IKALABING-TATLONG KABANATA
Matapos ang ilang minuto na pagpapahina nagtungo kami kina Ginang Liwayway na parang walang nangyari. Pinakiusapan kami ni Luna na kung pu-puwede ay ipagpaliban muna ang pagku-kuwento sa insidente pagkat hindi pa siya handa at hindi rin ito ang tamang araw. Kasama si Emong, Miguel, at pati na si Vianca, dumaan kaming saglit sa bahay nila Ginang Liwayway upang batiin si Kahel. Hindi na sumama si Senyora Peza dahil kailangan niyang maiwan sa Casa de Estores.
Gaya ng inaasahan nagtataka si Ginang Liwayway kung bakit mayroon kaming mga benda lalo na si Miguel na kitang-kita ang mga pasa sa mukha. Idinahilan ni Luna na mayroong malaking aparador ang kailangang buhatin sa Casa kaya nagtulong-tulong kami ngunit bigla itong nabagsak. Nagulat din ito na magkakasama kami.
"Naku, Miguel at Catalina... kawawa naman ang mga magaganda niyong balat." Pag-aalala ni Ginang Liwayway.
"Ang mahalaga ho hindi ganoon kasama ang pagbagsak. Kakayanin pang bumangon." Ani Miguel.
Napangiti si Ginang Liwayway sabay napansin na dalawang kamay ko pala ang may benda. "Aba'y paano ka palang makakakain, Catalina?"
"Hindi na lang ho siguro..." Magalang kong pagtanggi.
"Sayang naman! Hitik pa naman ho sa hipon ang niluto ni ina na pansit." Saad ni Kahel.
Natatanaw ko nga sa mesa ang mga nakahandang pagkain. Ang bango pa ng amoy ng pansit bihon. Pero hindi ko kayang hawakan ang kubyertos o hindi kaya'y magkamay dahil puno ng galos ang magkabila kong palad.
"Gusto niyo ho bang tulungan ko kayo?" tanong ni Vianca sa akin.
"Ay hindi na!— Huwag na, Vianca... Nakakahiya naman sa iyo." Umiling ako at mariing tumanggi. Imbes na mangingisda kami at payapa ang araw niya, nadamay ko pa siya sa gulo kanina. At ngayon, ang kapal naman ng aking pagmumukha para asikasuhin niya pa ako. "Ako naman ang may gawa nito sa sarili ko. Huwag mo na akong alalahanin. Ikaw na lang ang kumain."
"Sigurado ho ba kayo?" Aniya.
Tumango ako at ngumiti.
Sinabi na lang ni Ginang Liwayway na padadalhan niya na lang ako sa aking pag-uwi para makakain ako nang mas komportable rin sa bahay. Napag-usapan namin ang pag-usad ng kaso para sa pagkamatay ni Mang Alberto. Nakapaghain na raw sila ng mga dokumento upang magkaroon ng pagdinig sa kaso. Aniya malaki ang pagpapasalamat nila kay Miguel at sa kaniyang ama na si Don Hilario pagkat hinanapan sila ng abogado na mag-aasikaso mula sa paghahanap ng testigo at ebidensya.
Hinihintay na lamang daw nila ang desisyon ng korte pagkat noong una raw pala silang nagsumite ay binasura ito. Ngunit dahil narinig raw ng hukom na si Don Hilario ang nag-ayos ng mga papel ay binawi ang unang desisyon. Sinabihan silang magpasa muli ng bago na mas may kongkretong tinutukoy na taong pinaghihinalaang may responsibilidad umano sa pagkamatay ni Mang Alberto.
Mabagal ang takbo ng hustisya. Mailap rin daw ang mga nakakausap ng kanilang abogado na mga guwardiya sibil na naroroon noong gabi ng insidente. Nalaman ko ring si Miguel ay siya ring abala sa paghahanap at pagkukumbinsi ng mga maaaring tumestigo.
BINABASA MO ANG
Marikit at Adhika (The Tale of the Poets Book 1)
Historical FictionMaraming itinatago si Catalina, anak siya ng Heneral kaya may pangalan siyang iniingatan. Isa na sa mga pilit niyang ibinabaon ay ang tunay na kuwento sa likod ng pagkamatay ng kaniyang ninong Simon. Paano mabubuo ang samahan ng mga manunulat, kung...