Mambabasa Part 4

3 0 0
                                    

MAMBABASA
Ni: Lira Luna
GENRE: FANTASY
STORY CATEGORY: FICTION

Part 4 -Ang pagbabalik sa Kural

Nagulat ako sa nakita kong pagbabago sa Kural, naging masalimoot ang pamumuhay ng mga ka tribo ko. Ang mga tribong hindi maharlika ay mas nagiging kawawa at pinaramdam sa kanila na sila ay mababang uri.

Ang mga maharlika naman ay naging gahaman sa kayamanan at pilit dinudurog sa kanilang mga paanan ang mga taong walang dugong maharlika.

Lahat ng uri ng kasamaan ay kanilang tinatamasa ngayon. Ano na ba ang nangyari? ano ang ginawa ng Diyosang walang ibang laman ang puso kundi bahid ng kasamaan, galit, poot at pagkamuhi. Pusong nabubuhay pa ay pinaparusahan na nang isang daang pasakit na tila hindi na magiging masaya.

Kahabag-habag na Diyosa, walang nagmamahal at nag-aaruga.

"Malaya, kailangan may tao kang mapagkakatiwalaan sa loob na siyang magpapasok sa 'yo".

Ani Danan ang elemento ng lupa. Napaisip ako sa kanyang sinabi, sino nga ba ang pwede ko lapitan sa loob? kung halos kalunos-lunos na ang sinapit ng mga ka tribo ko.

Napatingin ako sa malaking trangkahan ng Kural at nakita ko si Nangkaan ang anak ni Abu kalaw. Isa sa pinakatapat na katiwala ng hari sa palasyo ang ama ni Nangkaan. Sinuot ko ang aking balalabal na bigay ng ina ni Mulave. Saka dahan-dahang lumapit sa trangkahan.

Nagkunwari akong nagpasuray-suray, na tila ba nangangailangan ako ng tulong. Napansin ko namang pilit akong inaaninaw ni Nangkaan, at nang malapit na ako sa kanya ay nagkunwari akong natumba.

Naramdaman kong siya 'y papalapit, agad kong ipinikit ang aking mga mata. Alam ko na nakatayo na siya sa gilid ko. Naramdaman kong hinawi niya ang aking balabal at narinig ko pa ang kanyang marahang wika na.

"Isang babae"

Hindi niya ako nakikilala? Ngunit bakit? wala naman segurong nagbago sa aking mukha.

"Malaya marahil hindi ka niya nakikilala dahil sa itim na ang iyong buhok."

Wika ni Danan, marahil nga dahil nakagisnan nila akong puti ang aking buhok na parang buwan.

"Binibini, gumising kayo... ayos lamang ba kayo?"

Naririnig ko pang wika niya, bahagya akong nagmulat at sinambit sa kanya ang salitang 'tulong'. Nilapit pa niya ang teynga niya para marinig ang sinasabi ko. Nakikita ko namang papalapit ang ibang gwardiya.

"Tulungan mo ako, P-pauwi na s-sana ako sa timog silangan, Ng-ngunit k-kinuha ng m-mga mangangaso a-ang aking pagkain.. G-gutom n-na ako."

Pagkukunwari ko, kilala ang Timog silangan bilang mananahi ng palasyo, kaya naman agad na tumayo si Nangkaan at binuhat ako.

"Sino 'yang dala mo!"

Wikang tanong ng isa sa mga gwardiya, hindi na ito mga gwardiya ng Kural. Dahil sa suot nilang mga pananggalang.

"Taga timog silangan siya, ang mananahi ng palasyo. Siya 'y inambangan ng mga mangangaso at kinuha ang kanyang baon at mga tela na gagamitin sana sa pananahi. Pakakainin ko lamang siya sa aming tahanan para makauwi na."

Hindi na nagsalita ang mga gwardiya at dali-daling tumakbo papasok si Nangkaan sa loob ng kural. Nalungkot ako sa nakitang pagbabago sa aking nakagisnang tahanan, hindi na ito ang lugar na masaya at matiwasay.

Puro kahalayan na at makamundong gawain ang namumutawi sa bayang ito. Alam ko parurusahan ni Bathala ang mga taong sumuwail sa kanyang kalooban.

Pagdating namin sa bahay ni Nangkaan ay agad niya akong binaba sa mahabang upuang gawa sa kahoy. At tinawag niya ang kanyang ama.

MAMBABASA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon