NAGSIMULANG gumapang ang apoy sa paligid. Nanatiling nakatayo si Frederico habang pinapanood ang mga tauhan niya sa malawak na kapatagan. Kahit na saan siya lumingon, makikita ang nagtutunggalian mga kawal. Nagsimula siyang maglakad at nilagpasan ang mga kawal sa paligid. Marahas niyang hinila ang espada sa tagiliran at hindi nagdalawang isip na iwasiwas iyon sa mga nagtatakang lumapit sa kanya.
Tumingala siya sa kalangitan at nakita ang paglipad ng itim na uwak. Gumuhit ang ngiti niya nang magkagulo sa palasyo ng Vastia.
Ang lahat ng humaharang sa kanyang daan, nawawalan ng buhay. Tumalsik ang ilang dugo sa kanyang damit nang hilahin niya ang pagkakabaon ng armas sa katawan ng kawal. Pinagmasdan niya ang kanyang kamay at ikinuyom ang kamao. Ramdam na ramdam niya ang pagdaloy ng lakas sa kanyang katawan at pagliwanag ng kwintas na suot-suot.
"Napakasarap sa pakiramdam. Hindi nakakapagtaka na naisin ito ni Ama."
Nagsimula siyang pumasok sa kastilyo. Napakaraming kawal ang humarang sa kanyang daan. Sabay-sabay itong sumalakay sa kanya gamit ang mahahabang sandata. Sa bawat daang dinaraanan, bakas ng dugo ang kanyang iniiwan. Ikinumpas niya ang kamay at kumawala roon ang itim na usok, paikot itong nagtungo sa malaking pinto at itinulak ito ng malakas na pwersa.
Kulang na lamang ay matanggal ito sa pwesto dahils malakas na paghampas nito sa pader. Mula roon, nakita niya ang grupo ng mga kawal na naghihintay sa kanyang pagdating.
"Anong kalapastanganan ang ginagawa mo, Frederico?" bulyaw ng kanyang ama sa likod ng napakaraming kawal. "Pinagtaksilan mo ang kaharian! Hindi kita pinalaki para rito!"
Marahan siyang natawa nang marinig ang linyang iyon. "Kung makapagsalita ka, parang nagampanan mo ang pagiging ama mo. Hindi ka pa rin ba nagsasawa sa mga palabas mo?" Aniya.
"Wala kang utang na loob! Pagkatapos kitang bihisan at bigyan ng kapangyarihan, ito ang igaganti mo sa akin?"
"Hindi ba't ganoon naman talaga ang dapat gawin ng isang magulang?" mariin niyang sambit. "Oh, baka kasi ginawa mo lang 'yan para sa 'yong kapakanan?"
Malinaw sa kanyang paningin ang gigil na mukha ng hari. Buong buhay niya kinuwestyon ang lahat sa kanyang paligid, kung ano ba ang totoong pakiramdam ng pamilya at kung ano ang emosyon. Ngunit sa bawat araw na nagdaraan, bawat pamilyang pinagmamasdan, at bawat bayan na nilalagpasan, kitang-kita niya ang malaking ipinagkaiba nito sa kanya.
Mas nakakaramdam ito ng iba't-ibang emosyon bagay na hindi niya nararanasan.
Tulad ng ibang nilalang na nakakagamit ng salamangka, mayroong espesyal na koneksyon ang bawat pamilya. Nararamdaman nila ang enerhiya ng isa't-isa at maaring maputol ang presensya sa oras na malagutan ito ng hininga. Subalit, kahit na emosyonal na koneksyon sa kanyang ama'y hindi niya maramdaman.
"Hindi ka makasagot?" panunudyo niya. "Bakit hindi mo na lang aminin na ginamit mo lang ako para maging instrumento sa pananakop. Iyon lang iyon."
"Nahihibang ka na, Frederico! Dahil lang sa pagdududa mo sa akin, hahantong ang lahat sa ganito ang lahat?" hindi makapaniwalang saad nito.
BINABASA MO ANG
Prince of Darkness ✔️
FantasyFrederico always wonders what it feels like to be normal. Hindi niya maintindihan kung bakit ang mga taong may maigsing buhay ay nagagawang maging masaya kung ikukumpara sa kanya. At sa araw na makibagay siya sa lugar ng mga ordinaryong sibilyan, di...