20 Ang Buhay ay Biyaya

17 1 0
                                    

Sa saloy man ay puno ng subyang,

Mapalad ka't ikaw ay nilalang,
'

Pagkat 'di lahat pinagkalooban,
Na tanging mundo ay masilayan.

Minsan ang mundo nga'y tampalasan,
Unos ay iyong mararanasan,
Tulad ng problema at iba pa,
Ngunit kinaya mo naman, 'di ba?

Ngayong nag-iba naman ang ihip,
Pandemya'y bigla na lang sumilip,
Mundo'y binago sa isang pikit,
Tila lahat ay naging mapait.

Naging madilim ang bawat landas,
Sa takot ay hindi makatakas.
Ang mga puso ay namamanglaw,
Kailan ba sisikat ang araw?

Marahil 'yan ang naramdaman mo,
Ngunit sana'y iyong mapagtanto,
'Yan ay pagsubok at 'di parusa;
Ang bawat problema ay pag-asa.

Pag-asang madapa at matuto,
Madiskubre ang iyong paglago.
Mapalapit sa Amang lumikha,
At matantong ang buhay ay biyaya.

Lagi siyang nasa 'yong likuran,
Handang alalayan at gabayan,
Kaya manatili kang matatag.
Ang puso't isip ay ipanatag.

Hala humayo ka at lumaban.
Bukas ay iyong masisilayan,
Sikat ng araw na inaasam,
At buhay na walang agam-agam.


Word Of MineWhere stories live. Discover now