PINAGHANDAAN ni Ella ng tanghalian ang mga trabahador na dumating. Dahil marami silang pinamili ni Geoff ay marami rin siyang inilutong putahe para sa mga ito. Tatlong putahe ng ulam ang inihanda niya. Lahat ng mga ito ay pinuri ang luto niya sa unang pagsubo pa lang.
Isa sa limang kalalakihan ay hindi construction worker. Si Alec raw ito, isang engineer. May hitsura at mataas ito ngunit siyempre, mas guwapo at mas matangkad pa rin si Geoff. Kaya lang ay mukhang mas mabait si Alec at parating nakangiti ito sa kanya.
Kinahapunan ay hinatiran niya ng merienda ang mga trabahador.
"Magmerienda muna kayo," tawag-pansin niya sa mga ito. Unang dumalo si Alec. Nakangiting nagpasalamat ito. Sumunod ang dalawa pang trabahador na dumampot kaagad ng maiinom. Natagpuan niya si Geoff na nakamasid sa dalawang trabahador na nagsasala ng semento. Ni hindi man lang nito.pinansin ang pagtawag niya.
"May pagkasungit 'yang amo n'yo, no," pabirong bulong niya kay Alec.
Lumuwang ang ngiti nito. "Mabait 'yang si Sir Geoff. May pagkaistrikto nga lang pagdating sa trabaho." Kumagat ito ng bananaque na niluto niya. May tinapay rin at suman na siyang kinuha ng dalawang traahador na lumapit.
"Matagal ka na ba niyang empleyado?"
"Matagal-tagal na rin akong empleyado sa Sandoval Builders. Ikaw, matagal ka na ba rito? Sa pagkakaalam ko, minana ni Sir Geoff itong mansyon mula sa dati naming presidente, ang lolo niya."
"Oo. Matagal na ako rito. Hindi na nga yata ako makakaalis pa rito," wala sa loob na sagot niya. Ayon kay Geoff ay kailangan niyang hanapin ang misyon niya sa pananatili sa bahay na iyon. Pero paano kung ang misyon niya ang tumandang dalaga sa loob ng bahay na iyon na tulad ng kanyang Nana Felicita?
"Ha?"
"Naniniwala ka ba na dapat ay hindi binabali ang pangakong binitiwan sa isang taong namatay?" Naisipan niyang hingan ito ng opinyon. Baka may ibang interpretasyon ito tungkol sa sitwasyon niya.
Saglit na kumunot ang noo nito ngunit sumagot rin ito pagkatapos. "Kung kusang-loob ang pangakong binitiwan ko sa kanya."
Napatitig siya rito. "Ang ibig mong sabihin... kung hindi bukal sa loob mo ang..." Natigilan siya.
"Oo. Minsan kasi ang mga taong mamamatay na, may mga hiling talaga sila sa mga maiiwan nila. Ang iniisip nila, por que mamamatay na sila, malaki ang chance na matupad ang hiling nila kaya sinasamantala na nila. Pero hindi ibig sabihin niyon, susundin mo ang mga hiling nila. Kung hindi mo kayang gawin iyon, maiintindihan naman nila iyon."
Namilog ang mga mata niya. "Totoo ba 'yan?"
Tumango ito.
"Paano kung nakapangako ako sa kanya? Pero... pero pinilit lang naman niya akong mangako, eh. Hindi ko naman talaga ginusto ang pangakuan siya ng isang bagay na ayokong gawin."
Muling kumunot ang noo nito. "Ano bang ipinapangako sa 'yo ng taong iyon?"
"Kasi ganito 'yon..." hindi na niya naituloy pa ang sasabihin dahil kapwa sila napatingin sa tumikhim. Si Geoff iyon. Nasa likod pala nila ito at ito pala ang may-ari ng kamay na kumuha ng suman kanina. Hindi nila ito pinag-ukulan ng pansin kanina dahil abala sila sa pag-uusap.
Kumagat muna ito sa suman bago nagsalita. "Puwede ko bang maabala ang pagkukuwentuhan n'yo?" pormal na tanong nito.
Napatayo si Alec. May itinanong si Geoff rito tungkol sa timbers at brace steels. Tumayo na rin siya at pumasok sa loob ng bahay. Saka na lang siguro siya magtatanong kay Alec kapag natapos na ang trabaho nito.
BINABASA MO ANG
My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2
RomanceA year after Ella's grandmother passed away, a man named Geoff showed up at her doorstep. May hawak na katibayan ang lalaki na ito ang may-ari ng bahay at lupa na tinitirhan ni Ella at ng kanyang yumaong lola. Si Don Herminio pala na namayapang lolo...