DESCRITO X

15 0 0
                                    

Umihip ang sariwang hangin. Banayad nitong nilipad ang buhok ni Leonardo na palihim kong ikinalunok. Hawak niya pa rin ang kamay ko at hindi nagtangkang alisin ang tingin sa akin.

“Kung paghihiganti ang iyong ginawa sa kasal ay matatanggap ko,” malamig na dagdag niya. “Ngunit huwag lang sa ganitong paraan na kailangan mo pang magpanggap na wala kang nararamdaman para sa 'kin.”

Hindi ako nakatugon. Nagtapat si Aida ng pagtingin niya sa lalaking 'to. Nasaksihan ko kung paano 'yong hanapin ni Leonardo sa mga mata ko no'ng unang beses ko siyang makita. Pero paanong biglang nagbago ang ihip ng hangin? Mahal niya si Carolina pero bakit nasa babaeng ito ang buong atensyon niya?

“Batid kong wala talagang nangyari sa inyo ni Danielo sa tindahan ng aklatan. Ngunit . . .” Gumapang ang tingin niya sa mga kamay namin. “Nangangamba akong tuluyang mapunta sa iba ang atensyon mo.”

Napaawang ako sa mga narinig. Pero ang mas malala pa ro'n ay ang mamalayan ko na lang ang puso kong kumakabog nang malakas, sunod-sunod, at wala nang hinto.

“A-Ano . . .” na lang ang tangi kong nausal sa kawalan ko ng masasabi. Ang alam ko lang ay pinapatay na ako ng konsensya ko ngayon. Pakiramdam ko kasi ay para sa akin lahat ng mensaheng iyon ni Leonardo. Pakiramdam ko ay ako si Aida na kahit ang totoo ay hindi talaga.

Napapalunok kong hinablot ang kamay ko. Naiwan naman sa ere ang kamay ni Leonardo na sandali niyang ikinahinto. Bago muling magtagpo ang mga tingin namin ay humarap na ako sa kabilang dako. “M-Magtutusok-tusok na lang pala ako. Mas makakatipid ako ro'n,” pilit ang ngiting saad ko at matapos lang niyon ay dali-dali na akong humakbang paalis. Inis ko pang kinabog-kabog ang dibdib kong hindi na maawat.

Ang pabigla-biglang paglitaw ng mga ala-ala ni Aida sa memorya ko ay huwag sanang maging dahilan para kalimutan ko ang katotohanang hindi ako ang babaeng ito. Gustuhin ko mang tumalon-talon sa tuwa pero hindi ako si Aida para gawin 'yon. Hindi ako si Aida na hinawakan at pinagtapatan ni Leonardo.

Sandali akong napahinto sa paglalakad. Lumingon ako sa pinanggalingan ko at tinanaw ang paglakad paalis ni Leonardo.

Ang dapat ko na lang gawin ay gamitin ang mga ala-ala ni Aida dahil makakatulong 'yon para maituloy ang kasal.

MAKALIPAS ng isang linggo ay buo ang loob kong pinasok ang kuwarto ni Leonardo. Sinubukan ko pang kumatok pero walang sumagot kaya pumasok na ako. Sa pagpasok ko ay wala akong nakita maski anino ng lalaking gusto kong makausap.

Napabuga ako ng hangin at lumakad diretso sa opisina ni Leonardo. Kahit wala siya ro'n ay hindi ko maiwasang kabahan dahil sa nababasa kong nakaukit niyang pangalan at propesyon. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko na parang kulang na lang ay atakihin na ako rito sa puso.

Kagat-labi kong inilapag ang dala-dala kong tsaa sa mesa. Gabing-gabi na kaya sigurado akong nasa ospital pa rin si Leonardo.

Matapos ng huling ganap ay hindi na halos kami nagkakasalubong ni Leonardo. Abala siya sa trabaho niya 24/7, at ganoon din ako na nagpakaabala sa pagiging tagapagsilbi. Sa linggong lumipas ay pilit kong inalala ang mga ala-ala ni Aida. Paunti-unti, nalalaman ko kung gaano pala talaga kalalim ang pagtingin ng babaeng ito kay Leonardo.

Samantala, nabalitaan ko naman na matapos umalis ni Carolina sa kumbento ay madalas na siyang nagpupunta sa ospital na pinagtatrabahuhan ni Leonardo. Sabi sa tsismis, plano ni Carolina na magpatayo ng butikaryo kaya kailangan niya ng magtuturo sa kaniya ng sapat na kaalaman sa mga gamot.

Nakakabigla lang malaman na si Leonardo ang napili niyang maging guro. Parang kailan lang ay halos hindi sila magkaunawaan ni Leonardo, pero ngayon, mukhang nagiging malapit na sila sa isa't isa. Masyado yatang sineryoso ni Leonardo ang mga ibinigay kong advice sa kaniya noon.

Painted HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon