Kinakabahan ako dahil baka biglang dumating sila Manang at isipin nilang sobrang tagal ko rito sa kwarto ni Sir Oct.
“Wala ka bang trabaho ngayon, Sir?” tanong ko sa kaniya.
Ako na ang nagsubo ng pagkain sa kaniya dahil iyon ang gusto niya. Para tuloy akong may alagang bata dahil sa kaniya.
“Meron. Mamaya pa ako magstart, tinatamad pa ako ngayon,” sagot niya naman.
Muli ko siyang sinubuan. Puro sa kaniya ko pinapakain ang dala kong pagkain ngayon kahit ang sabi niya ay hati kami rito.
“Eat, Roma.” Akala ko ay nalibang ko na siya at nakalimutan niya nang isipin ang sinabi kanina.
“Mamaya na lang ako, Sir.” Tinuloy ko ang pagsubo ng pagkain sa kaniya.
Wala naman na akong narinig mula sa kaniya kaya tumahimik na lang din ako at sinubuan ko na lang siya. Ilang minuto pa bago natapos at saka ako lumabas.
“Oh! Ito pala si Roma!” gulat pang sabi ni Manang sa akin.
Kinabahan ako. Baka kung ano na ang iniisip nila sa akin ngayon.
“Ngayon mo lang binigay ang meryenda ni Sir?” tanong ni Lanie sa akin.
Bahagya akong tumango. “May niligpit pa kasi ako, nawala sa loob kong ibigay agad ang meryenda niya,” sagot ko pa.
Ayaw kong pag-isipan nila ako ng kung ano. Sana lang ay maniwala sila sa sinasabi ko ngayon.
“Pumarito ka na at nang makakain na tayo,” sabi naman ni Manang.
Ganoʼn nga ang ginawa ko. Lumapit ako sa kanila at nakisalo sa pagkaing hinanda ni Manang. Nag-uusap sila tungkol sa pinuntahan nila kanina. Wala naman akong maintindihan kaya tumahimik na lang ako.
“Masanay ka na rito, Roma. Ganito talaga kami kapag walang masyadong ginagawa,” sabi ni Manang nang mapansin yatang tahimik ako.
“Okay lang, Manang. May iniisip lang ako, pasensya na po,” sagot ko naman.
“Mababait naman ang mga amo natin. Hindi naman palaging may ginagawa rito kaya makapagpapahinga ka rin,” sabi naman ni Lena.
Tipid lang akong ngumiti at tumango sa kanila. Pinagpatuloy ko na ang pagkain ko. Parang ayaw kong sumapit ang gabi, pupunta ako sa kwarto ni Sir Oct mamaya at alam ko naman na kung anong mangyayari.
Ginusto ko ʼto, panindigan ko. Para sa mga kapatid ko kaya ko ginagawa lahat ng ʼto.
“Gagamit ka ba ng cr, Roma?” tanong ni Lena sa akin.
Gabi na. Walang palya ang kabang nararamdaman ko ngayon.
“Oo, maghahalf bath lang ako,” sagot ko.
Bawat kilos ko yata ay sadyang mabagal. Kung pwede lang na mas bagalan ko pa para hindi ko na abutang gising si Sir Oct ay baka ginawa ko na nga.
Bitbit ko ang damit na pamalit ko ngayon at nagtungo ako sa banyo. Ang bigat ng pakiramdam ko at gusto kong umiyak. Iyon nga ang ginawa ko oras na makapasok ako sa cr. Ibinuhos ko lahat ng bigat ng dibdib ko sa pamamagitan ng pag-iyak. Natigil lang ako nang tumunog ang cellphone ko.
“Hello, Ronron?” Agad kong sinagot iyon.
[“Ate, nakabili na ng gamot para kay Riva. Ang sabi rin nung Doctor ay wala na kaming babayaran dito sa Ospital. Sa susunod na araw ay makakalabas na kami rito!”] Tuwang-tuwa na ibinalita iyon sa akin ni Ronron.
Tipid akong napangiti. Hindi nila alam ay sarili ko ang kapalit ng pambayad sa Ospital at gamot ni Riva.
“Mabuti naman kung ganoʼn. Ano pa ang sabi sa inyo?” tanong ko. Pilit kong tinatago ang pagpiyok o paggaralgal ng boses ko.
[“Ang sabi nung babaeng nagbigay sa amin ng pera pambiling gamot ay galing daw iyon sa ʼyo, Ate. Kaibigan mo ba ʼyon?”]
Lihim akong nagpakawala ng malalim na hininga.
“Ah... Oo. Nanghiram muna ako sa kaniya para may maipambiling gamot ni Riva,” sagot ko.
Nakagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang paghikbi. Nakinig lang ako sa mga sinasabi ni Ronron. Bumubuti na raw ang pakiramdam ni Riva at kagaya ng sabi niya ay makakalabas na nga ito sa susunod na araw.
“Ronron, magpapahinga na muna ako. Balitaan mo na lang ako sa lagay ni Riva,” paalam ko sa kaniya.
Mabilis kong pinatay ang tawag niya at muling bumuhos ang luha sa mga mata ko. Tinakpan ko ang bibig ko para hindi makagawa ng kahit anong ingay mula sa pag-iyak ko. Baka marinig ako nila Manang na umiiyak dito at isipin na nahihirapan ako sa trabaho kahit hindi naman talaga.
Nang matapos akong maghalf bath ay agad din naman akong bumalik sa kwarto ko. Naghintay ako ng ilang oras pa bago magpunta sa kwarto ni Sir Oct. Inaantok na ako pero kailangan ko pa ring sundin ang gusto niya.
Mabigat ang bawat hakbang kong pumunta sa kwarto ni Sir Oct. Siniguro ko munang walang makakakita sa akin. Mahirap na baka mahuli ako rito at mapalayas pa ako kapag nalaman ang pinasok kong gulo.
“Sir...” mahinang tawag ko.
Madilim sa loob ng kwarto niya at malamig din dahil sa aircon. Agad tumaas ang balahibo ko dahil sa lamig na nararamdaman ko ngayon. Naghalo ang kaba at lamig sa akin.
Narinig ko ang bawat patak ng tubig mula sa cr. Naliligo yata siya kaya wala siya rito sa kwarto niya. Dahan-dahan akong naupo sa kama niya at nilibot ang tingin sa madilim na paligid.
Tanging ang ilaw mula sa lampshade sa gilid ng kama niya ang nagbibigay liwanag dito sa loob. Kumabog na naman ang dibdib ko nang marinig ko ang pagpatay ng shower sa cr. Tapos na siyang maligo at ilang minuto na lang ay lalabas na siya sa cr.
“Oh... Youʼre here!” gulat pang sabi niya.
Hindi ako lumingon. Nanatili lang akong nakaupo sa kama at tinatago ang nanginginig kong kamay.
“Kararating ko lang...” mahinang sabi ko naman.
Naramdaman ko ang pagtabi niya sa akin. Kung pwede lang makalabas ang puso ko sa dibdib ko baka kanina pa iyon wala sa akin. Grabe ang tibok ng puso ko dahil sa kaba. Pakiramdam ko ay mabibiyak ang dibdib ko sa sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Masakit ang nagiging epekto ng kabang ito sa akin.
“Are you ready?” mahinang tanong niya.
Napahigpit ang kuyom ko sa kamao ko. Hindi ako sumagot. Pakiramdam ko ay may nakabara sa lalamunan ko.
Ito na... Alam kong ito na ang simula ng pagbabago sa buhay ko rito sa Manila. Ang gabing ito ang simula ng pagbabayad ko sa perang nagamit pambayad sa Ospital at gamot ng kapatid ko.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
Money or Dignity (COMPLETED)
Romance©All Rights Reserved COMPLETED✔️ Started: October 26, 2022 Ended: December 11, 2022 Romaeli Santrival Maagang naulila sa ina at hindi naman niya nakilala ang kaniyang ama dahil bata pa lang sila ay iniwan na sila nito. Maagang sinubok ng tadhana p...