KAGAT-KAGAT ni Ella ang pang-ibabang labi habang nakayuko sa harap ng lalaking nagpakilalang si Geoff Sandoval. Hindi niya alam kung paano sisimulang humingi ng tawad rito sa lahat ng kagagahan niya.
Sinigawan niya ito. Pinagbintangang magnanakaw. Binato ng vase. Binasag niya ang antigong vase nito na nagkakahalaga ng humigit-kumulang isang daang libong piso ayon rito. Ipinagmalaki rin niya rito na siya ang may-ari ng bahay na iyon. Kung hindi ba naman siya gaga. Hindi rin niya akalaing magagawa niyang angkinin ang bahay na iyon na kahit kailan ay hindi naman niya pinagkainteresang ariin.
"P-Pasensiya na po... Akala ko po kasi magnanakaw ka. Natakot lang po ako. Gusto ko lang ipagtanggol ang sarili ko..." Napapitlag siya nang marinig ang malakas na paglalabas nito ng hangin mula sa bibig.
"Caretaker ka ng bahay na ito. Obligasyon mong pangalagaan ang lahat ng narito. Pero anong ginawa mo? Parang balewala lang sa 'yo ang magbasag ng kung anu-ano sa bahay na ito na hindi mo pag-aari. And who knows? Baka marami ka nang nabasag rito."
Napangiwi siya. Hindi pa rin siya makatingin rito. Paano na lang kapag nalaman nito na hindi na niya mabilang ang mga plato at basong nabasag niya sa tuwing naghuhugas siya ng pinggan? Naramdaman niya ang pagtigil nito sa harapan niya. Kinabahan siya. Paano kung saktan siya nito?
"Sinusuwelduhan ka para gawin ang trabaho mo pero anong ginawa mo? Anong klaseng caretaker ka?"
Doon siya napatingala. "C-Caretaker?" gagad niya. "Hindi ako sinusuwelduhan rito."
"Kaanu-ano ka ng caretaker?" kunut-noong tanong nito.
"A-Apo. Tiyahin siya ng nanay ko."
"Nasaan ang tiyahin ng nanay mo?"
"Patay na si Nana."
Saglit itong natahimik.
"Isang taon na siyang patay. Ako na lang mag-isa rito," patuloy niya. Tinitigan siya nito. Nakadama naman siya ng pagkailang sa titig nito kung kaya napayuko siyang muli.
"Hindi ko maintindihan. Sinasabi mo bang sa isang taon na wala ang lola mo, hindi ka nakatanggap ng suweldo para sa pagmamantini ng bahay?"
Umiling siya. "Sa pagkakaalam ko, kahit noong nabubuhay pa ang lola ko, wala siyang natatanggap na suweldo para sa pagbabantay niya sa bahay na ito."
"Ano?" tila nabigla ito. "Kung ganoon, ano ang ikinabubuhay n'yo rito?"
"May pananiman sa likod-bahay. Nagtatanim kami ni Nana ng mga gulay. Maraming puno sa likod at doon kami kumukuha ng prutas na itinitinda ng nanang ko sa palengke noon. Pero wala nang nagtitinda niyon ngayon at ako na lang ang kumakain ng mga iyon. Pinapadalhan rin ako ng tatang ko ng kaunting pera mula sa Maynila buwan-buwan. Iyon ang mga ikinabubuhay ko."
"Ang ibig mong sabihin, hindi kayo ang caretaker? Nasaan na ang totoong caretaker ng bahay na ito? Sino ang iniwan ng lolo ko para tumingin sa bahay na ito nang umalis siya rito fifty-seven years ago?"
"Sa pagkakaalam ko, kahit na hindi pa ako ipinapanganak nang mga panahong iyon ay si Nana Felicita na ang nagbantay sa bahay na ito simula nang umalis ang may-ari nito. Ang kuwento ng Nana Aurelia ko sa inang ko, hindi raw umalis ang Nana Felicita sa bahay na ito kahit kailan. Ilang beses siyang pinauwi ng mga magulang niya sa bahay nila pero hindi siya umalis rito kahit anong gawin nila. Kahit ang lumabas ng bahay na ito ay hindi ginawa ni nana. Ni hindi na nga siya nag-asawa sa kababantay sa bahay na ito. Dito na siya tumanda... at namatay."
Ilang sandaling wala siyang narinig mula rito kung kaya natukso siyang tingalain ito. Nakita niya sa mukha nito ang labis na pagtataka. Tiningala nito ang malaking kuwadro ng lolo nito na nakasandal na lang sa dingding. Malaya niyang napagmasdan ang mukha nito.
![](https://img.wattpad.com/cover/322363066-288-k641326.jpg)
BINABASA MO ANG
My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2
RomanceA year after Ella's grandmother passed away, a man named Geoff showed up at her doorstep. May hawak na katibayan ang lalaki na ito ang may-ari ng bahay at lupa na tinitirhan ni Ella at ng kanyang yumaong lola. Si Don Herminio pala na namayapang lolo...