Mensahe

1 0 0
                                    

Mensahe

Marahil ay ito na ang huling beses
Huling sandaling marinig mo ang aking boses
Sapagkat mula ngayo'y napagdesisyunan ko na
Na ako'y bibitaw at tuluyang lalayo na

Kung nuong una pa lamang ay nakinig ka na
Wala na sanang luhang pumatak sating mga mata
Kung sana'y nuong una palang ay umiwas ka na
Wala na sana tayong nasaktan pang iba

Kung una pa lamang ay alam mo nang iiwan mo ko
Di ka na sana pumasok at nanggulo sa buhay ko
Mas matatanggap ko pang ika'y naging kaibigan ko
Kaysa sa taong minahal ko ngunit iiwan din pala ako

Ngayo'y naiintindihan ko na ang aking nakaraan
Nakaraang puno ng lihim at kasinungalingan
Tanggap naman nating pareho tayong nagkasala
Ang pagkakaiba nga lang ay ika'y tinanggap at ako'y binitawan na

Nuong tinanong kita kung kailan ka sa aki'y naging totoo
Ang tanging tugon mo lang ay nuong minahal mo ako
Ngunit ngayo'y sa mga nangyayari at mga lihim na nalalaman ko
Kung may totoo mang nagmahal, hindi ikaw kundi ako

Nakalulungkot isiping ang taong minsa'y minahal ko
Pinagtataksilan at palihim na sinisira ako
At ngayo'y sa bawat saglit na ika'y masisilayan ko
Ibang katauhan na ang nakikita ko at di na ang taong minahal ko

Kung sino ka man ay di na kita kilala
Akala ko'y lubusan kitang kilala ngunit hindi pala
Sana'y sa nakikita mong paghihirap ko'y masaya ka
Na ang mga luha't hinagpis ko'y gustung-gusto mong nakikita

Marami pa akong nais sabihin at ilahad sa iyo
Ngunit kulang na ang oras, at napapagod na rin ako
Kung pagmamahal na ang tawag mo sa kung anuman ang naramdaman mo
Naaawa ako sa marami pang taong masasaktan mo

Hindi ko lubos na maintindihan kung bakit kinakailangang sirain mo ako
Kung bakit pinapaganda mo sa mga kakilala't kaibigan mo ang imahe mo
Baka nakakalimutan mong ikaw ang nanghimasok at nanggulo
Ngayo'y kung umarte ka'y parang ikaw pa ang bida at ako'y panggulo

Sana'y sa lahat ng ginawa mo'y nakakatulog ka nang may kapayapaan
Na sa bawat luhang pumapatak sa mata ko'y katumbas ay iyong kasiyahan
Huwag sanang dumating ang panahong magsisi ka at magmakaawang patawarin kita
Sapagkat pagdating ng araw na iyon ay kahit katiting na awa ay wala kang makukuha

Tama na ang palabas, ibaba na ang mga kurtina
Tapos na ang aking pagpapanggap na ako'y masaya
Tinatapos ko na rin ang kung anuman ang namagitan sa ating dalawa
Mula ngayong araw ika'y isang estrangherong di ko na kilala

Night Chronicles (Volume One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon