DESCRITO IV

37 4 143
                                    

NAGISING ang diwa ko nang makarinig ako ng ingay. Sandali pa akong napaunat kasabay ng pagmulat ng mga mata ko. Bumungad sa akin ang kisame na may vintage chandelier sa gitna pero hindi ko na lang 'yon pinansin. Humihikab akong pumikit at tinandayan ang unan sa tabi ko.

“What a nightmare. Akala ko naman—” Pero bigla na lang akong napadilat nang makaramdam ako ng kakaibang init sa buong katawan ko. Pinahid ko ang buong mukha at napatitig na lang sa mga palad ko na puno ng pawis.

Nakakapanibago dahil madalas na panty at bra lang naman ang isinusuot ko sa pagtulog. Parang dinaig ko pa ang pagong na tumakbo sa napakahabang field para lang pagpawisan ako nang ganito, ah.

Mula sa pagkakahiga ay wala sa sarili akong umupo. Pero maya-maya pa ay bigla akong napakislot nang biglang may mabasag sa kung saan.

“Ate! Nagising ka na!”

Napatingin ako sa tapat ng pinto. May isang dalagitang kumaripas ng takbo palapit sa akin. Sumampa ito sa kama at puno ng pananabik akong yinakap nang mahigpit.

“T-Teka, sino ka ba?” halos mabilaukan kong tanong.

Hindi niya ako sinagot at bigla na lang siyang napakalas sa yakap habang gulat na natitigan ako. Kunot-noong nailibot ko ang tingin sa paligid hanggang sa tuluyan na lang akong napahinto nang maalala ko ang lahat ng nangyari bago ako nawalan ng malay.

Napatitig ako sa suot na baro't saya ng dalagitang nasa harapan ko. Doon na ako natawa, tawang kinakabahan sa nangyayari. “Nagbibiro lang kayo, tama? Lahat ng nakikita ko... joke-joke time lang 'to, 'di ba?” mautal-utal ko pang usal.

Napatakip sa bibig ang dalagita. “Hindi ko batid na tuluyan ka nang nagpakalulong sa opyo na sanhi ng iyong pagkabaliw, Ate,” tugon niya dahilan para mas matigilan ako. “Imposibleng hindi mo maalala kung sino ako. Ako 'to, si Dedeng. Ang kaisa-isang kapatid ni Kuya Leonardo.”

Nang dahil sa sinabi niya ay ginapangan na ako ng matinding kaba. “Kung gano'n...” Hindi ako nananaginip at mas lalong hindi rin ako nag-ha-hallucinate. Walang panaginip ni isa sa mga nangyayari ngayon.

Sandali pang bumalik sa ala-ala ko ang pagpapasabog na nangyari sa bahay. Naaalala ko pa kung paanong unti-unting nanikip ang paghinga ko sa mga oras na 'yon. Sign 'yon na mamamatay na ako pero nagbago ang lahat nang bigla na lang akong nagising dito sa loob ng painting na ipininta ko.

Nasa loob ako ng Descrito at nakakabaliw ang katotohanang hindi ko alam kung paano akong makakaalis dito!

Buntonghiningang bumagsak ang balikat ng dalagita at ngumuso sa harapan ko. “Aking nagunita na naman ang nangyari sa kasalang hindi natuloy kahapon. Batid ko namang labis na pagkalumbay ang iyong nadarama noong mga oras na iyon ngunit ang hindi ko lang maunawaan...” Humigit pa siya ng hangin bago nagpatuloy, “Anong pumasok sa iyong isipan upang i-anunsyo pa sa buong simbahan na ikaw ay hindi magpapakasal kay Kuya Leonardo gayong hindi naman talaga ikaw ang ikakasal? Kay lakas ng iyong loob, Ate Aida,” iiling-iling niya pang dagdag.

Nasamid ako sa sarili kong laway nang dahil doon. Hindi ko rin naman expect 'yon. Anong malay ko? Bigla na lang akong napunta sa lugar na wala akong ideya sa nangyayari. Stupid!

Bahala na. Wala na akong pakialam dahil alam kong makakaalis din ako agad sa lugar na 'to. Ang mahalaga sa 'kin ngayon ay ang humanap ng paraan para makalabas mula rito sa loob ng Descrito. Hindi ko alam kung ano nang nangyayari kay Martha ngayon pero kailangan ko siyang iligtas. Kailangan ko pang humingi ng tawad sa lahat ng kasalanan ko sa kaniya.

“Ate Aida—”

Itinaas ko ang kaliwang kamay, senyas na tapos na ako sa mga kalokohang 'to. “Stop calling me Ate 'cause first of all, we're not magkaano-ano, you understand? And one more thing, Zenaida ang pangalan ko. Again, it's Zenaida!”

Painted HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon