R-1

4 0 0
                                    

12:55 AM; Thursday, 28 July, 2022

Ayon habang nag-aayos ako para matulog, napaisip ako bigla.

"Bakit parang wala akong masyadong ginagawa?" 

Ang dalas ko 'tong maramdaman o maranasan. Kapag ang daming gawain, nagre-reklamo ako kasi ang daming gawain. Kung wala naman, nagtataka ako kung ba't wala akong ginagawa. Kapag maraming gawain, kinakabahan ako kasi 'di ako sigurado sa ginagawa ko o kung kaya ko bang matapos. Buti na lang at natatapos ko naman. Kung wala namang gawain, nag-aalala pa rin ako kung bakit wala akong ginagawa. Madalas kong pakiramdam, wala akong kwenta. May gawain man o wala.

Overthinking. Isang salita lang pero ramdam mo 'yong bigat. Aminado ako na madalas kong isipin 'yong mga bagay-bagay kahit pa wala namang halaga. Tapos dumating 'tong Pandemic, lalong lumala. Ang masama, dala-dala ko pa rin hanggang ngayon. Ginagawan ko naman ng paraan para 'di ako tuloy-tuloy sa pag-o-overthink. Marami akong pampalipas oras. And'yan 'yong pagbabasa, guhit na pinipilit ko kahit 'di ako kagalingan, manood ng mga anime o pelikula. Kahit mga series pinatulan ko na 'di nga lang madalas. Sinubukan ko ang pag-gantsilyo. Pagsusulat, pagbe-bake. Makinig ng musika, kumanta kahit na sintunado, at sayaw kahit parehas na kaliwa 'yong paa ko't matigas ang katawan ko. Pero sa tapos pa rin talaga ng araw, may oras ng katahimikan. Kadalasan ito 'yong oras na gaya nito, bago ka matulog. Parang lahat ng karanasan mo na nakakahiya e, maaalala mo.

Sa mga ganitong pagkakataon, ang madalas sa akin e, mag-reflect. Kung anong nagawa ko sa araw, bakit 'yon lang nagawa ko, bakit hindi ako naging productive?

Kung hindi naman 'yan, ino-overthink ko naman 'yong future.  Paano ako? Saan ako pupulutin? Kung hindi ko gagalingan, anong mangyayari sa akin?

Sa totoo lang, mahirap. Ako mismo, nahihirpan sa sarili ko kung bakit kahit anong pigil ko, hindi ko maiwasan mag-overthink. Minsan naiinis ako kasi bakit kaya kong i-overthink 'yong mga bagay na walang kwenta pero ang dali kong sukuan 'yong mga dapat pag-isipan sa subjects ko.

Naguguluhan,
Lili

Rants. Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon