Mambabasa part 2

1 0 0
                                    

MAMBABASA
By:Lira Luna
Genre: Fantasy
Story category: Fiction

Part 2 -Paglalakbay

Nagising ako sa paraan ng paghamyos ng malamig na hangin sa aking mukha. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Ang napakagandang sinag ng buwan ang aking unang nasilayan. Bumangon ako at do'n ko lamang napagtanto na nakahiga ako sa damuhan.

Napakaganda ng paligid, na lalong dinagdagan ng sinag ng buwan na pinagkakaloob ni Luna ang Diyosang anak Bathala. Natatanaw ko ang ganda ng kaparangan, mga bulaklak na nakatiklop at malamyos na isinasayaw ng hangin.

Napapikit ako sa katiwasayang dulot ng kalikasan. Ang kanyang katahimikan ang nagsisilbing musika sa aking pandinig. Ang mga punong tila sumasayaw, at huni ng mga ibon sa gabi.

Ngunit nasaan ako? at anong lugar ang paraisong ito. Hindi ko matandaan kung ano ang nangyari, pagkatapos akong dakpin hindi ko alam ano ang kasunod na nangyari.

Sa lalim nang aking pag-iisip saka ko lang natandaan ang hari. Nang maalala ko siya ay agad akong tumayo mula sa aking pagkakaupo at pagmumuni-muni. Nais ko tumakbo pero hindi ko alam saan ako patutungo o paruroon. Hindi pamilyar sa'kin ang paraisong ito.

Tumingala ako sa langit, ngunit wala ni isang bituin akong nakita, napahawak ako sa aking dibdib, kung saan nakapwesto ang aking puso. Nakaramdam ako ng mga pakiramdam na hindi ko maunawaan at hindi pamilyar na pakiramdam para sa'kin.

Ano na ang nangyari sa aking kamahalan? kailangan ko siyang mailigtas. Ngunit hindi ko alam kung saan ako naruroon. Akto na akong tatakbo nang may liwanag akong naaaninaw sa likod ko. Agad akong lumingon at nakita ko ang apat na magagandang babae. Nakangiti sila sa'kin.

"Saan patutungo ang anak ng buwan?"

Nangunot ang noo ko, Hindi ko alam kung ano ang kanilang ibig sabihin na ako'y anak ng buwan.

"A-ano ang inyong sinasabi? ako'y hindi anak ng buwan.. ang aking--"

Hindi ko natapos ang aking sasabihin nang sila'y napahagikhik. Napatingin sa'kin ang kulay pulang ilaw na babae. Saka marahang lumapit sa'kin na hindi nakasayad sa damuhan ang kanyang mga magagandang paa.

"Malaya, ang iyong kapangyarihang makabasa ng mga bituin ay mula sa kanya."

Wika niya sabay lahad ng kanyang mga palad sa buwan dahilan para mapatingin din ako sa tinuro niya. Muli akong napatingin sa kanya at nang ibaba niya ang kanyang kamay ay muli akong nilingon nang may ngiti. Napatingin siya sa buhok kong hanggang lupa saka hinawakan ito sabay tingin sa kanyang tatlo pang kasama.

May pag-aalala namang lumapit ang kanyang mga kasamahan at tinignan din ang aking buhok na siya namang pinagtataka ko nang husto.

"Nakita mo ang mukha ng hari?"

Tanong sa'kin ng babaeng may kulay kayumanggi na ilaw, at tila dahon na ang kanyang damit. Nanlaki ang mata ko nang aking maalala. Nakita ko pala ang mukha ng hari kaya hindi ko mabasa ang nakasulat sa mga bituin ani ko sa aking isip sabay tingin sa langit.

"Kaya pala itim na ang iyong buhok Malaya, dahil nawala ang iyong kakayahang makabasa ng mga bituin."

Pagkawika nang babaeng kulay Asul ang liwanag ay saka ko lamang napansin na itim na ang aking buhok na dati ay kulay puti na parang buwan.

"Ngunit ano po ang aking gagawin? nasa panganib ang aking kamahalan!"

Nagtinginan sila saka muling humarap sa'kin. lumapit sa'kin ang babaeng kulay kristal ang kanyang kulay sa katawan. Hinawakan niya ang aking kamay. Napatingin pa ako sa kamay niya dahil nararamdaman ko ang lamig mula sa mga palad nito.

MAMBABASA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon