Chapter 4

181 14 0
                                    

NAPABALIKWAS ng bangon si Ella. Tumaas-bumaba ang dibdib niya sa pagkahingal. Napanaginipan niya ang kanyang lola! Sa loob ng isang taon ay hindi siya dinalaw ng kanyang lola sa panaginip ni isang beses. Ngayon lang ito nagpakita sa panaginip niya. Alam niyang may gustong ipahiwatig ito kaya niya napaniginipan ito. Nagagalit ito sa kanya dahil sa pambabalewala niya sa pangakong binitiwan rito. Gusto siyang pigilan nito sa nakatakda niyang pag-alis sa bahay na iyon.

Tuluyan na siyang bumangon mula sa kama at lumabas sa kanyang silid. Kailangan niyang makausap si Geoff. Umaga na ngunit mukhang hindi pa ito lumalabas sa isa sa mga silid sa bahay na inukopa nito. Napilitan na lang tuloy siyang magluto ng agahan habang hinihintay itong magising. Habang nagpiprito siya ng itlog ay tumataas ang mga balahibo niya. Pakiramdam niya ay nasa tabi lang niya ang kanyang lola. Tila nadarama niya ang galit nito.

"Good morning."

Nabitiwan niya ang seinse sa pagkabigla. Nang lingunin niya ang entrada ng kusina ay nakita niya roon si Geoff. Nasapo niya ang dibdib at pinahupa ang kabog ng dibdib.

Umiling-iling ito habang nakatingin sa seinse sa sahig. "Mabuti na lang at hindi babasagin ang mga sandok rito." Sinulyapan nito ang kalang di-uling na pinaglulutuan niya. "I think I need to buy a decent stove."

Dagli niyang inalis ang kawali sa pugon at inilapag sa isang tabi. Lumapit siya rito. Hindi na niya itinago rito ang labis na pagkabahala.

"Anong problema mo?" kunut-noong tanong nito.

"Natatakot ako."

"Bakit?"

"Napanaginipan ko si Lola."

"Anong nangyari sa panaginip mo?"

"Pinagtimpla raw niya ako ng kape."

Bahagyang napangiwi ito. "Anong nakakatakot roon?"

"May ipis 'yong kape."

"Hindi 'yon nakakatakot. Nakakadiri 'yon."

"Ngayon lang nagpakita sa akin sa panaginip si nana. May dahilan kung bakit ko siya napanaginipan. Ipinaalala niya sa akin ang pangako ko sa kanya. Ayaw niyang umalis ako rito."

Hindi umimik ito, nanatiling nakatitig lang sa kanya.

"Nagagalit siya sa akin kaya nilagyan niya ng ipis ang kape ko. Ayokong magalit sa akin ang lola ko." Napakagat-labi siya at pagkatapos ay napayuko. "Parang awa mo na. Huwag mo akong paalisin rito." Nang walang marinig rito ay nagpatuloy siya. "Hindi ba at kailangan mo ng caretaker sa tuwing wala ka rito? Ako na lang ang kunin mo."

Wala pa rin siyang narinig na sagot kung kaya nagpatuloy pa siya. "Nangangako ako na hindi ako makakasagabal sa iyo rito. Hayaan mo lang ako na tuparin ang pangako ko sa lola ko." Mukhang hindi pa rin ito pumapayag kaya napilitan na siyang mag-alok ng kapalit. "Pagsisilbihan kita habang narito ka. Paglilingkuran kita. Ipagluluto kita ng pagkain. Ipaglalaba kita ng damit. Lilinisin ko ang sapatos mo at pati ang kotse mo. Payagan mo lang ako na tumira rito."

Dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha upang makita ang reaksyon nito sa sinabi niya.

"Talaga bang iyon ang gusto mo? Talaga bang desidido kang tumira rito habangbuhay nang dahil lang sa isang wirdong pangako?" tanong nito sa seryosong tinig.

Tumango na lang siya. Kailangan na lang siguro niyang tanggapin na iyon ang kapalaran niya. Matagal bago muling nagsalita ito. "Bahala ka kung iyan ang gusto mo."

Sinikap niyang ngumiti. "Salamat." Hindi niya inalis ng pagkakatitig rito. Kung tumingin ito ay tila naaawa ito sa kalagayan niya, na tila ba concerned ito sa kanya. Siguro nga ay mabuting tao ito. Lalo tuloy itong gumuwapo sa paningin niya.

My Heart, My Home (Geoff Sandoval) - Drop-dead Playboys Series #1 - BATCH 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon