Chapter 5

3.6K 125 1
                                    

"Oh? Bakit hindi ka na nakakibo riyan?" nakangiting tanong ni Manang.

"Maganda nga po siya. Pero sigurado naman po ako na mas maganda sa kanya si Nikki ko," ani Cedric.

Napailing ang matanda. "Mas maganda nga. Eh, nasaan ba 'yang Nikki mo na 'yan? Hindi ba't tinakbuhan ka na?"

Biglang napalagok ng alak si Cedric. "Ang sakit niyo naman pong magsalita, Manang," kunwa'y sabi niya.

"Talagang masakit kapag sinasampal ka ng katotohanan. Kaya kung ako sa'yo, ibaling mo na lang sa iba 'yang pagmamahal mo," natatawang sabi ng matanda. "Iyong si Mika, kahit mausisa ang isang 'yon mukhang mabait naman."

Natawa si Cedric. "Ano ho ba'ng ipinakain sa inyo ni Mika at nagustuhan niyo siya nang ganyan?"

Napangiwi si Manang. "Aminin mo man o hindi, may nagustuhan ka sa kanya kaya siya ang pinili mong maging yaya ni Migui."

"Nagustuhan ko po siya para kay Migui, hindi para sa sarili ko."

Napangisi si Manang. "Iyon ba talaga ang dahilan? Hindi kaya nagandahan ka rin sa kanya kaya siya ang pinili mo?"

Napangiti si Cedric at naiiling na lumagok ng alak.

"Oh, kita mo? Napangiti ka."

"Maganda naman po talaga siya."

Gumuhit ang malaking ngiti sa mga labi ni Manang. "Oh, 'di inamin mo rin na may gusto ka sa kanya," hirit ni Manang.

Napangiti na lang si Cedric sabay tungga ng beer. Sa takbo kasi ng pag-uusap nila, mukhang hindi naman magpapatalo si Manang.

Malalim na ang gabi nang umakyat siya sa silid. Dumaan muna siya sa kwarto ni Migui bago siya dumiretso sa kwarto niya. Inabutan niyang magkayakap ang dalawa habang mahimbing na natutulog. Napahilig sa gilid ng pinto si Cedric sabay napangiti. Sa sandaling panahon kasi ay nakuha agad ni Mika ang loob ng bata. Dahan-dahan siyang lumapit atsaka niya inayos ang pagkakakumot ng dalawa. Aktong hahalik siya sa pisngi ni Migui nang biglang ilapit ni Mika ang mukha sa bata kaya ito ang bahagyang nahalikan niya sa labi. Namilog ang mga mata ni Cedric. Pansamantalang tumigil ang mundo habang nakatitig siya sa noo'y nakapikit na dalaga. Nang makabawi, agad na inilayo niya ang mukha sa dalaga. Napahawak pa siya sa kumakabog niyang dibdib habang nakatanaw rito. At bago pa magising si Mika, maingat siyang lumabas ng silid. Napabuga na lang siya ng hangin matapos niyang maisara ang pinto. Kunot ang noong dinama niya ang dibdib na noo'y bumilis ang tibok. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Pero pamilyar sa kanya ang pakiramdam na iyon, naramdaman na niya 'yon noon.

Kasalukuyang nagto-toothbrush si Cedric sa harapan ng malaking salamin sa banyo nang muling mag-flashback sa isipan niya ang eksena kung saan nahalikan niya sa labi si Mika. Biglang napatigil ang binata. Umiing-iling siya at pilit niya iyong iwinawaksi sa isip. Dalidali siyang nagmugmog at lumabas ng banyo.

Pababa na siya nang mapadaan siya sa silid ng bata. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang kabog ng dibdib niya habang nakatayo siya sa tapat ng pintuan. Urong-sulong siya noon kung sisilip ba siya o hindi sa kwarto hanggang sa marinig niya ang pag-iyak ng bata. Agad siyang napatakbo sa loob. Naabutan niya ang bata na nakatayo habang nakahawak sa gilid ng crib. Halos naghalo na ang sipon at luha nito sa pisngi. Madilim ang mukhang kinuha niya ang bata atsaka niya hinanap si Mika sa ibaba.

"Mika, bakit iniwan mong mag-isa ang bata sa kwarto?" mataas ang boses na bungad ni Cedric nang sumulpot sa kusina. Minsan na kasing nahulog sa kama ang bata dahil sa kapabayaan ng yaya kaya ganoon na lang ang pag-aalala niya.

Napalingon si Mika na noo'y kasalukuyang nagtitimpla ng gatas ng bata. "Sorry po, Sir. Nagtitimpla lang po ako ng gatas."

"Sa susunod kung may gagawin ka, tawagin mo si Milly o kaya'y si Manang. Pero 'wag na 'wag mong iiwang mag-isa ang bata!"

"Okay po," mahinang sabi ng dalaga. Hindi na ito nagtangkang mangatwiran dahil aminado naman ito na mali.

Madilim ang mukha niya nang ipasa niya kay Mika ang bata pagkatapos ay umalis na siya.

Gamit ang isang kamay, ipinagpatuloy ni Mika ang pagtitimpla ng gatas ng bata.

"Mika, ako na riyan," narinig niyang sabi ni Manang Beth kaya agad siyang napalingon sa likuran. Kinuha nito ang bote ng gatas sa kanya atsaka nilagyan ng tubig. "Pagpasensiyahan mo na si Cedric. Nadala na kasi siya sa mga pabayang yaya na nakukuha niya sa agency. Minsan na kasing na-ospital ang bata dahil sa kapabayaan ng yaya," kwento ni Manang.

"Okay lang po, 'yon. Naiiintindihan ko po," mahinang sabi niya.

Sa maghapong iyon, hindi siya pinansin ni Cedric. Tamang nakamasid lang ito sa kanya pero hindi siya nito kinikibo. Marahil ay hindi talaga nito nagustuhan ang ginawa niyang pag-iwan sa bata. Kinakabahan na siya noon na baka bigla na lang siyang patalsikin ni Cedric. Lingid sa kaalaman niya, sa mga sandaling iyon, hindi siya magawang harapin ni Cedric dahil sa nangyari nang nagdaang gabi. Paulit-ulit kasing bumabalik sa alaala nito ang aksidenteng pagdidikit ng mga labi nila. Kaya komportableng humarap sa kanya.

Kasalukuyang naglalaro sa kwarto sina Mika at Migui nang bumungad sa pinto si Cedric. "Bihisan mo ang bata, magsisimba tayo," anito.

Biglang natigilan si Mika. "T-Tayo? Kasama po ako, Sir?" alanganing tanong niya.

"Oo, bakit? May problema ba?"

Gumuhit ang alanganing ngiti sa mukha ng dalaga. "Wala po kasi akong susuotin, Sir," pag-amin niya.

Naglakad papasok sa kwarto si Cedric atsaka nito binuksan ang cabinet. Tumambad sa kanya ang mga naka-hanger na damit pambabae."Pumili ka na lang dito. Bilisan niyo lang para makahabol tayo sa panghuling misa. Hihintayin ko na lang kayo sa kotse," anito bago ito lumabas ng kwarto.

Nakaalis na si Cedric pero hindi pa rin magawang tuminag ni Mika.

"Mika, ako na ang bahalang magbihis sa bata. Magpalit ka ng damit at naghihintay na sa labas si Cedric," bungad ni Manang. Malamang ay pinaakyat ito ni Cedric para pagmadaliin siya.

"Ano pa ang hinihintay mo? Tinag na riyan. Ayaw ni Cedric nang babagal-bagal," ani Manang na noo'y lumapit na sa bata.

Tahimik at nakatungo lang ang ulo ni Mika habang nagmimisa. Iniiwasan niyang mag-angat ng ulo sa takot na baka may makakita sa kanya. Kalong-kalong noon ni Cedric ang bata na noo'y nakaupo sa bandang kanan niya. Para silang isang pamilya kung titingnan. Walang mag-aakala na hindi sila magkaano-ano sa posiyon nilang 'yon.

"Ang cute ng baby, kamukhang-kamukha ng mommy," narinig niyang sabi ng babae na nakapwesto sa gawing likuran. Bahagyang umusog si Mika papalayo sa mag-ama pero agad namang humabol sa kanya ang bata kaya ipinasa ito ni Cedric sa kanya.

Natapos ang misa nang hindi namamalayan ni Mika. "Mika, wala ka pa bang balak tumayo riyan?" narinig niyang sabi ni Cedric. Kanina pa pala ito nakatayo at naghihintay sa kanila. Bahagya itong yumuko at kinuha sa kanya ang bata pagkatapos ay nagpatiuna na itong lumabas.

"Mag-dinner muna tayo bago tayo umuwi," ani Cedric habang naglalakad sila papunta sa kotse. Pilit nagpapakuha sa kanya ang bata noon kaya tumigil si Cedric sa paglalakad. Kinuha nito ang nakasabit na bag sa leeg niya na naglalaman ng mga gamit ng bata, pagkatapos ay ipinasa nito sa kanya si Migui.

Pamilyar si Mika sa restaurant na pinasukan nila. Madalas din kasi siyang kumain doon kasama ng mga kaibigan niya. Biglang kumabog ang dibdib niya nang matanaw niyang naglalakad papalabas ang mga pinsan niya. Habang papalapit nang papalapit ang mga ito palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ng dalaga. "Diyos ko! Ano'ng gagawin ko?"

Ilang dipa na lang ang layo ng mga ito nang bigla niyang sunggaban ng halik sa labi si Cedric. Nanlaki ang mga mata nito na noo'y napahawak na lang sa likod niya.









Destined To Be YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon