Chapter 4

3.8K 125 1
                                    

Kasalukuyang inihuhubad ni Cedric ang suot niyang long sleeve nang mapansin niya ang maliit na kahong nakapatong sa tokador. Napatigil siya sa ginagawa. Naglakad siya papalapit sa harapan ng salamin atsaka niya inabot ang maliit na box. Binuksan niya iyon at muli niyang sinipat sa pangalawang pagkakataon. Iyon sana ang singsing na ibibigay niya kay Nikki noong araw na itinakda ang pamamanhikan nila. Muling bumalik sa alaala niya ang araw na iyon kung saan siya excited na naghanda para sa muli nilang pagkikita ni Nikki. Pinauwi niya pa noon mula sa State ang mama niya para pormal nilang hingin ang kamay ni Nikki sa mga magulang nito.

"Ma, ayos na ba 'tong suot ko?" tanong niya sa inang noo'y kanina pa siya pinagmamasdan. Hindi kasi niya magawang mag-decide kung ano ang isusuot niyang damit.

"Anak, kahit naman ano ang suotin mo, babagay sa'yo. Ang gwapo-gwapo mo kaya," anang Mama niya habang inaayos ang collar ni ng damit niya.

"Sa tingin mo ba, Ma, natatandaan pa ako ni Nikki?" tanong niya habang sinisipat ang sarili sa salamin.

Bahagyang ngumiti ang mama niya. "Iyon ang hindi ko masasagot, Anak. Ang liliit niyo pa kasi noong huli kayong nagkita." Biglang napatingin si Cedric sa ina. Paano nga kaya kung hindi na siya natatandaan ni Nikki? At paano kung tumanggi itong ipakasal sa kanya?

Sikreto ang kasunduang iyon sa pagitan ng pamilya nila. Wala pa ni isa sa kamag-anak ng dalawang partido ang nakakaalam noon. Kaya hindi rin maiwasang kabahan ni Cedric lalo't ang mga lolo lang nila ang nagkasundo. Matagal na niyang gusto si Nikki kaya hindi na siya tumanggi nang sabihing ipapakasal sila.

Matalik na magkaibigan ang mga lolo nila, na kapwa retired military officer. Sa tuwing magpi-fishing ang dalawang matanda, parati silang kasamang dalawa. Pitong taon palang si Cedric noon at limang taon naman si Nikki. Masaya ang naging childhood memories ng dalawa. Maging sa school ay hindi sila mapaghiwalay. Parating nakabuntot si Cedric kay Nikki saan man ito pumunta. At sa mura nitong edad, ipinangako nito sa sarili na balang araw ay pakakasalan niya si Nikki.

Nadestino sa Tawi-tawi ang mga ama nila na kapwa sundalo rin. At sa kasamaang palad, nasawi sa isang engkwentro ang ama ni Nikki. Matapos mailibing ang ama ng dalaga nagpasya ang mama nito na lumuwas ng Maynila at doon na sila nanirahan. Naiwan sa Bataan si Cedric, sa poder ng lolo niya kaya hindi na sila muling nagkita pa.

Twenty one years old na siya nang mamatay sa engkwentro ang papa niya kaya naninirahan na rin sila sa Manila. Sinubukan niyang hanapin si Nikki noon pero maging sa social media ay hindi niya ito makita. Masyado kasing pribado ang parehas na pamilya nila kaya hindi sila expose sa ganoong mundo. Matapos ang dalawampung taon, wala nang ideya si Cedric sa kung ano na ang hitsura ng dalaga.

Napawi ang kaninang excitement sa mukha ni Cedric nang makatanggap siya ng tawag mula sa lolo ni Nikki. Kina-cancel na nito ang dapat sanang pamamanhikan nila dahil ilang araw na raw nawawala ang dalaga. Parang pinagbagsakan ng langit at lupa noon si Cedric nang ibaba niya ang phone.

"What's wrong?" tanong ng mama niya nang ibaba niya. Halata kasi sa mukha niya ang pagkadismaya.

Malungkot na kinalas niya ang suot na necktie atsaka siya sumagot. "Hindi raw po tayo tuloy, Ma. Naglayas raw po si Nikki," aniya.

Lumapit sa kanya ang mama niya atsaka siya niyakap. "It's okay, Anak. Baka nabigla lang 'yon. Babalik din 'yon kapag nakapag-isip-isip," anito habang marahang tinatapik ang likod niya.

Gumuhit ang mapait na ngiti sa mukha ni Cedric nang bumalik siya sa kasalukuyan. "Ang daya mo, Nikki! Hindi mo man lang ako binigyan ng chance na makita ka," aniya habang tinititigan ang singsing. Tinuyo niya ang nangilid na luha sa mga mata niya atsaka niya hinila ang drawer. Bumuga pa siya ng hangin bago niya tuluyang itinago sa drawer ang singsing, tanda ng pagsuko niya.

Destined To Be YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon