IKA-PITONG KABANATA
Itong timbangan namin,
madaling nakanawin
Pagpumapatak ang dilim
wari mo'y mulat ngunit 'di gising
Tuwing bumibigat,
ang hikaos nami'y nasasadlak
Kung 'di sasapat,
ang papantay ngayo'y ginto't pilak
Madalas kong hanapin
ang timbangan namin
Hanggang matagpuan ko
sa isang bahay na bato
Nakakumot, humihilik,
nagsasara ng pinto
Kaya siguro mailap siya sa aming baryo
'pagkat ang barung-barong nami'y kubo
Pagkalipas ng limang araw, mula noong ibinalita na nawawala si Mang Alberto, tumambad sa isang tanghaling tirik ang araw ang bangkay nito. Natagpuan ng ilang mangingisda ang isang palutang-lutang na katawan sa gitna ng dagat ng Rosa dakong alas diyes ng umaga.
Agad nagtungo sa daungan ang pamilya Fabel. Nakumpirmang ito nga ang haligi ng kanilang tahanan dahil sa peklat nito sa kamay na nakuha ni Mang Alberto sa pagpasok sa Repartamiento. Wala itong saplot bukod sa kaniyang karsonsilyo. Sa tagal nang nababad sa tubig, namanas, nagkulay lila ang ibang bahagi na may naumong dugo, at kulay abo na ang buo nitong katawan.
Iyan ang binigay sa aking depenisyon ni Lope nang makiusisa siya sa pangyayari. Inutusan ito ni Manang Pia na magpagawa ng pawid para sa binubuo nilang maliit na silong ng banga. Ang bangang iyon ay pinaglagyan ng mga sariwang karne ng baka. Binudburan ng asin, suka, bawang, at paminta. Isa itong uri ng proseso ng pagaadobar. Ibabaon ito sa lupa ng ilang araw hanggang sa selebrasyon ng kaarawan ni ina sa ika-labing tatlo ng Agosto.
Kaliwa't-kanan ang mga espekulasyon sa likod ng pagkamatay ni Mang Alberto. Pilit kong ginigiit sa aking sarili ngunit paano kung mayroon ngang nalalaman si ama kaya hindi ito nagsasalita?
Nito lamang ding umaga ay namasid kong may ipinaabot sa kaniyang sulat ang isang guwardiya sibil. Pribado niya itong binasa at mukhang napakahalaga ng laman na kinailangan niya pang sunugin sa bakuran pagkatapos niyang basahin. Binantayan niya hanggang sa maging abo na lamang ang papel.
BINABASA MO ANG
Marikit at Adhika (The Tale of the Poets Book 1)
أدب تاريخيMaraming itinatago si Catalina, anak siya ng Heneral kaya may pangalan siyang iniingatan. Isa na sa mga pilit niyang ibinabaon ay ang tunay na kuwento sa likod ng pagkamatay ng kaniyang ninong Simon. Paano mabubuo ang samahan ng mga manunulat, kung...