"MISS."
Dumulas sa kamay ni Ella ang hawak na plato nang mabigla sa boses na biglang narinig mula sa entrada ng kusina. Nagkapira-piraso ang ceramic plate sa sahig ng kusina. Napakagat-labi siya.
"Hindi ka ba puwedeng kumilos nang wala kang nababasag o nasisira?" sarkastikong tanong ng lalaking mayabang.
"Puwede naman. Basta huwag ka lang manggugulat."
Umiling-iling ito at pinulot ang piraso ng platong nabasag niya. Sinipat nito iyon. "This is not just any cheap ceramic plate."
"Huwag mong sabihing one hundred thousand din ang halaga niyan." Sinabayan niya iyon ng munting pag-irap. Pagkatapos nitong maliitin ang inialay na serbisyo ng kanyang lola sa bahay na iyon ay nawalan na siya ng respeto rito.
Tinitigan siya nito. Umiwas siya ng tingin at upang makaiwas na nang tuluyan sa matiim na pagtitig nito ay lumuhod na lang siya sa sahig upang daluhan ang nabasag.
"Anong pangalan mo?"
"Ella," tugon niya habang abala sa pagdamot ng nabasag.
"Iyon ba ang totoo mong pangalan?"
"Garbriella ang buo kong pangalan."
"Anong apelyido mo?"
Napatingin siya rito. Nakita niyang may hawak itong ballpen at tila booklet ng papel na pahaba sa palad nito. Nagtaka siya. Bakit kailangan pa nitong ilista ang pangalan niya? Gayunpaman ay sinagot rin niya ang tanong nito. "Gahol."
"Ilang taon ka na?"
"Beinte tres."
"Nakapag-aral ka ba?"
"Hanggang second year high school lang."
"Ang lola mong nagbantay sa bahay na ito, ilang taon na noong namatay?"
"Sitenta y siete."
"Nasaan ang mga magulang mo?"
"Patay na ang inang ko. Ang tatang ko, nasa Maynila. Nagtatrabaho siya roon."
"Sinabi mo kanina na pinapadalhan ka niya ng pera. Siya ba ang nagbabayad ng kuryente at tubig rito?"
"Simula noong lumuwas ng Maynila si tatang. Pero noon, ang lola ang nagbabayad. Sinabi ko na sa 'yo kung saan namin kinukuha ng lola ko ang ginagastos namin sa bahay na ito. Maliit lang naman ang kinukunsumong kuryente rito dahil sa gabi lang binubuksan ang ilaw. Wala nang ibang kasangkapang de-kuryente ang bahay na ito kundi iyon lang. Matipid rin naman sa tubig dahil dalawa lang kami rito noon."
"Nagawa mong manirahan rito ng isang taon nang ikaw lang mag-isa? Mabuti at walang nanloloob rito."
Tumayo siya at itinapon sa basurahan ang mga dinampot pagkatapos ay hinarap ito. "Walang masasamang loob sa bayan na ito. Mababait ang mga tao rito. At saka binabantayan ako ng kaluluwa ng lola ko kaya walang nangyayaring masama sa akin."
Bahagyang kumunot ang noo nito. "Seriously, ilang taon ka na talaga?"
"Beinte tres nga."
"Kung ganoon, bakit parang isip-bata ka pa?"
Tumalim ang tingin niya rito. "Sinasabi mo bang tanga at bobo ako?"
"Wala akong sinasabing ganoon," kaagad na depensa nito. Pagkatapos ay may idinugtong sa mahinang tinig. "Although it seems like it."
"Ano?" Narinig niya iyon ngunit ang problema ay hindi siya gaanong marunong sa ingles. Kaunti lang ang alam niya sa banyagang lenguwaheng iyon. Hindi naman kasi gaanong itinuturo sa pinasukan niyang paaralan sa probinsya nila ang salitang iyon.
BINABASA MO ANG
My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2
RomanceA year after Ella's grandmother passed away, a man named Geoff showed up at her doorstep. May hawak na katibayan ang lalaki na ito ang may-ari ng bahay at lupa na tinitirhan ni Ella at ng kanyang yumaong lola. Si Don Herminio pala na namayapang lolo...