EPILOGO

4 0 0
                                    

TAIMTIM na inilapag ni Zenaida ang bungkos ng mga bulaklak sa lapida. Huminga siya nang malalim at pinigilan ang sarili. Dahan-dahan niyang hinawakan ang nakaukit na pangalan ni Leonardo sa lapida.



Ang bulaklak ng Mirasol at Crisantemo na nasa iisang bungkos ang nagbibigay liwanag sa kaniyang paningin sa kabila ng nadarama niyang kalungkutan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala. Hindi makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Hindi niya matanggap na kung gaano siya kabilis napaligaya ng pagkakataon ay ganoon din iyon kabilis binawi sa kaniya.



Pero ang lahat ng iyon ay isinisisi niya sa kaniyang sarili. Lahat ng mahal niya sa buhay ay wala na ngayon dahil sa kaniyang pagiging makasarili.



Maya-maya ay saglit na napatigil si Zenaida nang maramdaman na lang niyang may huminto sa paglalakad sa tabi niya. "Sinisisi mo ba ang sarili mo sa pagkamatay ng anak ko, Hija?" rinig niyang tanong ng isang matanda dahilan upang mapaupo na si Zenaida nang maayos sa wheelchair niya.



Napatingala rito si Zenaida. Bumungad sa kaniya ang mestizong matandang lalaki, puti na ang kaniyang buhok maging ang balbas nito. Buntonghiningang nagpatuloy ang matanda, "Lumaki si Leo nang hindi ko naantabay ang paglaki niya dahil panay negosyo ang inatupag ko," biglang kuwento nito. "Hindi kami magkasundong mag-ama. Madalas sa tuwing umuuwi ako, hindi pumapalya ang pagbabangayan naming dalawa."



Bahagya pang natawa ang matanda. "Naalala ko noong mga kabataan niya, kung saan nagdala siya at ang mga barkada niya ng sampung babae sa pamamahay ko. Hindi ko na nga halos mabilang kung ilang babae na ang pinaiyak niya."



Napalunok si Zenaida nang marinig iyon. Kung ganoon, ang pagiging babaero ni Leonardo ay hindi niya na ikakagulat pa dahil siya mismo ay aminadong siya'y minsan nang naging lalakero.



"Sa tingin ko, kasama ka na ro'n, Hija," dagdag pa ng matanda dahilan para hindi na maiwasang matawa nang bahagya ni Zenaida. Doon na inilagay ng matanda ang hawak niyang bulaklak sa lapida. "Tama 'yan, tawanan mo lang. Dahil hindi mo naman na maibabalik sa pag-iyak ang kung ano mang nawala sa iyo."



Napatingala si Zenaida sa kalangitan at tumitig doon. "Kapag ho ba tinawanan ko . . . babalik siya?"



Natigilan ang matanda at hindi agad nakatugon. "Well-"



"Tawanan na lang ang problema? Kailan pa ho ba nauso ang pananaw na 'yan?" Doon ay napatingin na siya sa matanda. "Ngumiti at tumawa ka kahit pa wasak na wasak na ang buong kaluluwa mo? Hindi ho ba't napakalaking kabaliwan niyon? Hindi ba puwedeng kahit sa sandaling oras, tumigil at magdalamhati muna tayo? Dahil sa totoo lang-nakakapagod na hong magpanggap," simot ang lakas na paliwanag ni Zenaida dahilan upang sandaling tumahimik ang paligid.



Narinig ni Zenaida ang matunog na buntonghininga ng matanda. At nang mapagtanto niya ang kaniyang biglang pagmamalabis, napalunok siya at agad na inayos ang sarili.



"S-Sorry po," bawi nito na napayuko na lang sa huli. Nangibabaw ang mahinang tawa na ilang sandali lang ay ipinagtaka niya.



Napatingala muli si Zenaida sa matanda at doon nasaksihan ang pag-iling-iling nito. "Naiintindihan ko na ngayon kung anong nakita sa iyo ng anak ko," tugon nito sabay tawa muli. Tumayo na nang tuwid ang matanda at tumingala sa maaliwalas na kalangitan. "Hindi kami madalas magkausap ni Leonardo pero no'ng sumapit ang unang araw ng buwan ng Agosto ay nagkausap kami nang masinsinan sa unang pagkakataon. Nagulat pa ako nang bigla na lang siyang lumuha sa harapan ko at humingi ng tawad na para bang mula sa pagiging bulag ay may kung anong bagay na gumising sa kaniya."

Painted HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon