Chapter 5

199 11 0
                                    


KAHIT nakayuko si Ella ay ramdam niya ang talim ng tingin ni Geoff sa kanya habang naghahanda siya ng hapunan nito sa dining table. Alam niyang nagalit ito nang takbuhan niya ito at nagkulong siya sa kanyang silid kanina. Hindi rin niya inaasahan ang naging reaksyon niya nang makita ang hubad nitong katawan.

"Sa tingin mo ba talaga pinagnanasaan kita?" mariing tanong nito.

Nag-init ang mukha niya sa itinanong nito. "H-Hindi naman sa ganoon kaya lang kasi---"

"Wala akong interes sa 'yo," putol nito sa sinasabi niya.

Hindi niya alam kung bakit parang kinurot ang isang bahagi ng puso niya sa sinabi nito. Alam naman niya iyon at hindi na nito kailangan pang sabihin. Masyado lang kasi siyang namangha, nahiya at nag-alangan sa kahubdan nitong nakita niya kanina kaya marahil hindi niya napigilan ang mapatakbo palayo.

"Kaya 'wag kang mag-alala. Hinding-hindi kita mapag-iisipan na pagtangkaang gawan ng ganoon."

Napayuko siyang muli. "Pasensiya na."

Nagsimula nang kumain ito. "Bakit hindi ka pa sumabay?"

"Mamaya na lang ako. Hindi pa ako nagugutom," malungkot sa sabi niya at umalis na siya sa dining area. Sa kusina siya nagtuloy. Biglang bumigat ang pakiramdam niya. Alam naman talaga niya na hindi siya pagkakainteresan nito pero bakit kailangan pa niyang masaktan sa direktang pagsasabi nito na hindi siya gusto nito.

Umupo siya sa tapat ng mesa at nangalumbaba. Alam niyang hindi rin nito gusto ang presensiya niya sa bahay nito. Sa tingin niya ay gusto nitong mapag-isa sa bahay na iyon at hindi siya nito kailangan roon. Napilitan lang ito dahil nagmakaawa siya. Kaya marahil ay talagang hindi na siya nararapat pang manatili roon.

Kung puwede lang niyang makausap ang kanyang lola. Kung puwede sana niyang iapela rito ang tungkol sa ipinapangako nito sa kanya. Ipalilinaw niya rito ang totoong gustong mangyari nito. May punto si Geoff sa mga sinabi nito sa kanya noong mapagdesisyunan niya ang dapat na pag-alis sa bahay na iyon. Marahil ay hindi lang nasabi nang maayos ng kanyang lola ang huling habilin nito dahil naghihingalo na ito. Kaya lang ay tiyempo ang pagdalaw ng matanda sa panaginip niya kaya naisip niya tuloy na may ipinahihiwatig ang paglitaw nito sa pagtulog niya. Kung maaari lang sana niyang makausap ito kaya lang ay takot siya sa multo kaya hinding-hindi niya hihilingin na magpakita ito sa kanya upang magkausap sila.

Bigla ay tila may umilaw na bombilya sa ulo niya. May paraan para makausap ang isang patay! Bakit niyon lang niya naisip iyon?

Nalaman niyang tapos nang kumain si Geoff nang pumasok ito sa kusina at tunguin ang ref. Napansin niyang kumuha ito ng mga ice cube sa freezer. Matapos niyang mailigpit at mahugasan ang pinagkainan nito ay hinanap niya ito at natagpuan niya ito sa porch kung saan naabutan niya itong may hawak na basong may alak. Doon pala nito ginamit ang yelo. Ang isa sa mga bote ng alak na noon pa nakaimbak sa eskaparate sa isang bahagi ng dining area ang nakita niyang nakalapag sa wooden bench na nasa porch.

"Kumain ka na ba?" kaswal na tanong nito.

Umiling siya. "Marami kasi akong kinaing mangga kanina. Pakiramdam ko, puno pa ang tiyan ko. At saka alas-siete y medya pa lang naman."

Hindi na ito nagsalita pa. Naisipan niyang sabihin rito ang mga nasasaisip.

"Hindi ba marami ka ring gustong itanong sa lolo mo?"

Tiningnan siya nito ngunit hindi sumagot ito.

"Naalala ko kasi noong itanong mo sa akin kung bakit inabandona niya ang bahay na ito."

Lumagok muna ito ng alak bago nagsalita. "Nagtataka lang ako kung bakit niya pinabayaan ang bahay na ito sa lola mo. Kung bakit mukhang hindi man lang niya ito binisita magmula nang umalis siya rito. Hindi rin niya pinasuwelduhan ang lola mo sa pagbabantay sa bahay na ito. Parang ipinamigay na lang niya ito and yet ipinamana niya sa akin ngayon."

My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon