ALIGAGA si Nessie habang tumutulong sa ilang mga sugatang mamayan sa bayan. Mabilis ang lakad niya habang dala-dala ang ilang mga gamot patungo sa silong ng sirang kubo. Naabutan niya si Rica habang sinusuri ang kondisyon ni Sue na walang malay sa tabi.
"H'wag kang masyadong magkikilos. Hindi ko pa nalalapatan ng lunas ang sugat mo." Saka niya inilapag ang ilang gamit sa patag na bato. "Mabuti na lang at palagi akong may dala-dalang gamot sa tuwing naglalakbay ako. Mas epektibo ito kaysa sa gamot na ginagamit sa bayan niyo." Saka niya binuksan ang maliit na garapon.
"Bakit hindi mo na lang ibigay iyan sa iba? Mas kailangan ng iba ang gamot na 'yan. Kaya ko pa naman at sugat lang ang natamo ko." Saka nito bahagyang itinulak ang kamay niya papalayo.
"Pero ang lalim ng sugat mo, Rica!"
"Ibigay mo na 'yan sa iba. Ayos lang ako."
Bumuntong hininga siya kasabay ng pag-iwas nito ng tingin sa kanya. Ibinaba niya ang garapon na hawak at kinuha ang malinis na tela. Tinanggal niya iyon sa pagkakarolyo at pinatakan ng kaunting gamot.
"Kung ganoon, lilinisin ko na lang ang sugat mo at tatakpan ng tela. Mahirap na kung maimpeksyon ka pa."
Tahimik ito habang pinapanood siya sa paglilinis na ginagawa.
"Palagi ka bang may dalang mga gamot? Hindi kita masyadong nakakausap nitong mga nakaraang araw at narinig kong naglalakbay ka mag-isa." Tumango lang siya rito. "Salamat. Mas maganda na talagang handa sa paglalakbay."
Batid niyang gumagawa lang ito ng kanilang mapag-uusapan. May nginig sa tono ng pananalita nito. Iwas ang tingin sa kanya at para bang naghahanap ng mapagbabalingan ng tingin. Subalit, kahit na saan ito lumingon ay makikita kung gaano napinsala ang bayan. Maririnig ang iyakan sa paligid at ang pagdaing ng ilang mga sugatang sibilyan. Gumuho ang ilang mga matatayog na kubo at halos maabo nang matupok ng apoy. Idagdag pa ang kasamahang walang malay sa kanilang harapan.
Ramdam niyang nagpipigil lang ito ng pagluha sa kanyang harapan.
"Akala ko'y may masamang mangyayari sa inyong dalawa pagkatapos bumagsak ng matinding kidlat sa kalangitan." Aniya.
"Kahit ilang beses niyang itanggi, sigurado akong siya na ang nilalang na nasa propesiya." Naaninag niya ang pagkuyom ng kamao nito habang ipinagpapatuloy niya ang pagbebenda sa sugat. "Siya lang ang maaring makatulong sa atin pero..."
"Pero?"
"Hind niya gusto ang obligasyon na nakatakda para sa kanya. Gusto niyang umalis sa lalong madaling panahon."
Napangiwi siya sa narinig. Ngayon, malinaw na sa kanya kung bakit nais nitong maglakbay patungo sa Cephiro. Hindi para matuto ng salamangka, kung hindi makahanap lang ng daan upang makabalik sa lugar nito. Napa-iling siya sa narinig at binuhol ang benda sa braso nito.
"Nakakalungkot marinig ang bagay na 'yan. Sadyang hindi natin mapipilit ang isang indibidwal sa gusto at desisyon nila sa buhay." Pinagmasdan niya rin si Sue habang malalim ang pagkakatulog nito. "Sinisisi mo ba siya sa nangyari?"
BINABASA MO ANG
Prince of Darkness ✔️
FantasíaFrederico always wonders what it feels like to be normal. Hindi niya maintindihan kung bakit ang mga taong may maigsing buhay ay nagagawang maging masaya kung ikukumpara sa kanya. At sa araw na makibagay siya sa lugar ng mga ordinaryong sibilyan, di...