MATAPOS kumain ng hapunan at makapaghugas ng pinggan ay napagpasyahan ni Ella na umakyat na ng kanyang silid. Wala pa siyang balak matulog. Gusto lang niyang mag-isip. Kinuha niya ang puting sobre sa loob ng drawer ng side table ng kanyang kama. Ilang beses siyang natuksong buksan iyon dahil sa matinding kuryosidad ngunit ilang beses ring pinigilan niya ang sarili. Magagalit kasi ang kanyang lola kapag ginawa niya iyon.
Hindi pa pala niya nasabi kay Geoff ang tungkol sa sulat na iyon na gustong ipaabot ng kanyang lola sa lolo nito. Ngunit ano bang magiging saysay kung sasabihin niya? Wala na naman ang lolo nito. Hindi na makararating sa matandang don ang sulat na iyon. Ang ibig sabihin ay hindi na mabubuksan pa kahit kailan ang sobreng iyon.
Dinampot rin niya mula sa nakabukas pa ring drawer ang singsing na ibinigay sa kanya ni Nana Felicita. Maraming bato ang singsing na iyon. May kulay asul at puti. Mukhang mataas ang uri ng mga bato. Tila mamahalin ang singsing. Isinuot niya iyon at sinipat sa kamay. Napakaganda nito. Hanggang sa mga sandaling iyon ay pinagtatakhan pa rin niya kung bakit may ganoon kamahal na singsing ang kanyang lola. Pag-aari ba nito iyon o pag-aari ng don?
"Itabi mo ang singsing na iyan.... Ipakita mo sa may-ari ng bahay... para maniwala siya na apo kita."
Hindi na rin niya maipapakita kay Don Herminio iyon. Napasinghap siya. Paano kaya kung sanibang muli ng don ang apo nito? Magagawa kaya niyang maipakita ang singsing at maibigay ang sulat rito? Makakaya kaya niyang kausapin ito?
Sa tingin niya ay hindi niya kakayanin ang makipag-usap sa patay nang mag-isa. Kung mayroon siyang kasamang kakausap rito ay maaaring magawa niya iyon. Ang kaso ay sila lamang dalawa ni Geoff sa bahay na iyon. Ang ikinatatakot pa niya ay baka himatayin pa siya sa oras na sapiang muli ng kaluluwa ng don ang apo nito.
Binuksan niya ang bintana ng silid nang maisipang magpahangin roon. Nang tumanaw siya sa ibaba ay natanaw niya si Geoff sa gazebo. Nasa tainga na naman nito ang cellphone nito. Marahil ay ang nobya na naman nitong si Lynette ang kausap nito. Hindi niya alam kung bakit bahagyang bumigat ang kanyang dibdib nang marinig ang pakikipag-usap nito sa nobya kanina.
Marahil ay naiinggit siya sa babaeng iyon dahil may kakayahan itong mapaibig ang isang kagaya ni Geoff. Sigurado siyang napakaganda at napakatalino ni Lynette. Pihadong mayaman rin ito na tulad ng lalaki. Napakasuwerte nito.
Sinaway niya ang sarili sa mga iniisip. Bakit ba bigla-bigla ay naisip niya ang mga bagay na wala siya? Hindi naman siya dating ganoon. Hindi siya mapaghanap na tao. Hindi siya ambisyosa dahil kuntento siya sa simple at tahimik na pamumuhay. Masaya siya sa kanyang hitsura at tanggap niya na hindi siya matalino. Ngunit bakit bigla siyang nainggit sa ganda, talino at yaman ng nobya ni Geoff?
Umiling-iling siya. Hindi siya dapat naiinggit. Walang dahilan para maramdaman niya iyon.
"MAKE sure to bring everything that I said," muling bilin ni Geoff kay Alec, isa sa mga construction engineers sa Sandoval Builders. Bukas ay tutungo ito roon kasama ng apat na construction workers upang tulungan siya sa renobasyon ng lumang bahay. Umaga pa lang ay ibinilin na niya rito ang pagdadala ng mga materyales, kagamitan at mga machines na kakailanganin nila ngunit dahil ugali na niya ang mag-double check ay muli niyang tinawagan ito.
"Yes, boss," wika nito.
Kahit hindi pa siya nauupong presidente ng kompanya ay iginagalang na siya ng mga empleyado sa construction firm dahil apo siya ng may-ari. Alam ng mga ito na sa kanya rin mauuwi ang kompanya sa oras na pumanaw ang kanyang lolo. Sa oras na matapos niya ang trabaho sa ancestral house ay kukunin na rin niya ang puwesto ng taong dating ini-appoint ng don bilang tagapamahala ng kompanya.
BINABASA MO ANG
My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2
RomanceA year after Ella's grandmother passed away, a man named Geoff showed up at her doorstep. May hawak na katibayan ang lalaki na ito ang may-ari ng bahay at lupa na tinitirhan ni Ella at ng kanyang yumaong lola. Si Don Herminio pala na namayapang lolo...