Part 5

83 5 0
                                    

Kampanteng bumaba ng hagdanan si Beckah matapos niyang makita na pumasok na ang kanyang anak sa trabaho kinaumagahan. Nadinig na niya ang ugong ng kotse nitong paalis kaya puwede na siyang gumala sa loob ng kabahayan dahil hindi naman malalaman ng kaniyang anak.

Ngiting-ngiti siya na dahan-dahang humahakbang sa mga baitang ng hagdan. Nagdidiwang ang kanyang kalooban dahil hindi nagalit si Arvin sa kanya sa ginawa niyang pananakot kay Abbey kahapon. Konting sermon lang ang binatang anak sa kanya, parehas ni Anghel Mainne na pinagsabihan lang din siya.

But us usual, pasok sa kanang tainga, labas sa kaliwang tainga ang ginawa niya sa mga panenermon sa kanya. She remained steadfast in her decision to oust Abbey from their home. Hindi ang katulad nitong babae na parang akyat-bahay gang ang gusto niyang mapangasawa ni Arvin. Hindi siya makakapayag.

Nakangisi si Beckah na sumilip sa kusina. Nandoon nga ang target niyang dalaga. Ang dalagang makapal ang mukha dahil wala na yatang balak talaga na umalis sa bahay nila. Dito talaga natulog kagabi, ang kapal ng mukha!

"Beckah, huwag matigas ang ulo mo," boses na naman ni Anghel Maine.

Napatingin sa taas si Beckah. "This is for my son," at saka nakairap na dahilan niya. Hindi siya natatakot sa anghel niya. Sobrang bait kasi ni Anghel Maine.

Simple lang naman ang pananakot na balak niyang gawin. Hindi naman niya papatayin ang dalaga. Tatakutin lang niya para kusang umalis na ito sa kanilang bahay. At sa tingin niya hindi naman iyon masyadong kasalanan.

"Magkakasala ka lang sa ginagawa mo, Beckah," saway pa rin ni Anghel Maine.

Hindi na pinansin pa ni Beckah ang anghel na nagsalita. Tinitigan na niya ang ilaw at nagpatay-sindi iyon. At kitang-kita niya ang pagkabigla ni Abbey. Natigil ang dalaga sa paghuhugas ng mga pinagkainan sa lababo. Napatingin ito sa ilaw na sige pa rin sa pagpatay-sindi.

Natatawa si Beckah na nakatayo sa pintuan. Ganito ang napapala ng mga malalandi.

"Hindi mo ako matatakot!" subalit ay biglang sabi ni Abbey na nagpamaang kay Beckah.

Napakunot-noo ang maputlang mukha ng multong si Beckah. Wala sa oras na naitigil niya ang pananakot. Nanatili nang bukas ang ilaw.

Pumihit naman si Abbey paharap sa kanya. Pagkuwa'y malademonyong ngumisi ito at humalukipkip. "Nakikita kita!" tapos ay matapang na sabi nito.

Natigagal si Beckah. Hindi makapaniwalang lumingon pa siya sa likuran niya sa pag-aakalang hindi siya ang kinakausap ng dalaga.

"Ikaw. Oo, ikaw. Multo ka na pala. Akala ko pa naman asawa ka ni Arvin. Hindi naman pala," wika pa ni Abbey na iiling-iling.

Lalong hindi makapaniwala si Beckah.

"Sino ka? At bakit mo ako tinatakot? Gusto mo akong palayasin dito sa bahay ni Arvin? Bakit?" sunod-sunod na tanong pa ni Abbey.

Ipinilig ni Beckah ang ulo. Siya nga ang kinakausap ng dalaga. Nakakakita pala ito ng multo. Malamang ay may third eye rin ito. Bukas din ang ikatlong mata nito tulad ng kanyang anak na si Arvin.

"Bakit ka narito sa bahay ni Arvin, ligaw at masamang kaluluwa? Sumagot ka!" buong tapang na tanong pa ni Abbey.

Napahalukipkip na rin si Beckah. Tumaas ang isang kilay niya. Inilabas na rin niya ang katarayan niya. Matapang pala ang babaeng ito. Akala mo kung sino. Ang lakas ng loob na tawagin siyang ligaw na kaluluwa, gayong bahay niya ang kinaroroonan nila. Lapastangan na babae!

"For your information, babae, ako lang naman ang nanay ni Arvin! Hindi ako ligaw na kaluluwa!" mataray na niyang tugon kay Abbey.

"Weh?" Si Abbey naman ang napatda.

Hindi naniniwala si Abbey dahil ang hitsura nga ng multo ay kasing edad lang niya ito at kasing edad lang din niya si Arvin. Paanong naging nanay ito ni Arvin? Echuserang frog na multo!

"Kung ayaw mong masaktan! Umalis ka na sa bahay na ito ligaw na kaluluwa! Dahil para sa kaalaman mo, may kakilala ako na kaya kang paalisin dito nang sapilitan!" kaysa paniwalaan iyon ay babala ni Abbey. At ang tinukoy niya ay ang lolo niya, subalit matagal nang patay. Ipinanakot lamang niya at baka um-effective.

"Gaga! Ako nga ang kanyang ina!" pero giit ni Beckah. "Ikaw ang umalis sa bahay namin! Kung may plano ka sa anak ko na hindi maganda ay kalimutan mo na dahil sisiguraduhin kong pagsisisihan mo!" at pananakot niya kasabay ang pagpapalakas ng hangin sa paligid.

Ngunit wala man lang mababakas na takot sa mukha ni Abbey. "Sa tingin mo matatakot mo sa pahangin mo na 'yan? Para malaman mo madami na akong nasaksihan na ganito. At sa tingin ko isa ka lang mahina na kaluluwa. Isang pipitsugin."

"Aba't matapang ka talaga, ah!" Sa galit ni Beckah ay lalong lumakas ang hangin sa paligid niya dahilan para magliparan ang mga magagaang bagay sa kusina.

Parang wala lang naman na tinatabig ni Abbey ang mga iyon kapag pinuputerya siya. "Ito lang ba ang kaya mo?"

"Ang yabang mo!" Nangigigil naman lalo si Beckah.

Ngumisi si Abbey. Pero saglit pa'y umakto na itong takot na takot at tumili. "Eeiiiihhhhhhh!"

Natigilan si Beckah.

"Ma, stop it!" Iyon pala'y biglang bungad ni Arvin. Bumalik pala ang binata na hindi namamalayan ni Beckah. Si Abbey ang nakakita kaya umarte na itong takot na takot.

Nagtitili pa kunwari si Abbey.

"Abbey, ayos lang. Nandito na ako. Huwag kang matakot." Agad dinaluhan ni Arvin ang dalaga at niyakap.

"Arvin, parang may multo dito sa bahay mo. Bigla na lang... bigla na lang humangin ng malakas tapos... tapos ang mga gamit nagliparan," sumbong ni Abbey sa binata. Ang hitsura nito'y para talagang takot na takot. "Nakakatakot dito."

"Sssh, wala 'yon, Abbey. Wala 'yon. Calm down," pagpapayapa naman ng walang kaalam-alam na si Arvin sa nangyari.

Lumuwa ang mga mata ni Beckah sa ginagawang pag-arte ni Abbey. Sa isip-isip niya'y, anong ginagawa ng babaeng ito? Bakit uma-acting na takot sa multo gayong kanina ay ang tapang-tapang?

At napasinghap siya nang tumingin sa kanya si Abbey. Demonyitang ngumisi kasi ito sa kanya. Sabi na nga ba niya't umaarte lang ang gaga.

MY BADASS GIRL (at Ang Nanay Kong Multo)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon