15

1.2K 18 0
                                    

“Ate, kumain ka na. Okay ka lang ba?” tanong ni Riva sa akin dahil siya ang katabi ko ngayon.

Mabilis kong pinatay ang phone ko at binalik sa bag ko. Tipid akong ngumiti sa kaniya at tumango.

“Oo, tinanong lang nung amo ko kung anong oras ako uuwi bukas,” pagsisinungaling ko.

Kumuha ako ng isang slice ng pizza. Ramdam ko ang tingin ni Matteo sa akin pero hindi ko iyon tinugunan. Pakiramdam ko kasi ay nakatingin din sa amin si Sir Oct ngayon. Baka totoong nakikita niya kung nasaan kami ngayon.

“Saan ang next nating pupuntahan, Ate?” tanong ni Ronron.

Ilang beses pa akong napakurap para mabalik sa huwisyo ko. Masyado kong iniisip ang mga text ni Sir Oct sa akin.

“Bibili ng mga kailangan ninyo. Damit o kung ano pang gusto ninyo,” sagot ko naman.

“Wala naman kaming kailangan, Ate. Itabi mo na lang ang perang ipambibili mo ng mga damit namin. Idagdag mo sa ipon mo,” sabi ni Ronron.

Hindi ako nakasagot sa kaniya. Masyado akong nagiging emotional kapag ganitong lagay.

“Saka may pera pa naman kami, Ate. ʼYung baon na binibigay mo sa amin ay tinitipid namin para kapag may kailangan kami ay hindi na kami hihingi sa ʼyo,” sabi naman ni Riva.

Nagpakawala ako ng isang malalim na hininga. Tipid akong ngumiti sa kanila.

“Konting tiis na lang at pwede na tayong magsama-sama sa Maynila. Marami na akong ipon pero hindi iyon sapat kaya hindi ko muna kayo makukuha ngayon, maghintay pa tayo ng ilang buwan siguro,” paliwanag ko.

“May bahay ako sa Manila, Roma. Pwede namang doon kayo tumira,” sabi ni Matteo na ikinalaki ng mata ko.

“Hindi! Huwag na!” mabilis kong tanggi.

Natawa naman siya sa akin. “Maliit lang iyon at sakto na para sa inyong magkakapatid. Sa katunayan nga ay ibebenta ko na iyon dahil hindi naman na ako umuuwi roʼn. Sayang naman kung sa iba mapupunta, sa inyo ko na lang ibebenta,” aniya.

“Hindi ko pa kayang bumili ng bahay, Matteo. Kulang pa ang ipon ko para makabili ng bahay,” mahinang sagot ko.

Bahagya siyang natawa sa akin. “Rent to own na lang ang gawin mo. 10k ang down, 5k a month kasama na roʼn ang kuryente at tubig. Ibebenta ko na lang sa inyo ng...” Natigil siya para pag-isipan kung magkano ang i-aalok niya sa amin.

“Mahal ang pagbebenta ng bahay, Matteo.” Kung magpapagawa ako ng bahay namin, aabot siguro ng 40k to 50k ang uubusin ko. Kung bibili naman ay baka umabot ng 100k iyon.

“Dapat nga hindi mo na lang bilhin, e. Hahayaan ko na nga sa inyo ang bahay na ʼyon pero hindi ka naman papayag,” kaswal na sabi niya pa na para bang isang laruan lang ang ibibigay niya.

“Babayaran ko kung magkano ang dapat bayaran. Papayag ako sa rent to own na sinasabi mo pero gusto kong makita muna ang bahay,” sabi ko naman.

Mabilis siyang tumango. “Sure. Sabay na tayong umuwi bukas para doon na tayo dumiretso at nang makita mo ang bahay na sinasabi ko. Ihahatid na lang din kita bukas kung saan ka man nagtatrabaho,” sabi niya.

“Ate, excited na akong makasama ka ulit!” sabi ni Riva kaya sa kaniya natuon ang atensyon ko.

“Hindi pa naman tayo sigurado sa bahay, Riva. Huwag muna tayong mag-expect,” sabi ko naman kaya napanguso siya.

“Ibebenta ko na lang ng 50k ang bahay na ʼyon dahil hindi naman na kayo iba sa akin. Saka sakto lang talaga iyon para sa inyong magkakapatid, para ka lang nagpagawa ng bahay sa presyong inaalok ko, Roma.”

Tumitig ako kay Matteo. Kung totoo ngang may gusto siya sa akin, sobra-sobra na itong ginagawa niya ngayon. Kakausapin ko na lang siya bukas tungkol dito.

“Gusto kong makita muna ang bahay,” sabi ko at tinuloy na ang pagkain.

Lumilipad ang isip ko sa mga nangyari ngayong araw. Nang makauwi na kami ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga text ni Sir Oct. Maging ang bahay na sinasabi ni Matteo na ibebenta para sa aming magkakapatid ay gumugulo rin sa isip ko.

“Ate, okay ka lang ba?” tanong ni Ronron sa akin.

Nakaupo ako sa kama ko at ang kalahati ng katawan ay nakasandal. Tumango ako sa kaniya bilang sagot.

“Pinakita ni Kuya Matteo ang bahay na sinasabi niya. Maliit ng kaunti rito sa bahay natin iyon. Maganda ʼyung bahay at sakto lang ang 50k para doon. Ganoʼn din kasi ang presyo nung bahay na pinagawa nung kaklase ko. Ate, pwede na tayong magkasama ulit kapag na-upahan na natin ʼyung bahay,” paliwanag niya.

Tipid akong ngumiti sa kaniya. “Ronron, kung uupahan man natin ang bahay na ʼyon, kailangan din ninyong lumipat ni Riva ng school kung sakali.”

Mahal ang mga eskwelahan sa Maynila. Hindi biro ang mga gastos na kakailanganin nila roʼn.

“Oo nga pala...” mahinang sabi niya nang mapagtanto yata ang sinabi ko.

“Pero titingnan ko pa rin ang bahay na sinasabi ni Matteo. Kapag nagkausap na kami tungkol doon ay sasabihan kita agad,” sabi ko naman.

Tumango siya sa akin at ngumiti. “Kapag nakatapos na ako, ako na ang bahala sa inyo ni Riva. Sa ngayon ay tiis tiis muna, Ate.”

Inangat ko ang braso ko para alukin siya ng yakap. Agad siyang lumapit sa akin at niyakap nga ako.

“Mag-aral kang mabuti. Ginagawa ko ang lahat para sa inyo ni Riva...” mahinang usal ko.

Pumasok na naman sa isip ko ang trabaho ko kay Sir Oct. Ilang buwan na rin akong ganoʼn. Pinaiinom niya akong pills para hindi ako magbuntis. Hindi kasi siya gumagamit ng proteksyon kaya ako na lang ang gumagawa noʼn.

Ayaw kong magkaanak kaya kahit ayaw kong magpills dahil iba ang epekto sa katawan ay ginagawa ko pa rin. Wala akong balak magkaanak.

“Pahinga ka na muna, Ate. Tatawagin na lang kita kapag maghahapunan na,” sabi ni Ronron sa akin.

“Salamat, Ron. Gisingin mo ako ng alas sais para ako na ang magluluto ng hapunan,” bilin ko naman.

Tumango siya at umalis na para makapagpahinga na ako. Niyakap ko ang unan ko at ipinikit agad ang mga mata. Pinilit kong ikalma ang isip ko sa mga bagay na bumabagabag dito.

Bukas ay maaga pa kaming bibyahe ni Matteo. Sa kaniya ako sasabay papunta sa Manila para tingnan ang bahay na uupahan namin. Gusto kong magkasama-sama kaming magkakapatid pero hindi naman pwedeng agad-agad ay lilipat kami sa bahay na iyon kung sakali. Kakausapin ko na lang siguro si Matteo na kung pwede ay bayaran ko ng paunti-unti ang bahay para kung sakaling pwede nang lumipat ay makakalipat na kami nila Riva roʼn.

To be continued. . .

Money or Dignity (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon