Gabi.
Sinamantala ni Arvin ang pagpapakita ng ina sa kanya. Tulog na si Abbey sa kuwarto kaya malaya na siyang kumprontahin ang nanay niyang multo. Hindi niya pa rin pinapaalis si Abbey. Parang hindi na niya kasi kayang mawala pa sa paningin niya ang dalaga, at unang pagkakataon na ganito ang pakiramdam niya para sa isang babae. Natatakot siya na mawala ito sa kanya.
"Ano 'yon, Ma? Didn't I tell you not to scare Abbey?" sabi niya rito na pilit pinatatag ang tinig para ipabatid sa ina na seryoso siya ngayon sa sinasabi.
"Ilang ulit ko bang sasabihin na hindi takot ang babaeng iyon sa akin," asar ang boses na wika naman ni Beckah. Naiirita siyang umupo sa kahoy na upuang pasadyang nasa hardin. "Bakit ba ayaw mo akong paniwalaan na tulad mo ay nakikita niya rin ako?"
"Bakit rin ba ang bigat ng loob niyo kay Abbey? " tanong pa rin ni Arvin na napapahimas ng noo habang nakapamaywang ang isang kamay. Nai-stress na siya sa ina dahil alam naman niyang gumagawa lang ito ng kuwento. Kitang-kita niya kanina kung paano matakot si Abbey kaya paanong hindi ito natatakot sa ina?
"Hindi lang si Abbey mainit ang dugo ko, Arvin. Alam mo na lahat ng babaeng iniuwi mo rito sa bahay ay mainit ang ulo ko, dahil ayoko 'yang pagiging babaero mo!" malakas ang tinig na tugon ni Beckah sa anak.
"Pero, Ma, iba na si Abbey ngayon! Iba na siya sa mga babaeng dinala ko rito kaya utang na loob huwag mo naman siyang tinatakot!" malakas at buo ang tinig na wika rin ni Arvin. Handa na ulit siyang makipagtalo sa ina.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Beckah sa kanya. Napatayo pa ang ginang na multo.
Napabuntong-hininga si Arvin. "I think I'm falling in love with Abbey, Ma. Ang totoo nga'y unang kita ko pa lang sa kanya ay tumibok na ang aking puso, kaya nga dito ko siya sa bahay dinala noong muntik nang mabangga siya, eh, imbes na sa ospital, kasi ayaw ko nang mawala pa siya sa paningin ko. I think she's the woman I've been looking for, Ma. Ang katapat ko. Ang gusto kong makasama habambuhay."
Natigilan si Beckah. Animo'y bombang sumabog sa kanyang pandinig ang rebelasyon na iyon ng anak.
"Aren't you happy, Ma? Hindi ka ba masaya na sa wakas ay nahanap ko na ang babaeng pakakasalan ko? Na ibig sabihin ay puwede ka nang magpahinga. Matagal na kayong dapat ay nasa langit kasama si Papa. Huwag na ninyo akong alalahanin pa dahil magiging masaya na ako sa piling ni Abbey."
"Ano bang pinagsasabi mo, Arvin?! Hindi mo pa siya lubusang kilala. Dalawang araw pa lang kayo na nagkakilala? Pakasalan agad? Nahihibang ka na ba?"
"Wala akong pakialam kung ano ang pagkatao niya, Ma. Kapag handa na siya ay ihahatid ko na siya sa pamilya niya at hihilingin ko na ang kamay niya. Hindi ko na siya pakakawalan pa, Ma, at walang makakapigil sa akin," pagkawika niyon ay tinalikuran na ni Arvin ang ina.
"Arvin, bumalik ka rito! Hindi pa tayo tapos mag-usap!" sigaw ni Beckah ngunit nagbingi-bingihan na ang anak. Nanghihina at litung-lito na napaupo na lamang siya.
"So, ikaw nga pala talaga ang ina ni Arvin?" nang bigla ay boses naman ni Abbey sa kanyang likuran.
Hindi na niya ito nilingon pa dahil kanina pa niya nararamdaman ang presensiya nito. Na nakatago ito kanina sa pader at nakikinig sa usapan nilang mag-ina.
"Nakikita ka rin pala niya. Suwerte ka pala dahil bukas ang third eye ng anak mo," wika ulit ni Abbey.
Hindi siya umimik. Gustohin man niyang sakalin ang dalaga sa mga oras na iyon ay hindi niya magawa, dahil nakikini-kinita na niya ang galit na hitsura ng anak. Ayaw naman niyang umakyat ng langit na masama ang loob ni Arvin sa kanya.
"Mahal ko na rin si Arvin kaya 'wag kang mag-alala," boses ulit ni Abbey.
Nagtaka na napalingon na siya sa dalaga, ngunit ang mas ipinagtaka niya ay nakangiti si Abbey. Sa kabila niyon ay sinimangutan niya pa rin ito. Hindi siya madadala sa pangiti-ngiti nito.
"Bata pa lang ako ay nakakakita na ako ng mga hindi nakikita ng normal na mga tao." Lumapit sa kanya ang dalaga at nakiupo.
Tumirik ang mga mata niya. Muntik na niya itong itulak. Ang kapal ng mukha na tumabi sa kanya gayong alam naman nitong ito ang dahilan ng mas malala nilang pagtatalo ni Arvin ngayon. Nasisira ang relasyon nilang mag-ina dahil rito.
"Sabi ng Lola ko ay minana ko raw ang kakayahang ito sa lolo kong albularyo. At sabi sa akin ni Lolo ay hindi ako dapat matakot sa tulad niyo, dahil hindi niyo naman kami masasaktan kapag hindi kami takot sa inyo. Isa pa'y sanay na ako. Diyos ko, ilang multo na ba ang nakasalamuha ko," pagkukuwento pa ni Abbey kahit hindi niya tinatanong.
Napatingin siya rito pero hindi pa rin siya umimik.
"Teka bakit nga pala kayo magnanay ni Arvin? Parang magkasing-edad lang kayo, eh?"
Inirapan ni Beckah ang madaldal na dalaga. Hindi sila close para magkuwento siya rito.
"Nakalabing napaisip naman si Abbey. Mayamaya ay napapitik ito sa hangin. "Ah, alam ko na. Siguro maaga kang namatay, ano? Tama?"
Dedma lang pa rin si Beckah. Wala talaga siyang balak makipag-close-close-an sa dalagang hindi niya alam kung ano ang totoong pagkatao maliban sa may third eye ito.
"Napabuntong-hininga na lang si Abbey. "Aisst, para naman akong nakikipag-usap sa multo nito. Wala man lang nasagot."
Tinaasan niya ito ng isang kilay.
"Ay, sorry. Multo ka nga pala," natawang paumanhin ng dalaga.
Ewan niya kung nang-aasar ba o ano.
"Pero totoo ang sinabi ko, na huwag kang masyado mag-alala sa aming dalawa ni Arvin dahil kahit napamahal na sa akin ang iyong anak ay wala naman akong balak magpatali sa kanya. Ganito lang ako pero hindi naman ako tanga. Alam ko naman sa sarili ko na hindi ang katulad kong babae ang bagay kay Arvin. Tama kasi ang kutob mo na isa akong masamang babae. Ang totoo kasi ay isa akong snatcher, holdaper, magnanakaw at myembro ng akyat-bahay gang. Kasapi rin ako ng laglag-barya. Basta lahat na ng masamang raket sa lugar namin ay kasama ako."
Halos lumuwa ang mga mata ni Beckah sa narinig. "Sabi ko na nga ba!"
Ngumiti si Abbey. "Oo, pero huwag ka nang magalit dahil aalis na nga ako. As in ngayon na," tapos ay malumanay na sabi sabay tayo. "Ikaw na ang bahalang magsabi kay Arvin na wala na ako. At huwag kang mag-alala, wala akong ninakaw kahit ano sa bahay niyo."
Umawang ang mga labi ni Beckah, subalit wala namang lumabas na salita sa bibig niya. Hindi na kasi niya alam ang sasabihin.
"Salamat sa pagpapatira niyo sa akin." Magalang na yumukod sa kanya si Abbey bago humakbang paalis.
Ang pinagtakhan pa ni Beckah, habang inihahatid niya ng tanaw ang paalis na dalaga ay parang gusto niya naman ngayon na pigilan ito.
Ang gulo.
BINABASA MO ANG
MY BADASS GIRL (at Ang Nanay Kong Multo)
ContoNamatay si Beckah na bata pa ang kanyang anak kaya hindi siya pumayag na agad siyang umakyat sa langit. Nanatili siya sa lupa hanggang sa naging binata si Arvin. Subalit naging babaero si Arvin dahilan para lagi rin siyang stress. Hanggang sa dumat...