"HINDI ko alam na masarap pala ang mag-camping sa gubat," wika ni Gio habang hawak ang braso ni Ella. Paakyat na sila ng bundok at ikinatuwa niya ang pagiging maginoo ng binata sa pag-alalay sa kanya. Gayunpaman ay hindi naman niya kailangan iyon dahil sanay siyang umakyat ng bundok kahit noong bata pa siya.
Sinulyapan niya si Geoff na mukhang hindi nag-e-enjoy sa nangyayari. Hindi niya maintindihan kung bakit simula nang dumating ang kaibigan nito ay parang mas naging masungit ito. Hindi na niya ito nakikitang nakangiti. Hindi nga niya alam kung bakit sumama pa ito sa pamamasyal gayong mukhang hindi naman nito gusto ang ginagawa.
"Ngayon ka pa lang nakapag-camping sa gubat?" tanong niya kay Gio.
"Ngayon lang siya nakapag-camping na may kasamang babae," sabad ni Geoff. Nagkatinginan ang dalawang lalaki ngunit kaagad ring nagbawi ng tingin si Geoff na mukhang wala pa rin sa mood. "Nagka-camping 'yan sa gubat noong elementary. Boy Scout 'yan noon, eh. At kung nagtataka ka kung bakit wala pa siyang babaeng nakasama sa pagka-camping... puro kasi sopistikadang babae ang idini-date niya. Iyong mga tipong napaka-elegante para umapak sa madamong lupang katulad nito."
Muling nagtinginan ang dalawa. Tila nagsukatan ng mga tingin. Hindi niya tuloy maiwasang isipin na baka may iringan ang dalawa dahil simula nang dumating ang kaibigan nito kahapon ay hindi pa niya narinig na tumawa o nakitang ngumiti man lang ito. Unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ni Gio.
"Kaya nga natutuwa ako na may kasama akong katulad mo, Ella. Kakaiba ka sa mga maaarteng babae sa Manila. Sa tingin ko, mas masarap kasama ang mga babaeng katulad mo na simple lang at walang kyeme at arte sa katawan."
Napangiti siya sa pamumuri nito. Hindi niya akalain na sa palagay nito ay lamang siya sa mga sopistikadang babaeng taga-Maynila at ang kasimplehan niya ay pupurihin ng isang katulad nitong guwapo, mayaman at isang sikat na modelo.
Nang makakuwentuhan niya ito kagabi ay sinabi nito na isa itong modelo at designer ng mga sasakyan. Humanga siya sa mga ikinuwento nito tungkol sa sarili. Mabait at masayang kausap ito. Parating nakangiti ito kaya hindi nakakailang na kausapin kahit bagong kakilala pa lamang niya ito. Nanghinayang nga siya nang maputol kaagad ang pagkukuwentuhan nila nito kagabi dahil inutusan na siya ni Geoff na matulog na.
Napatingin siya kay Geoff nang maglabas ito ng hangin mula sa bibig at ngumisi na tila pasarkastiko nang tapunan siya ng tingin. Wala na siyang narinig pa mula rito. Hindi niya maiwasang isipin na may laman ang ngisi at tinging ibinigay nito. Tila ba hindi ito sang-ayon sa sinabi ng kaibigan nito tungkol sa kanya ngunit hindi na lamang nagpahayag ng pag-kontra.
Hindi niya alam kung bakit tila bahagya siyang nasaktan sa isiping iyon. Hindi naman siya masyadong maramdamin at karaniwan na ay wala siyang pakialam kahit hindi siya tanggapin ng ibang tao. Kaya hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit naapektuhan siya sa ginawi ni Geoff.
Dahil marahil sa iniisip kaya hindi niya napagtuunan ng pansin ang nilalakaran. Kung hindi siya hawak ni Gio sa braso ay malamang na nadapa siya nang matisod siya sa isang batong nakausli sa lupa. Ang isang kamay nito ay humapit sa kanyang baywang palapit rito.
"I'm officially your hero now," nakangiting wika nito.
Naalala niya nang saluhin siya nito noong nahulog siya mula sa folding stair. Dalawang beses na siyang naililigtas nito sa disgrasya. "Salamat."
Nang sulyapan niya si Geoff ay napansin niya ang bahagyang pagsasalubong ng mga kilay nito. Marahil ay gusto siyang pagalitan nito sa katangahan niya ngunit hindi na lamang nagsalita. Nagpatuloy na sila sa paglalakad.
"Bukas, dalhin mo kami sa burol, Ella. Pagkatapos ay sa dagat naman," pagyayaya ni Gio. "Maligo tayo roon. May swimsuit ka ba?"
"Masyado ka yatang maraming kapritso, pare," muling sabad ni Geoff. Mukhang mainit na ang ulo nito. "Hindi tourist guide si Ella. Sa bahay ko lang ang trabaho niya. And besides, I did not invite you here. We're not obligated to show you around, you know."
BINABASA MO ANG
My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2
RomanceA year after Ella's grandmother passed away, a man named Geoff showed up at her doorstep. May hawak na katibayan ang lalaki na ito ang may-ari ng bahay at lupa na tinitirhan ni Ella at ng kanyang yumaong lola. Si Don Herminio pala na namayapang lolo...