatay ko pa lang noon aba'y nag-asawa na agad ang impakto mong ama! Ang ang bata pa na babae! Hindi na nahiya! Ang kapal ng mukha! Kaya masaya ako at nauna pa siyang umakyat sa langit kaysa sa akin!"
Inakbayan ni Arvin ang ina. "Pero aminin mo miss mo na si Papa. Bakit kasi hindi mo pa siya sundan sa langit?"
"Tigilan mo ako. Hindi kami ng papa mo ang pinag-uusapan dito. Ikaw!" Kumalas si Beckah sa akbay ng anak at pinamaywangan. "Naku, Arvin, sinsabi ko talaga sa 'yo kapag nag-uwi ka pa ng babae dito sa bahay! Mumultuhin ko talaga ng mumultohin hanggang sa mabaliw!"
Ang problema ay namalayan na lang ni Beckah na palabas na sa kusina. Mapang-asar na kumaway ito sa kanya, at nag-flying kiss pa.
"Arvin, bumalik ka rito! Kinakausap pa kita!" sigaw niya sa anak. Subalit wala na talaga siyang nagawa nang mabilis itong nagtatakbo sa kuwarto. Hindi na talaga niya makontrol porke malaki na raw ito. Alam na raw nito ang ginagawa.
Naiiling na lang si Beckah at malalim ang naging buntong-hininga. Oras na pumasok kasi ang anak sa kuwarto nito ay talo na siya sa diskusyon. Simula nagbinata kasi si Arvin ay off limit na siya sa kuwarto ng anak. Respeto na rin niya sa privacy nito dahil tanggapin niya man o hindi ay binatang-binata na nga talaga ang kanyang Arvin.
"Hay naku!" Naghihimutok na napaupo na lang siya sa sofa. Oras na siya ay magpasyang umakyat na sa langit, unang hahanapin niya talaga ay ang magaling niyang asawa at tutuhurin ang mga itlog nito. Napakadaming puwedeng ipamana kasi na ugali nito kay Arvin, iyon pa talagang hilig nito sa babae. Talaga namang nakakainit ng ulo.
Kunsabagay, kahit ganito ang anak niyang babaero ay napakabait naman nito. Lumaki itong mabuting tao kaya masasabi niyang tama pa rin kahit paano ang naging desisyon niyang manatili muna sa lupa at huwag pa ring sumama sa kanyang sundo na anghel. Masasabi niyang nagabayan pa rin niya ang kanyang anak sa paglaki nito kahit na isa na lamang siyang kalukuwa.
Actually, pulis na ngayon ang kanyang Arvin.
Babaerong pulis nga lang. Ay, naku!
BINABASA MO ANG
MY BADASS GIRL (at Ang Nanay Kong Multo)
Cerita PendekNamatay si Beckah na bata pa ang kanyang anak kaya hindi siya pumayag na agad siyang umakyat sa langit. Nanatili siya sa lupa hanggang sa naging binata si Arvin. Subalit naging babaero si Arvin dahilan para lagi rin siyang stress. Hanggang sa dumat...