Chapter 22

92 1 0
                                    

"Manang, si Cedric po?" agad na bungad ni Nikki nang bumaba siya sa kusina.

"Naku, madilim palang umalis na kanina. May out of town project daw siyang bibisitahin."

"Nabanggit niya po ba kung saan?"

"Hindi, eh. Nagmamadali na kasi kanina."

Mabilis na lumipas ang maghapong iyon pero hindi pa rin bumabalik si Cedric. Hindi rin ito nagre-reply sa mga message niya. Out of coverage area naman ito sa tuwing tinatawagan niya. Habang sumasapit ang gabi palakas nang palakas ang kabog nang dibdib ni Nikki. Sobra na siyang nag-aalala kay Cedric. Sinubukan niyang tawagan ang mga kaopisina nito pero wala ni isang nakakaalam kung nasaan ito. Nauna na raw kasi itong umalis kasama nang iba.

"Mabuti pa matulog ka na. Ako na lang ang bahalang maghintay kay Cedric," ani Manang na noo'y kasabay niyang nagkakape sa kusina. Magaalas-dose na noon pero hindi pa rin niya ma-contact si Cedric.

"Manang, hindi pa po ba tayo magre-report sa pulis?" nag-aalalang tanong niya.

"Hindi na. Baka nasiraan lang 'yon. Mayamaya lang nandiyan na 'yon. Sige na, umakyat ka na roon at ako na lang ang maghihintay kay Cedric. Kapag bukas nang umaga wala pa siya. Didiretso na kami ni Dado sa pulis pagkatapos naming mamalengke."

"Pwede ho ba akong sumama?"

"Sige, magpahinga ka na. Gigisingin na lang kita."

Walang Cedric na sumulpot nang buong magdamag kaya kinabahan na rin si Manang. Hindi na niya hinintay na magliwanag at dumiretso na sila sa presinto. Buong maghapon silang naghintay pero wala pa rin silang nakuhang balita mula sa mga pulis. Ilang araw ang pa ang matuling lumipas pero hindi pa rin bumabalik si Cedric.

Biglang napaigtad si Nikki nang marinig niyang nagkakaingay sa ibaba. Pababa na siya sa kama nang biglang kumalabog ang pinto, matapos sipain ng isang naka-unipormeng sundalo.

"Sino ka?" namimilog ang mga matang sigaw ni Nikki.

"Pasensiya na po, Ma'am. Napag-utusan lang po kami ni General," anang lalaki habang papalapit sa kanya.

"Hindi ako sasama sa inyo! Dito lang ako!" sigaw niya habang pumipiglas sa pagkakahawak ng lalaki.

Doon na nagpasukan ang iba pang mga lalaki."Sumama na lang po kayo nang maayos para hindi kayo masaktan, " sabi ng isa sa kapapasok lang. Tumulong na rin ito sa pagpigil sa kanya.

Todo ang pagpupumiglas niya noon. Sandamakmak na sapak at tadyak ang inabot ng mga lalaki bago siya nakuha ng mga ito.

"Kuya, bitiwan mo ako!" sigaw niya habang pinapalo niya ang likuran ng lalaki na pumangko sa kanya. Pero hindi naman siya nito pinapansin. Nadaanan nila sa ibaba na nag-iiyakan sina Milly at Joy na marahil ay nabigla sa nangyari.

Kausap naman ng isang sundalo noon sina Manang at Mang Dado. "Pasensiya na po kayo sa abala," narinig niyang sabi ng sundalo na sa tingin niya ay siyang may mataas na posisyon.

"Kuya,please, ibaba mo ako. Magpapaalam lang ako nang maayos," pakiusap niya.

Agad naman siyang ibinaba ng lalaki.

"Manang, balitaan niyo po ako tungkol kay Cedric. 'Wag po kayong mag-aalala, hihingi po ako ng tulong kay Lolo para makita siya."

Malamlam ang mga matang inabot ni Manang ang isang kamay niya atsaka nito inabot ang kapirasong papel. "Iyan ang numero ng telepono rito. Hihintayin ko ang tawag mo," anito.

Ramdam niya ang sobrang pag-aalala ni Manang kaya napayakap siya rito nang mahigpit. "Gagawin ko po ang lahat para mahanap si Cedric."

Tahimik at walang katao-tao sa mansion nang dumating si Nikki. Tanging ang lolo niya lang ang inabutan niya na noo'y naglilipat ng halaman sa paso. Malaki ang mga hakbang na nilapitan niya ito. "Lo, kailangan pa po ba nating umabot sa ganito?" agad na bungad niya.

"Pasensya ka na, Apo. Masyado nang matagal ang palugit na ibinigay ko sa'yo para makapag-isip-isip ka. Nahihiya na ako sa fiancé mo," anito na noo'y hindi man lang lumingon sa kanya.

"Lo, hindi ko po mahal si Kyle! May mahal na po akong iba. Natutulog na po kami sa iisang kwarto," lakas-loob na sabi niya. Wala na siyang pakialam noon kung masampal man siya ng lolo niya.

Napatigil sa ginagawa ang matanda at napalingon sa kanya.

"Kung ganun, mas lalo pa pala nating dapat madaliin ang kasal niyo ni Kyle," blanko ang mukhang sabi nito.

Napakunot ang noo ni Nikki. "Lo! Narinig mo ba ang sinabi ko? Ang sabi ko, may mahal na akong iba. Bakit ba ipinipilit niyo sa akin si Kyle?"

"Dahil siya ang tama at nararapat na lalaki para sa'yo!" mariing sabi ng lolo niya.

"Pero Lo, hindi ko po siya mahal!" mariing sabi niya.

"Akala ko ba nawawala 'yang lalaki mo."

Biglang natigilan si Nikki.

"Alam niyo na rin po ang tungkol dun?"

"Oo. Itinawag na sa akin ng mga tao ko."

"P-Pwede niyo po ba siyang hanapin?"

"Pakasalan mo si Kyle, ako ang bahala kay Cedric!" diretsahang sabi ng matanda.

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. "What? Iba-blackmail niyo pa talaga ako, Lo?"

"Hindi kita bina-blackmail, Apo. Kayang-kaya kitang pwersahing dalhin sa altar, alam mo 'yan. Pero binibigyan kita ng isang magandang deal ngayon. Na-locate ko na kung nasaan si Cedric. Hawak siya ng isang armadong grupo kasama ng dalawang cameraman at isang make up artist. Kayang-kaya ko siyang bawiin sa mga iyon ng buhay kung makikipag-cooperate ka lang sa kin. Kung totoong mahal mo ang lalaking 'yon, magsasakripisyo ka para sa buhay niya! Ano mang oras mula ngayon maari siyang kitilan ng buhay. Pero sa isang kumpas lang ng kamay ko, magagawa ko siyang ibalik sa pamilya niya ng buhay."

Unti-unting yumugyog ang balikat ni Nikki at napahagulgol ng iyak. "Paano nangyari 'yon? Paano siya nakuha nang mga 'yon?" hilam sa luha ang mga matang tanong niya.

"Abah, hindi ko alam sa lalaki mo. Kung bakit kasi sa dinami-dami ng lugar doon pa siya sa bundok pumunta. Pag-isipan mo ang alok ko habang may magagawa pa ako."

"Payag na po ako! Basta siguraduhin niyo pong buhay si Cedric," mabilis niyang sagot.

Napatango-tango ang matanda. "Ganun mo siya kamahal? Ipagpapalit mo ang habambuhay mong kaligayan para lang mabuhay siya?"

Umiiyak na napayuko ang dalaga. "Kahit ano, Lolo. Kaya kong isakripisyo para sa kanya."

Lihim na napangiti ang lolo niya. "Siyah! Sige. Pasisimulan ko na ang rescue operation para sa kanya at sa mga kasamahan niya. Pumasok ka na sa kwarto mo at maghanda para sa kasal."

Habang abala ang lahat sa pag-aayos ng kasal, nakakulong lang sa kwarto si Nikki. Todo ang dasal niyo noon na mailigtas sana si Cedric at ang mga kasama nito. Halos maghalo na ang sipon at luha niya sa pag-iyak. Magang-maga na rin ang mga mata niya pero hindi pa rin napapatid ang luha niya sa pag-iyak.

"Hello, Manang? Si Nikki po ito. Huwag na po kayong mag-alala, ipapa-rescue na po ni Lolo si Cedric," malat at halos wala na siyang boses nang tawagan niya si Manang. Ilang minuto rin silang nag-usap bago ibinaba ang phone. Isinubsob niya ang mukha sa kama atsaka siya napahagulgol ng iyak.

Isang araw bago ang kasal, ibinalita sa kanya ng lolo niya na na-rescue na ang grupo ni Cedric. Dapat sana ay masaya siya noon pero hindi niya magawang magdiwang dahil ang balitang iyon ang hudyat nang katapusan ng relasyon nila.

Hindi maramdaman ni Nikki noon ang pagsayad ng mga paa niya sa sahig habang naglalakad siya. Lutang at parang wala siya sa sarili noon habang naglalakad papunta sa altar. Alam niyang mabait si Kyle pero hindi ito ang lalaking tinitibok ng puso niya. Hilam na sa luha ang mga mata niya noon kaya hindi na niya halos mamukhaan ang mga taong naroroon. Nakangiti habang nakatanaw sa kanya noon ang mama ni Cedric na noo'y katabi ng binata. Bahagyang bumilis ang tibok ng puso niya nang maaninag niya ang nakangiting mukha ni Cedric na noo'y nag-aabang malapit sa altar.

"Cedric?" mahinang sabi niya.

Destined To Be YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon