Ang bilis lumipas ng mga araw. Ngayon ay naghahanda na ako ng mga damit ko dahil maya-maya lang ay aalis na kami ni Gemma para pumunta sa Maynila.
“Ate, mag-iingat ka roʼn, a. Tatawag o magtext ka sa amin palagi,” sabi ni Ronron sa akin.
Tinutulungan nila akong mag-ayos ng mga dadalhin ko. Sobrang bigat man sa loob ko na iwan sila rito pero kailangan ko pa rin talagang gawin ito. Para sa kanila naman ang lahat ng ito, kukunin ko sila kapag may maayos na akong trabaho sa Maynila. Doon na kami titira at iiwan na namin ang lugar na ʼto.
“Roma! Nandito na si Gemma, bilisan mo at aalis na raw kayo!” malakas na sabi ni Lola mula sa labas.
Hinatid pa ako ng mga kapatid ko. Si Ronron na ang nagbuhat ng bag ko at si Riva naman ay nakayapos sa akin habang palabas kami.
“Mamimiss ka namin, Ate...” pigil ang iyak na sabi ni Riva sa akin.
Niyakap ko siya ng mahigpit at ganoʼn din kay Ronron. Matagal bago ulit kami magkita-kita at sobrang mamimiss ko rin sila.
“Mag-iingat kayo. Mag-aral kayong mabuti, a. Mabilis lang si Ate sa Maynila,” bilin ko sa kanila.
Hindi naman na nagtagal ang pagpapaalam ko sa kanila. Kailangan na rin kasi naming umalis. Naghihintay na sa amin ang sasakyan namin na inarkila pa yata ni Gemma.
“Bye, Ate!” muling sigaw ng mga kapatid ko.
Pigil ang luha ko nang unti-unting umandar ang sasakyan namin. Kailangan kong gawin ito para sa kinabukasan ng mga kapatid ko.
“Maganda naman ang trabaho mo sa Manila, bes. Hindi naman masungit ang mga amo mo,” sabi ni Gemma sa akin.
Palihim kong pinunasan ang luha ko at tipid na ngumiti sa kaniya. Tahimik lang ako at tumingin na lang sa labas ng bintana. Iniisip ko kasi ang kalagayan ng mga kapatid ko ngayong wala na ako sa tabi nila. Sigurado akong mas pahihirapan sila ni Lola.
Nagpakawala na lang ako ng isang malalim na hininga at ipinikit ko ang mga mata ko para magmuni-muni. Nakaramdam ako ng antok kaya hinayaan ko na lang ang sarili ko na umidlip muna.
“Roma... Roma, nandito na tayo,” rinig kong sabi ni Gemma.
Hindi ko na pala namalayan na tumagal ang tulog ko kanina buong biyahe. Mabilis kong binitbit ang bag ko at lumabas sa van na inarkila ni Gemma.
Sobrang laki nga talaga ng Maynila. Hindi ko alam kung tatagal ba ako sa ganito. Siguro ay matatagalan bago ako makapag-adjust sa lugar na ʼto.
“Hindi na tayo maihahatid hanggang sa tutuluyan natin. Uunahin na kitang ihatid muna sa magiging amo mo, huwag kang mag-alala dahil hindi naman tayo magkakalayo ng sobra.”
Sumunod lang ako kay Gemma. Nagtawag siya ng tricyle at nang may lumapit ay agad din naman kaming sumakay.
“Isang sakay lang din ng tricyle o jeep para makapunta ka sa pagtatrabaho-an ko. Kaya kapag may kailangan ka ay tawagan mo lang ako.” Tumango na lang ako sa sinabi niya.
Mabilis ang tibok ng puso ko habang nakatingin lang sa labas ng tricyle. Malapit na kami sa magiging trabaho ko kaya ganito na lang ang kabang nararamdaman ko. Sabi naman ni Gemma ay mababait ang mga amo ko at may makakasama naman ako roʼn pero hindi pa rin maaalis noʼn ang kaba na nararamdaman ko ngayon.
“Diyan lang sa malaking bahay. Red na gate, Manong.” Napabaling ako kay Gemma at nakita kong nagbayad na siya.
Ihininto naman kami ng driver sa sinabi ni Gemma. Halos malula ako sa laki ng bahay. Para siyang katulad nung mga napapanood ko sa TV. Sobrang ganda at kahit gate nga lang ay halatang pangmayaman na.
“Halika na, bes. Naghihintay na ang mga amo mo,” sabi ni Gemma at hinatak na nga ako papunta sa malaking gate.
Mas dumoble yata ang kabang nararamdaman ko ngayon. Binuksan ng guard ang gate at pinapasok kami matapos banggitin ni Gemma ang pakay niya rito.
“Good morning, Mrs. Andino!” bati ni Gemma sa isang maganda at mukhang bata pa na babae.
Hindi halatang may edad na dahil makinis pa rin ang balat nito. Siguro ay nasa 40+ na ang edad niya pero ang mukha ay parang nasa 30 lang. Iba talaga kapag mayaman.
“Hello, Gemma! Siya na ba ang sinasabi mo?” tanong nito at tumingin sa akin.
Nahihiya akong iniwas ang tingin ko sa kaniya. Malawak naman ang ngiti niya sa akin pero hindi ko nagawang suklian dahil napangunahan ako ng hiya.
“Yes, Madam! Masipag po itong bestfriend ko. Saka mapagkakatiwalaan naman din,” sabi naman ni Gemma.
“Okay okay. Letʼs come in first. Ipapakilala ko na rin siya sa iba niya pang makakasama at sa anak ko,” sabi naman ng Ginang.
Dahan-dahan ang naging paglakad ko papasok sa kanila. Sa labas ay sobrang ganda ng bahay nila pero nang makapasok ako sa loob ay parang dinoble noʼn ang ganda ng nasa labas. Sobrang linis at ang laki ng bahay. Nalulula ako habang nililibot ang tingin dito. Ang hagdan ay sobrang taas at salamin ang gilid. Nakakahiyang tumapak sa makintab nilang tiles.
“Everyone, come here! Ipakikilala ko ang bago nating makakasama rito sa bahay.”
Agad namang lumapit ang tatlong katulong at isang lalaki na sa tingin ko ay family driver. May nakita naman akong lalaking kalalabas lang sa kusina at may hawak na baso. Ito siguro ang anak ng amo ko.
“This is Roma. Bago natin siyang kasambahay, please treat her well. Manang, ikaw na ang bahala sa kaniya rito,” bilin ni Mrs. Andino sa matandang kasambahay.
“Ako na ang bahala, Madam. Mukhang mabilis naman siyang matuto,” nakangiting sabi naman nung matanda.
“Hindi kami palaging nandito, Roma. Pero itong si Oct naman ay madalas dito. Minsan ay rito siya sa bahay nagtatrabaho, minsan ay sa office niya naman. Isa lang ang anak namin at iyang lalaking nasa harapan mo iyon,” sabi pa ni Madam.
Pasimple kong tiningnan ang lalaking magiging amo ko rin. Blankong tingin lang ang pinukol niya sa akin. Agad kong iniwas ang tingin ko sa kaniya dahil hindi ko kayang tagalan na tingnan siya.
“So, bes... Una na ako sa ʼyo. Baka pagalitan na ako nung amo ko kapag tumagal pa ako rito,” mahinang sabi naman ni Gemma sa akin.
Bahagya akong tumango. Kabado pa rin naman ako lalo na at iiwan niya na ako rito pero wala naman na akong magagawa pa. Kailangan kong harapin ang buhay na meron ako rito ngayon.
“See you kapag may day off ka na,” muling sabi niya pa at nagpaalam na rin sa amo ko.
Tinawag naman ako ni Manang para ayusin na ang mga gamit ko sa tutuluyan kong kwarto. Napansin ko pa ang pagsunod ng tingin sa akin nung anak ng amo ko pero hindi ko na pinansin pa at dumiretso na ako ng lakad.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
Money or Dignity (COMPLETED)
Romance©All Rights Reserved COMPLETED✔️ Started: October 26, 2022 Ended: December 11, 2022 Romaeli Santrival Maagang naulila sa ina at hindi naman niya nakilala ang kaniyang ama dahil bata pa lang sila ay iniwan na sila nito. Maagang sinubok ng tadhana p...