handa na

17 2 0
                                    

Bumalik din sa dati ang trato sa'kin ng lahat. Nabura na 'yong weirdong titig nila sa'kin sa tuwing makikita ako. Naging magaan ang bawat pagpasok at pag-uwi ko.

"Kumusta ka dyan, nak? Maayos ba lahat?" tanong sa'kin ni Mama isang gabi na tumawag ito.

Tumango ako kahit di naman niya nakikita. Niyakap ko ang dulo ng kumot ko at siniksik ang sarili sa headboard ng kama. Nasa Iligan sila samantalang nasa Maynila ako dahil sa trabaho. Binilhan ako ng maliit na bahay dito para daw hindi na ako gumastos kung magrerenta pa.

"Ayos lang po ako rito. Kayo po dyan?" sagot ko.

"Ganun parin. Naninibago parin kami lalo na ang mga kapatid mo. Gustuhin man naming pagbakasyunin ka muna namin dito pero pinagbabawal pa ni Ka Astong," malungkot niyang saad.

"Makakauwi rin po ako. Hintayin niyo lang. Miss ko na po ang buhay ko dyan," malungkot kong saad.

Hindi na masyadong humaba ang usapan namin ni Mama. Nagkwento lang ito tungkol sa lugar namin para daw hindi ako masyadong mangulila. Hindi rin maiwasang maibalik 'yong nangyari. Sinabihan ako ni Mama na mas magandang may pagkukwentuhan ako para hindi na ako masyadong matakot at alalahanin ang nangyari.

Tungkol sa bagay na 'yon, hinahanda ko pa ang sarili.

Kinabukasan, maaga ulit akong pumasok. Tinapos ko na ang hindi ko pa natapos nung nakaraan. Nang tumuntong ang tanghalian, inimbita ko sina Marisa at Agnes na sabay kumain sa labas. Dahil parehong tinamad ang dalawa na lumabas, sa company cafeteria nalang kami dumiretso.

Ika nila. Hindi pa naman daw sila nakakaramdam ng umay sa menu ng cafeteria.

"Congrats, Ele!" iyon agad ang sinabi ni Marisa nang ilapag niya ang tray ng pagkain sa mesa.

Sabay na nalukot ang noo namin ni Agnes.

"Para saan?" tanong ko

"Anong meron?" naitanong din ni Agnes.

Naupo muna ito sa harap namin. Inayos ang pagkain sa harap niya, maloko ang ngisi. Magkatabi kami ni Agnes, wala narin kasing bakanteng pwesto. Punuan ang loob ng cafeteria. Mukhang hindi lang ang dalawang 'to ang tamad lumabas.

"May surprise promotion na magaganap sa 37th Anniversary ng kompanya. At ayon sa source ko. . ." tumingin-tingin muna ito sa paligid. Minanduan kaming lumapit sa kanya. Parang batang sumunod kami ni Agnes "Kasali ka raw sa mabibigyan ng promotion!" mahina ngunit impit niyang dugtong.

Suminghap si Agnes na lumayo. Napatakip sa mukha at kalaunan ay lumawak ang ngiti. Hinampas ako sa balikat.

Pinanlakihan ko siya ng mata.

"So, anong plano natin mamaya? 5 shots?" kindat ni Agnes.

Sumimangot ako. "Hindi pa naman nangyayari. Saka baka maling balita ang narinig mo Mari," sabi ko kay Marisa.

Ang sakit pa man din mag-assume!

"Sigurado na 'yon! Sa laki ba naman nang achievements mo. Akalain mo 'yon, mabilis mong nasolusyunan ang problema ng Finance tapos ang lakas ng loob nilang idegrade ka. Mahiya kamo sila, 'no!" komento ni Marisa.

Tumango-tango si Agnes, sunod-sunod ang subo.

"Masyado ka kasing mabait. Ayan tuloy ang dali-dali lang para sa kanila na gawan ka ng malisyosong kwento." habol naman ni Agnes.

"Wala akong maaani kapag pumatol ako," sagot ko nalang.

"Hindi kasi pwedeng sa lahat ng oras kailangan mong magpakumbaba at manahimik. Dapat matuto karing depensahan at proteksyunan ang sarili mo. Paano kung wala kami? Edi, naging taong bola-bola ka rito!"

Natawa ako. Tumagal ang paninitig ko sa dalawa habang sinisermunan ako. Ito na ata ang pinakamagandang sermon na narinig ko. Masarap pala sa pakiramdam kapag may mga taong naiintindihan ang panig mo. 'Yong handa kang ipagtanggol kahit pa mapeperwisyo din sila.

Masasabi kong maswerte ako at nakilala namin ang isa't-isa.

"Saka gustong-gusto mo talagang gawing taguan 'yong banyo. Hindi ka ba natatakot dun? May sabi-sabi kasing may multo raw na umaaligid sa loob."

"Narinig ko din 'yan kay Jobert." tumingin sa'kin si Marisa. "Kaya ikaw huwag ka ng magmumukmok doon at baka masigaw ka nalang sa takot,"

"Naniniwala kayo sa multo?"

"Siguro, kapag nakakita na talaga ako saka lang ako maniniwala,"

Multo. . .

Kung alam lang nila ang pinagdaanan ko sa binanggit nila baka 'yon pa ang dahilan ng pagsigaw nila. Tinuon ko nalang ang pansin sa pagkain. Nagkwentuhan lang kami at pagkatapos ay inaya ko muna silang tumambay muna sa rooftop. Hindi narin sila umapila dahil maluwag-luwag narin naman ang gagawin nila ngayon.

Magandang tyempo din ito para simulan ang intensyon ko. Matagal ko na silang kilala hanggang sa naging kaibigan ko na. Sapat na siguro 'yong nakita ko sa kanila para pagkatiwalaan sila. Sana lang hindi magbago ang tingin nila sa'kin.

Sana walang magbago. Sana kung ano ngayon ang trato nila sa'kin ganun parin kapag nalaman na nila.

Baka kasi kapag narinig nila. Matakot na rin sila sa'kin.

Sana hindi ganun ang mangyari.

"May... sasabihin ako sa inyo," saad ko.

Sabay na lumingon sa banda ko sina Marisa at Agnes. Marahan akong ngumiti sa kanila.

Lumanghap ako ng hangin at inisip kung paano ko sisimulan.

"Ano 'yon?" si Marisa na inipit ang takas na buhok sa likod ng tenga niya.

"Hindi ka na birhen?!" si Agnes, umakto pang nagulat.

"Siraulo!" utas ni Marisa sabay amba na babatukan ang babae.

Naggantihan sila ng sapak at naging malikot sa harap ko. Nakagat ko ang pang-ibabang labi.

"Handa na akong magkwento. Matagal niyo ng pinagtataka kaya sasabihin ko na sa inyo kung anong nangyari. Kung bakit pinuputol ko ang buhok ko kapag tumataas. At kung bakit may pilat ako sa mukha na dahilan ng panghuhusga sa'kin ng ibang tao." dugtong ko.

Pareho silang nahinto at bumaling sa'kin. Sumeryoso ang mga mukha nila. Naging interesado na sa tinutukoy ko.

Nagtaas ako ng tingin sa tanawin na nasa harap. Hindi sila umimik at tahimik lang. Halatang hinihintay ang idudugtong ko.

"Nagsimula ang lahat sa probinsya namin. College students ako no'n at sumasideline sa karendeya na pagmamay-ari ng tiyahin ko. Hindi ako naniniwala sa mga multo at kung ano-ano pang elemento. Maraming nagsabi na hindi lang tayo ang nakatira sa mundo. Mayroon pang mga nilalang na hindi natin nakikita pero malinaw tayong minamatyagan." lintaya ko.

Umihip ang malamig na hangin sa banda namin.

"Tulad niyo saka lang ako naniniwala kapag mismong ako na ang nakakakita..."

TO BE CONTINUE

Unknown from Nowhere (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon