ORAS ng siyesta nang magtungo kami ni Dedeng sa bayan. Matao ang lugar at maingay. Maraming bagsakang produkto na pinagkakainteresan ng mga mamimili.
Kumapit ako sa braso ni Dedeng habang patuloy kami sa paglakad, sinusuyuran pa rin ng tingin ang paligid sa pagbabaka sakaling may makitang nagtitinda ng paputok.
“Batid mo ba, Ate?” muling panimula ni Dedeng na kanina pa dumadaldal pero hindi ko naman maintindihan ang sinasabi sa ka-busy-han ko. “Matapos niyong magkausap ni Kuya Leonardo noon sa kusina ay nagkasalubong kaming muli.”
“Oh? Tapos?”
“Tapos, bigla niya akong tinanong ng matapos ba raw mabigo ng babae sa lalaking kaniyang iniibig ay kinabukasan ba, maglalaho na lamang basta-basta ang kaniyang amor sa lalaking iyon? Na halos itakwil na ng babae ang lalaki sapagkat siya'y nakalimot na?” kuwento pa ni Dedeng.
“Sabihin mo sa kuya mo, depende 'yon kung . . .” Unti-unting humina ang boses ko nang bigla kong napagtantuhan ang sinasabi ni Dedeng. “Kailan pa nagkaro'n ng interes ang kuya mo sa ganiyan?” takang harap ko sa kaniya.
“Iyon nga po ang aking sinasabi. Napansin ko rin kasing magmula nang magising ka, sa tuwing tinitingnan niyo ang kuya ko ay hindi ko na makita sa iyong mga mata ang mga nagliliparang paro-paro na para bang ikaw'y naghilom at nakalimot na,” rinig kong nanghihinayang usal niya. Pero kalaunan lang ay napahinto siya sa paglalakad. “Hindi kaya, Ate . . . Sapagkat nasanay na si Kuya Leonardo sa paghahabol na iyong ginagawa, ngayo'y hinahanap-hanap niya na iyon?”
Bigla akong napaisip. Posible nga. Posibleng iyon ang dahilan kung bakit palaging ganoon makatingin sa akin si Leonardo. Na para bang parating may hinahanap mula sa akin. Pero sa oras na hindi niya iyon makita, napapansin ko na lang sa mga mata niya ang dismaya.
Napailing-iling ako. “Pasensyahan na lang dahil wala na si Aida. Huwag niyang hanapin sa 'kin ang nakaugalian ng babaeng 'to dahil hindi ko ugaling maghabol. Kung alam niya lang na ako ang parating hinahabol,” pagmamayabang ko pa sabay lakad na ulit at tingin sa mga panindang nakakasalubong namin.
“Kalimutan mo na ang mga sinabi ko, Ate. Naalala kong may kasintahan na nga pala si Kuya Leonardo. Bakit pa ba ako umaasa sa inyong dalawa?” inis na usal niya sa sarili. “Tama ang iyong ginagawa, Ate Aida. Kasalanan sa Diyos ang makiapid kaya tama lang na ikaw ay lumimot na.”
Nagkibit-balikat ako at ipinagpatuloy na lang ang pagtitingin. Pero ilang sandali lang ay napakunot-noo na ako. “Bakit parang wala namang nagtitinda ng paputok dito?”
“Paputok? Iyon ba ang iyong pakay rito?” tanong ni Dedeng na ikinatango ko. “Matagal nang ipinagbawal ni Ama ang pagbebenta ng paputok dito sa Maynila. Maliban na lang kung may okasyon at opisyal ang bibili.”
“Ano?!” hindi makapaniwala kong usal. Sa huli ay napapikit na lang ako sa inis. Hindi ko na lang sana ginawang gobernadorcillo ng Manila si Don Antonio kung hindi rin ako makakabili ng paputok!
Napabuntonghininga ako. Maya-maya pa ay pareho kaming natigilan ni Dedeng nang biglang may kalesang tumigil sa harapan namin. Napaatras kami nang bumaba roon ang isang babae na maganda ang postura at suot na baro't saya. Pero kahit gaano siya kaganda ay ang mugtong mga mata niya ang mas kapansin-pansin.
Nang makababa ay hinarap ako ng babae. Magsasalita na sana ako pero laking gulat ko nang bigla niya akong sampalin nang malakas sa pisngi na ikinaistatwa at ikinaawang ko sa matinding gulat.
Napatakip sa bibig si Dedeng. “Ate Aliyah!”
Unti-unti kong naramdaman ang pag-iinit ng pisngi ko sa tigas ng kamay ng sumampal sa 'kin. Kumibot ang labi ko sa kirot. Hahawakan ko na sana ang parteng iyon nang mahawakan ko ang kapirasong papel sa pisngi ko.
BINABASA MO ANG
Painted Heart
Fantasy"Paano kung isang araw, magising ka na lang sa loob ng ipininta mo?" Set in the 18th century, people wouldn't believe it if Zenaida said that she was transported in a classical painting; a retired famous painter who woke up inside the painting she o...