Chapter 10

879 11 7
                                    


"NAKAPUNTA ka na ba ng Maynila, Ella?" tanong ni Gio. Kasalukuyan nilang tinatahak ang pababa ng bundok. Kanina pa sila nagkukuwentuhan nito ngunit si Geoff ay nanatiling tahimik lamang. Mukhang bagot na bagot ito sa paglalakbay sa magubat na bundok.

"Hindi pa," tugon niya. "Maganda ba roon?"

"Oo. Maganda roon. Madali at mabilis ang pamumuhay. Advanced ang technology. Masaya at maraming pagkakaabalahan. Hindi nakakabagot."

"Talaga?"

"Gusto mo bang pumunta roon?"

"Oo. Doon nakatira ang tatang ko. Kapag nakapunta ako roon, bibisitahin ko siya at ang mga kapatid ko sa ama."

"Gano'n ba? Gusto mo bang sumama sa 'kin sa pagbalik ko sa Maynila?" masiglang pagyayaya nito. "Ipapasyal kita. Pupuntahan rin natin ang tatay mo."

Hindi siya nakasagot. Kahit kasi gustuhin niyang sumama rito ay hindi maaari. Hindi siya maaaring umalis sa lumang mansyon. Sinulyapan niya si Geoff at natagpuan niyang nakatingin ito sa kanya. Sa palagay niya ay alam na nito ang isasagot niya sa imbitasyon ng kaibigan nito.

"Hindi puwede, eh. Salamat na lang."

"Bakit naman?"

"Kasi..." Napatigil siya. Hindi na siguro nito kailangan pang malaman ang tungkol sa pangako niya sa kanyang yumaong lola. Alam niyang tulad ni Geoff ay pagtatawanan rin nito ang sitwasyon niya. Hindi rin nito mauunawaan ang mga pinaniniwalaan niya. "Kasi naririnig ko na magulo roon. At saka may trabaho ako rito. Kailangan ako ni sir Geoff."

Tumingin si Gio kay Geoff. Nakita niya ang bahagyang pagtataka sa mukha ng una. Si Geoff naman ay tila walang reaksyon. Lihim siyang nagpasalamat na hindi na muling nagsalita pa si Gio tungkol roon.

Kinagabihan ay niyaya siya ni Gio sa gazebo ng mansyon. Doon ay ipinagpatuloy nila ang kuwentuhan nila. Palagay na kaagad ang loob niya sa binata dahil sadyang mabait ito. Bihira lang siyang makakilala ng taong gusto siyang kausapin. Sabik siya sa kaibigan kaya natutuwa siya na nakilala niya ito. Naisip niya na kung sana ay ganoon rin ang ugali ni Geoff ay ikatutuwa niya. Kaya lang ay lalo lang itong nagiging masungit habang tumatagal.

"Ilang taon ka na nga pala?" tanong niya rito.

"Magkasing-edad kami ni Geoff. Thirty. Magkaklase kami simula pa noong high school."

"Talaga? Matagal na pala kayong magkaibigan."

"Oo. Para na kaming magkapatid."

Naalala niya ang eksena kanina sa bundok kung saan muntik nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng magkaibigan kung hindi lang naging malamig ang ulo ni Gio at pinagpasensiyahan na lamang ang pagsusungit ng kaibigan. "Masungit ba talaga si sir Geoff?"

"May pagka-moody si Geoff. Pero hindi naman talaga siya masungit. May problema lang siya ngayon kaya ganoon 'yon."

"Anong problema niya?"

"Tungkol sa huling testamento ng lolo niyang namatay."

Bahagya siyang pinanlakihan ng mga mata. "Si Don Herminio?"

"Kilala mo ang lolo niya? I mean, kilala mo nang personal si Don Herminio?"

"Kilala ng yumao kong lola. Ang lola ko ang caretaker ng bahay na ito."

Napatangu-tango ito. "I see. Apo ka pala ng dating caretaker."

"Anong pinoproblema ni Sir Geoff tungkol sa huling testamento ni Don Herminio?" Puno ng kuryosidad niyang tanong.

"May provisong ibinigay ang lolo niya sa last will nito. Kailangang sundin niya iyon bago niya makuha ang kalahati ng mana niya. At hindi lang basta-bastang pera at mga ari-arian ang mawawala sa kanya kung hindi niya susundin ang huling habilin ng lolo niya."

Namangha siya sa nalaman. Kung ganoon ay iyon pala ang dahilan kung bakit parating tila malalim ang iniisip nito. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit masungit ito kung minsan. Mukhang malaki ang problema nito. "Ano ang huling habilin ng lolo niya?"

Hindi kaagad sumagot ito. Sumulyap ito sa gawi ng lanai bago muling nagsalita. "I'm sorry, Ella. Sekreto iyon. Hindi ko puwedeng sabihin."

Nadismaya man ay bahagya siyang ngumiti. "Naiintindihan ko. Pasensya na kung masyado akong naging mapagtanong."

"Magtapat ka nga sa 'kin. Anong totoong dahilan kung bakit ayaw mong sumama sa akin sa Maynila? Natatakot ka ba sa 'kin? Sa tingin mo ba hindi ako mapagkakatiwalaang tao?"

"Naku, hindi gano'n," mabilis niyang pagtanggi. "Alam kong mapagkakatiwalaan ka dahil kaibigan ka ni sir Geoff at sa tingin ko mabait kang tao. Kaya lang... hindi talaga ako puwedeng lumuwas ng Maynila."

"Bakit nga? Dahil ba hindi ka papayagan ni Geoff? Wala siyang karapatang pigilin ka sa gusto mong gawin."

"Hindi. Walang kinalaman si sir Geoff sa desisyon ko."

"Kung ganoon ay bakit?"

Napaisip siya. "Mangako ka muna na hindi mo ako pagtatawanan kapag sinabi ko sa 'yo."

Kaagad nitong itinaas ang isang palad. "Promise. Hindi ako tatawa."

Sinimulan niyang ikuwento rito ang sitwasyon niya sa bahay na iyon. Napansin niya ang unti-unting pagguhit ng ngiti sa mga labi nito. Sa tingin pa nga niya ay tila pinipigilan nito ang pagtawa. Napalabi siya.

"Sabi ko na nga. Tatawanan mo lang ako, eh."

"Hindi naman ako tumawa, ah."

"Hindi ka nga tumawa pero ang lapad naman ng ngiti mo."

Hindi na nito napigilan ang paghulagpos ng tawa. "Sorry. Hindi ko pinagtatawanan ang sitwasyon mo. Naaliw lang ako dahil ngayon lang ako nakarinig ng ganyan."

Tumingala siya sa mga bituin sa langit at nagpakawala ng buntunghininga. "Ang sabi ni Geoff, maaari raw na may misyon ako sa bahay na ito kaya ako pinapangako ng lola ko na huwag umalis rito. Kapag nagawa ko na raw ang misyong iyon, malaya na raw akong makakaalis sa bahay na ito."

"Really?" Nasa tinig pa rin nito ang pagkaaliw. "Ano naman raw itong misyon mo?"

"Hindi ko alam. Inaalam ko pa lang."

Wala na siyang narinig pa mula rito. Alam niyang tulad ni Geoff ay hindi nito naiintindihan ang sitwasyon niya at malamang na sinasakyan na lamang nito ang mga sinasabi niya.

"You're not happy with it. Hindi ka masaya sa pananatili sa bahay na ito."

Ibinalik niya ang tingin rito at natagpuan niya na nakatitig ito sa kanya. "Hindi naman sa gano'n. Kaya lang... ayoko lang na magaya sa lola ko."

"Simple lang ang solusyon sa problema mo, Ella. Just follow your heart. Sundin mo kung ano ang gusto mo. Huwag mong gawin ang ayaw mong gawin. Afterall, that's your body. Kung saan ka masaya, doon ka pumunta. Kung ano ang ikasisiya mo, gawin mo. Iyon ang dahilan kung bakit bawat tao ay may sariling isip. May kakayahan tayo na magdesisyon para sa sarili natin. Kung magpapadikta tayo sa iba, para saan pa na nagkaroon tayo ng sarili nating isip at katawan, 'di ba?"

Bigla na lang nitong inilapit ang mukha sa kanya. Bahagya siyang nabigla sa ginawa nito kung kaya hindi siya nakakilos upang iwasan ito...


Read the rest of this story on my Patreon (with other available stories). Download the Patreon app for convenient reading and search "HeartY" from the find creator bar, or go to patreon.com/hearty28 on your browser. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 20, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon