"Saan banda ka bababa?" biglang tanong ng driver.
Inakala ko pang ang babae ang tinatanong niya pero kita kong sa'kin nakatutok ang mata niya. Dalawa kasi kaming natira. Nakakahiya namang sumagot tapos hindi pala ako ang kausap.
Nalipat ang atensyon ko sa matandang driver. "Sa pangalawang waiting shed nalang po,"
"Kanina pa kita napapansing may kausap diyan. May katawagan ka ba o namali lang ako ng dinig?"
Bumalik sa driver ang pansin ko. Sinaglitan ko ng sulyap ang babae sa kabila. Hindi parin ito natinag sa pwesto niya.
"Ah, makikisuyo po sana ako sa kanya na iabot ang bayad sa inyo. Pero... mukhang pagod siya kaya hindi niya ako narinig," sagot ko.
Sa pagkatataong ito ay pareho na kaming nagkakunutan ng noo ni Manong Driver.
"Sa kanya? Sinong tinutukoy mo? Ikaw nalang ang pasahero ko, Miss. Kanina ka pa mag-isa diyan,"
"Po? Mali po kayo. May kasama pa po ako..." humina ang boses ko sa hindi malamang rason.
"Magmula nung bumaba 'yong dalawang estudyante sa mall, mag-isa ka na diyan. Kaya nga nagtataka ako kung sino ang kausap mo,"
Natigilan ako.
Ramdam ko ang unti-unting pagtindig ng balahibo ko sa batok at braso. Namuo ang butil ng pawis sa noo ko. Hindi ko magawang maalis ang atensyon kay Manong Driver na seryosong nakatingin sa kalsada. Hindi ko narin magawang pangalanan ang emosyong lumulukob sa'kin ngayon. Ang alam ko lang ay mas nangibabaw ang pagtataka at pangingilabot sa sistema ko.
Paanong mag-isa nalang ako? Kung talagang may kasama pa akong babae dito sa dyip. Ano 'yon? Ako lang ang nakakakita? O baka. . .
Walang lingon-lingon akong lumapit sa banda ni Manong Driver. Maingat at walag tunog. Sa isang iglap lang ay biglang lumamig sa tabi ko na mas lalong nagpatindig ng balahibo ko.
Pst...
Pst..
Nahigit ko ang aking paghinga nang marinig 'yon. Diko alam kung epekto ba ng nararamdaman ko o talagang may narinig akong boses sa tabi ko.
Mismong sa tabi ko.
Pst...
Nilabanan ko ang takot at ang sariling huwag lumingon subalit tila mayroong sariling pag-iisip ang leeg ko kaya kusa nalang itong nasunod.
Maputla, duguan, maraming sugat at baliktad ang ulo ng babae. Kung sa ordinaryong tao, nasa ibaba ang bibig at nasa itaas ang noo. Subalit ang sa kanya ay kabaliktaran. Iyon ang bumungad sa akin paglingon na paglingon ko. Kahit bahagyang natatakpan ang mukha nito ng mahaba niyang buhok kitang-kita parin ang nakakahindik nitong itsura.
Sumikip ang dibdib ko at mas lalong nanlamig sa kinauupuan. Parang naipit ang boses ko sa loob. Gusto kong sumigaw sa takot subalit kahit ang paggalaw ay hindi ko magawa. Ang tanging naisip ko nalang ay pumikit at tahimik na nagdasal. Paulit-ulit akong nag-usal ng dasal. Nang medyo humupa ang takot ko ay mabagal akong nagdilat ngunit rumagasa muli ang matinding takot nang nasa tabi ko parin ito habang may nakalitaw na malaking ngiti sa baliktad nitong labi.
Naghatid iyon ng kilabot sa'kin na halos makalimutan ko ng huminga. Muli akong pumikit at nagdasal. Sa pangalawang pagkakataong nagmulat ako ay agad akong lumingon sa driver at nanginig ang kamay na inabot ang bayad. Pilit kong kinalma ang sarili upang hindi makahalata ang walang kamuwang-muwang na matanda.
"D-Dto nalang p-po ako, M-Manong," lumunok ako ng ilang beses dahil sa panginginig ng boses ko.
"Malayo pa tayo sa waiting shed na tinutukoy mo. Dito ka na bababa?" takang tanong nito.
"Opo! May d-dadaanan pa kasi ako dito," medyo napasigaw na ako dahil kating-kati na akong bumaba at lumayo sa babaeng nasa tabi ko.
Na pakiramdam ko ay lalong siniksik ang sarili sa'kin.
Halos liparin ko na ang labas kahit umaandar pa ang dyip sa kagustuhan kong makaalis sa loob. Lakad-takbo ang ginawa ko at hindi na binalak na lumingon pa sa dyip. Pakiramdam ko kasi kapag ginawa ko 'yon masusundan ako.
Marami ng kumakalat na balita tungkol sa mga nagmumulto banda dito sa amin. Ang totoo niyang hindi talaga ako naniniwala sa mga multo at kung ano pang hindi nakikita ng pangkaraniwang tao. Pero ngayong mismong naranasan ko na hindi ko parin masabi kung totoo nga ba sila. Na hindi lang tayo ang nakatira sa mundong ito.
Hindi natin sila nakikita kaya di rin natin malalaman kung may katabi ba tayo ngayon sa mga oras na ito.
Kung mag-isa ba talaga tayo sa mga panahong wala tayong kasama.
Pawis na pawis ako nang marating ko ang waiting shed. Tahimik at wala ng tao. Madalas kasi may tumatambay pa ng ganitong oras. Laking pasasalamat ko nalang dahil may ilaw narin ng poste kaya maliwag na.
"Ayos ka lang?"
"Pis--"
Napahiyaw ako sa magkahalong kaba at gulat. Muntikan ko pang mamura. Sa nakita ko ba naman kanina, sinong hindi kakabahan? Matalim na lumipat ang tingin ko sa lalaking bigla-bigla nalang sumusulpot. Pero mabilis din iyon napalitan ng pagkamangha nang makita ang kabuuang itsura at postura nito.
"Taga-rito kaba? Saang banda ka dadaan? Sabay na tayo," ngiting saad niya.
"Huh?" parang timang na sagot ko.
Maganda ang tindig nito. Isabay pa ang tangkad na nakakangalay sa leeg. May itsura pero hindi lang basta may itsura dahil magandang lalaki talaga. Ngunit may isa pang nakaagaw ng pansin ko. Ang suot nitong damit ay katulad ng sa uniporme ng unibersidad na kasalukuyan kong pinapasukan.
Ibig sabihin lang no'n nasa iisang school lang kami?
"Tara na? Lumalalim na ang gabi," kumurap-kurap ako sa anyaya niya.
Ngayon lang kami nagkita pero kung umakto ito ay para bang sobrang tagal na naming magkakilala. Kahit gwapo pa ito mali paring sumasama ako sa taong isang beses ko palang nakita.
At gabi pa talaga!
Nahalata niya ata ang pagdadalawang isip ko kaya marahan itong humalakhak.
"Naiintindihan ko. Pero wala akong masamang intensyon sa pagyaya ko kung 'yon ang inaalala mo. Dapat nga kanina pa ako nakauwi kung hindi lang ako naligaw. Hindi ko pa kasi kabisado ang pasikot-sikot dito. Kung hindi pa ako nagtanong-tanong baka abutan ako ng madaling araw kakaikot sa buong barangay," paliwanag niya. Natatawa parin dahil siguro sa nangyari sa kanya buong araw.
"Bagong lipat ka? Hindi ka kasi pamilyar. Halos lahat ng nakatira dito kilala ko kaya medyo nag-aalangan ako kanina...," banggit ko.
"Oo. Bagong lipat kami ng pamilya ko. Mag-iisang linggo na," bahagya siyang yumuko at mainam na tumitig sa'kin. Napaurong ako ng kaunti sa kilos niya. "Dito sa waiting shed, dalawang beses na kitang nakita rito,"
TO BE CONTINUE
![](https://img.wattpad.com/cover/318088050-288-k169344.jpg)
BINABASA MO ANG
Unknown from Nowhere (short story)
TerrorDuwende, Multo, Kapre, Tikbalang, Engkanto at kung ano-ano pang nilalang na laman ng katatakutan. Ni isa sa mga ito ay walang pinaniniwalaan si Eleonor. Para sa kanya isa lamang iyong kwento ng mga matatanda para takutin ang mga batang supil. Subal...