IKALABING-ISANG KABANATA
Ano bang salapi
ang makapagpapabago ng mundo
Na tatapos sa panggagapi
O pangsisiil sa iyo
Pagkat lahat ng bagay raw
ay nababayaran
Pati ba ang pagiging makabayan?
Sa laki ng gulat ko, pagkat pakiramdam ko ay nakita ko ang isang bagay na hindi nararapat, agad akong napatalikod. Hinatak ko agad si Rieca bago pa man nito matanaw ang nakita ko. Nagdahilan akong nais kong bumili ng sampaguita upang ialay sa simbahan para makalayo kami sa Media Naranja.
Nang mahimasmasan ako, muli akong nakapag-isip kung ano nga ba ang ipinunta ko rito. Hindi siguro ito ang tamang oras para kausapin si Miguel. Mukhang kailangan kong ibigay muna kay Mister Ri ang pondo para sa paglilimbag ng ikalimang publikasyon, at ipaalam na lang ang tungkol rito sa susunod na pagkakataon.
Habang nagmamadali akong papasukin si Rieca sa Parroquia de la Inmaculada Concepción upang makapagsindi ito ng kandila, mayroong marahang kumalabit sa akin.
Isang ginoong nakapostura, may salamin sa mata, at may katamtamang haba ng puting bigote. Sinabihan ko si Rieca na mauna na muna sa loob habang kinakausap ko ang ginoong nakilala ko bago pa man niya ipakilala ang kaniyang sarili. Nakita ko na siya nang minsang dumalaw kami ni ate Margarita sa Santo Tomas, at naalala ko ring dumalo siya ng Tipanan sa Bapor bilang tagapangasiwa ng Bugtungan.
"Francisco..." Inabot nito ang kaniyang kanang kamay bilang pagbati. "Francisco dela Torre."
Inimbitahan ako nito sa Barrio San Luis, hindi kalayuan sa simbahan. Nagpaunlak naman ako pagkat kilala ko siya bilang malapit na propesor ni Enrique.
Mayroong payak na tanggapan na tinatawag na Sala Filipina sa loob ng Casa. Marami-rami rin ang kumakain rito na halatang mga peninsurales at mestizo. Dumiretso ito sa pagpapasadya ng ilang putaheng mamahalin at nanggaling sa Espanya. Mabilis itong hinain sa amin.
"Nawa'y hindi ako nakakaabala sa inyo." Wika niya.
"Hindi naman ho." Sagot ko.
"Mahabang kuwento kung paanong ikaw ang natatanungan ko ngayon..." Pagpapaliwanag niya. "Ngunit, kung mamarapatin niyo ay nais ko sanang diretsahin na ang pakay ko."
Tumango ako at ngumiti. "May maitutulong ho ba ako?"
Siguro, dahil naikukwento siya ni Enrique sa akin dati, kaya magaan ang loob ko na makipag-usap kay ginoong Francisco.
"Malapit ka bang kaibigan ni Margarita Camba?" Tanong niya na nagpaurong sa aking dila. Hindi ba tungkol kay Enrique ang pag-uusapan namin?
BINABASA MO ANG
Marikit at Adhika (The Tale of the Poets Book 1)
Historical FictionMaraming itinatago si Catalina, anak siya ng Heneral kaya may pangalan siyang iniingatan. Isa na sa mga pilit niyang ibinabaon ay ang tunay na kuwento sa likod ng pagkamatay ng kaniyang ninong Simon. Paano mabubuo ang samahan ng mga manunulat, kung...