Walang kamalay-malay ang dalawa noon na mula sa itaas ay pinapanood sila ng kasambahay na si Milly at ang desiotso anyos nilang kasambahay na si Joy. "Ano kaya ang pinag-uusapan nila? Bakit parang umiiyak si Ate Mika?" tanong ni Joy.
"Oo nga. Mukhang galit si Sir Cedric," dagdag ni Milly.
"Kayo talagang dalawa. Napaka-tsismosa niyo," ani Manang na noo'y kasalukuyang pinapalitan ng damit ang bata.
"Naku, Manang. Baka po paalisin din ni Sir si Mika," nag-aalalang sabi ni Milly.
"Paalisin? Bakit naman?"
"Mukha po kasing galit si Sir Cedric sa kanya."
Napangiti si Manang Beth. "Baka mayroon lang hindi pagkakaintindihan ang dalawang 'yon. Kilala ko si Cedric, kapag galit siya sa tao galit siya. Hindi sila makakaabot sa garden nang tahimik kung talagang galit siya kay Mika."
Kunot ang noong nagkatinginan ang dalawa. "Ano po ang ibig niyong sabihin, Manang?"
" 'Wag na kayong mag-alala kay Mika dahil siguradong hindi siya paalisin ni Cedric."
Napangiti na ang dalawa. Napalapit na rin kasi sila kay Mika. Madalas kasi ay tinutu lungan din sila nito sa gawaing bahay.
"Sige na. Matulog na kayong dalawa at ako na lang ang magbabantay sa bata."
Nang makalabas ang dalawa, dumungaw si Manang sa bintana. Tanaw niya mula roon ang seryosong pag-uusap ng dalawa.
"Ano na naman kaya ang nangyari?" nangingiting bulong nito atsaka ito naglakad pabalik sa bata.
"Ano? Hindi ka pa rin aamin?" tanong ni Cedric.
Hindi pa rin umiimik noon si Nikki kaya kunwa'y tumayo si Cedric.
"Kung ayaw mong magsalita, ire-report na lang kita sa mga pulis," aniya atsaka niya dinukot ang cell phone niya sa bulsa.
Bigla namang napatayo si Nikki at pinigilan ang kamay niya. "Magsasabi na ako ng totoo," mabilis na sabi nito.
Muling hinila ni Cedric ang silya atsaka siya naupo. Sunod namang naupo si Nikki.
"Tumakas ako sa amin dahil ayokong magpakasal sa kababata ko," simula niya.
"Forced marriage? Uso pa ba ang ganun ngayon?"
Tumango lang ang dalaga.
"Bakit ayaw mo sa mapapangasawa mo?"
"Bata palang po kami noong huli kaming nagkita. Maliban sa pagiging magkaibigan, wala naman kaming naging malalim na relasyon noon kaya bakit kami magpapakasal?"
"Bakit nga ba?" ganting tanong ng binata.
"Nangako kasi ang lolo ko sa matalik niyang kaibigan bago mamatay na ipapakasal kaming dalawa."
"Kahit katiting ba wala ka man lang feelings dun sa lalaki?"
Natawa si Nikki. "Feelings? Ang payatot kaya nun. Tapos puro alambre pa ang ngipin."
Napakagat sa labi si Cedric na tila nagpipigil ng galit. Pero hindi iyon napansin ng dalaga dahil hindi ito nakatingin sa kanya habang nagkukwento. "Payatot pala, ha?"
"In short, wala kang gusto sa kanya?"
"Kung gusto ko siya, hindi ako tatakas at magpapakalayo-layo nang ganito. Ang dami kayang hirap ang tiniis ko para lang makapagtago sa kanya."
"Paano kung hindi na siya payatot ngayon? Magugustuhan mo ba siya?"
Natawa si Nikki. "Imposible! Ang baduy-baduy kaya nung manamit. I'm sure hanggang ngayon ganun pa rin ang isang 'yon. I don't think na ma-iinlove ako sa kanya. Never!"
BINABASA MO ANG
Destined To Be Yours
FantasyPaano kaya kung paglaruan ka ng tadhana at kusa kang dalhin ng mga paa mo sa taong pilit mong tinatakbuhan? Meet Nikki, ang stokwang anak-mayaman na kinailangang magpalit ng pagkatao para lang makatakas sa pamilya. Labag sa kalooban ni Nikki ang pa...