"Talaga?" napatango-tango nalang ako at nag-iwas ng mata sa kanya. Nakakailang kasi ang lapit niya kahit na may distansya pa. "Dito nga ako dadaan. Saang deriksyon ba ang tungo mo?"
Umayos siya ng tindig at namulsa. "Parehas lang tayo ng dadaanan. Sa dulo ng daang 'to ako nakatira."
"Wala kang kasama?" sabay silip sa likuran niya.
Delikado na ang panahon ngayon. Malay ko bang nagpapanggap lang ito tapos pagdating sa gitna bigla akong atakihin ng balisong. Matatagpuan na lamang ang katawan ko sa masukal na damuhan.
"Wala, mag-isa lang talaga." bahagya siyang natawa. Nag-iwas ako ng mata. "Nakakatakot pala dito..." habol pa niya.
Hindi ako umimik.
Sa halip na magtanong pa ay tinikom ko nalang ang bibig ko. Hinayaan ko nalang siyang sumabay sa akin. Naninigurado lang pero ang totoo niyang wala rin talaga akong makapang panganib sa presensya niya. 'Yon bang komportable ako at tila matagal na kaming magkakilala talaga.
Tulad ng tahimik na gabi ganun din ang nanaig sa amin. Walang nagsasalita hanggang sa nasa tapat na ako mismo ng bahay. Tumigil ako at nilingon siya. Ito palang ang unang beses na nagkita kami pero ang sama naman gawin kung hindi ako magpapaalam sa kanya at diretso lang sa bahay.
Gayung gabi na at mag-isa lang siya. Marami pa man ding siraulong tambay dito. Bumagsak ang mata ko sa paligid at may hinanap. Dumampot ako ng kahoy sa gilid ng gate namin sabay inabot 'yon sa kanya.
"Kung sakaling may humarang sayo sa daan hampasin mo nalang agad nito. May palaboy-laboy kasi rito na wala nasa tamang pag-iisip," kinuha ko ang kamay niya at pinahawak sa kanya ang kahoy.
"Paano ka?" tanong pa niya.
"Dito na ang bahay ko." sagot ko. Nagtaas siya ng tingin sa bahay na nasa likuran ko. "Sabi mo nasa dulo pa nito ang bahay mo. At kahit lalaki ka delikado parin,"
Nagbaba siya ng tingin sa'kin at tumango. Humabol ng maliit na ngiti.
"Castor." naglahad siya ng kamay na matagal kung tinitigan.
Tinanggap ko 'yon sabay sagot. "Eleonor,"
"Salamat dito." tukoy niya sa kahoy na binigay ko. "Sige, aabante na ako. Buti nalang ikaw ang nadatnan ko sa waiting shed. Pasok ka na sa loob,"
Maliit na ngiti ang isinagot ko sa kanya at hindi na siya nilingon nang pumasok na ako sa bahay. Dahil nasa iisang school lang kami madalas ko siyang makitang nakatambay sa school gym habang nanonood ng basketball. Mag-isa lang siya dahil siguro bago palang ito sa lugar at nag-aadjust pa. Hindi rin ako nagbalak na lumapit sa kanya. Ewan, naiilang at nahihiya ako. Baka may ibang isipin ito sa paglapit ko sa kanya.
Pero pansin ko na sa tuwing pauwi ako galing sa karenderya naaabutan ko siya sa waiting shed. Nakasandal sa maliit na poste at panay ang lingon. Nung una inisip ko nalang na baka trip niya lang tumambay ngunit kapag namataan niya akong paparating agad-agad siyang tatayo at lalapit sa'kin.
Nagtaka ako kaya tinanong ko siya. Ayoko rin namang mag-assume.
"Hinintay talaga kita. Mas gusto ko kasing may kasabayan maglakad," sagot niya sa akin.
"Wala ka pa bang kaibigan sa school?"
Sinabayan niya uli akong maglakad. Sa madaling salita halos araw-araw na kaming magkasabay pauwi. Parati siyang nasa tabi ko.
"Meron naman. Pero... iba parin talaga-"
Hindi ko na nasundan ang huling sinabi niya dahil may dumaang motor na maingay ang makina. Unang madadaanan ang bahay ko kaya minsan naiisipan pa naming magkwentuhan sa labas. Kapag gabing-gabi na saka ko lang siya ipagtutulukang umuwi. Naging malapit kami sa isa't-isa, masaya din kasi siyang kasama dahil mahilig magbiro. Hindi man kami nagkikita sa school pero nagkakabawian kapag uwian.
"Bukas ulit, Ele," sumimangot ako kay Castor nang pabiro niyang hinila ang bangs ko sabay haplos sa buhok ko. Ganun siya kapag magpapaalam ng uuwi.
Natatawa itong kumaway patalikod.
Nagpaalam din ako kay Tiyang Sally na bandang alas singko uuwi. Natatakot na kasi akong baka makasabayan ko na naman 'yong babae sa dyip. Hanggang ngayon malinaw parin sa'kin ang itura niya kaya may mga gabing binabangungot ako at walang matinong tulog.
Dala siguro ng pagod kung kaya't may kakaiba akong napansin sa sarili ko. Tulad ngayon, kahit anong pwesto ko hindi ako madalaw-dalaw ng antok. Isabay pang may naririnig akong ingay sa labas. Pasado alas dos na at hanggang ngayon di parin ako makatulog. Yamot akong bumangon sa higaan at nagtungong kusina para magkape.
May hawak na akong baso nang makarinig ako ulit ng ingay sa labas. Dala-dala ang mug na may laman ng mainit na kape lumapit ako sa pinto at sumilip sa maliit na butas. Nilibot ko ang tingin sa labas subalit wala naman akong napansing kakaiba. Lumayo ako at aalis na dapat pero muli na namang may umalpas na kaluskos.
Bumuga ako ng hangin at sumilip uli sa labas. Na isang malaking pagkakamaling ginawa ko. Bigla kasing may sumulpot na tatlong bata sa labas pagkasilip na pagkasilip ko. Pareho silang nakayuko, yugyog ang balikat. Akala ko umiiyak pero laking gulat ko ng magsimula silang humagikhik.
Palakas nang palakas.
Tuluyan kong nabitawan ang basong bitbit sa takot at gulat nang biglang sumilip din sa'kin ang batang lalaki. Kahit pulang mata lang nito ang nakikita ko alam kong nakangiti parin ito.
Direkta sa akin.
Para akong pinukpok ng martilyo at hindi na magawang umalis sa pwesto. Gusto kong pumikit upang maputol ang titigan namin ng bata subalit tila may humihila sa talukap ng mata ko para hindi magawa 'yon. Kapos ako sa hangin at hindi makahinga.
Namalayan ko nalang si Mama at Papa na tinatawag ako habang tinatapik ang pisngi ko.
"Eleonor!"
Isang tawag pa ni Mama ang narinig ko bago ako nakahinga ng malalim. Napaluhod ako sa panghihina ng tuhod. Ramdam ko ang panginginig ng buong katawan ko dahil sa nangyari. Hinahagod ni Papa ang likod ko samantalang panay ang tanong ni Mama sa kung ano ang nangyari. Wala akong masagot ni isa dahil miski ako nalilito at di din malaman kung dapat ko bang paniwalaan ang nakita.
Kung dapat na ba akong maniwala dahil pangalawa na ito.
TO BE CONTINUE
BINABASA MO ANG
Unknown from Nowhere (short story)
HorrorDuwende, Multo, Kapre, Tikbalang, Engkanto at kung ano-ano pang nilalang na laman ng katatakutan. Ni isa sa mga ito ay walang pinaniniwalaan si Eleonor. Para sa kanya isa lamang iyong kwento ng mga matatanda para takutin ang mga batang supil. Subal...