Nang matapos akong maglinis sa cr ay sinunod ko naman ang kwarto mismo ni Sir. Wala na siya roʼn at hindi ko alam kung nasaan.
Ang iniisip ko ngayon ay kung paano ko ba itatago ang mapupulang bagay na ito sa katawan ko. Kapag nakita nila Manang ito, ano na lang ang sasabihin ko? Baka magtaka sila kung bakit sabog ang labi ko gayong dito lang naman ako nanggaling sa kwarto ni Sir.
“Roma, magtatanghalian na. Hindi ka pa ba tapos diyan?” rinig kong tanong ni Manang mula sa labas ng kwarto ni Sir.
“Matatapos na po, Manang! Sandali na lang!” sigaw ko rin para marinig niya.
Magtatambo na lang ako at tapos na akong maglinis dito sa kwarto ni Sir. Kumakabog ng malakas ang dibdib ko dahil wala talaga akong takas kila Manang. Makikita at makikita pa rin talaga nila ang nasa labi ko.
Palabas na ako ng kwarto nang makita kong papasok naman si Sir Oct dito. Nakayuko lang ako at hindi sinalubong ang tingin niya sa akin. Nilagpasan niya lang ako kaya nagmadali na rin akong pumunta sa kusina para ibalik ang mga ginamit kong panlinis.
“Jusko kang bata ka! Anong nangyari sa iyo?” tanong agad ni Manang nang makita ako.
Napalunok ako at hindi mapakali ang mga mata. Lumapit si Manang sa akin para tingnan ang labi ko na may sugat. Ano ang sasabihin ko?
“Anong nangyari?” muling tanong niya.
“Ah... Nadulas po kasi ako sa cr ni Sir Oct kanina habang naglilinis. Hindi naman po sobrang lakas nung pagkakauntog ko, Manang. Iyan lang naman ang naging sugat,” sagot ko.
Hindi ako nakatingin sa mga mata niya dahil baka mahalata niyang nagsisinungaling lang ako.
“Hindi ka nag-iingat! Alam mo namang madulas sa banyo. Hay nako kang bata ka!” sermon niya pa.
Mukhang naniwala naman siyang dahil nga sa pagkakadulas kaya ako nagkasugat.
“Oh? Anong nangyari dito, Manang? Naririnig ko ang sermon mo kahit nasa labas ako,” sabi naman ni Lena.
Tinuro naman ako ni Manang. “Hindi nag-iingat kaya tingnan mo ang nangyari, nagkasugat ang labi,” galit pang sabi ni Manang.
Napatingin naman sa akin si Lena at salubong na salubong ang kilay. Bumaba ang tingin niya sa bandang leeg ko at mas lalo lang nangunot ang kilay niya.
“Gamutin natin ang sugat mo, Roma. Manang, gagamutin ko lang ang sugat niya,” paalam niya kay Manang.
Mabilis akong hinatak ni Lena papunta sa kwarto ko. Inilock niya ang pinto at pinaupo ako sa kama ko. Nakatingin lang ako sa kaniya habang kinukuha niya naman ang first aid kit na nasa ibabaw ng cabinet ko.
“Saan ka pa may sugat?” tanong niya.
Umiling ako. “Wala na. Sa labi lang ako tinamaan,” sagot ko naman.
Seryoso lang siyang nakatingin sa sugat ko at nilalagyan na iyon ng gamot.
“Umamin ka nga sa akin, Roma. Si Sir Oct ang may gawa niyan sa ʼyo ʼdi ba?” muling tanong niya pero may diin sa tono nito.
Kumabog ang dibdib ko. Bakit niya naisip na si Sir ang may gawa nito sa akin? Si Manang nga ay naniwala na nadulas lang ako, bakit si Lena ay hindi?
“N-Nadulas lang ako sa banyo kanina habang naglilinis... Tumama sa bath tub ang mukha ko kaya nagkasugat ako sa labi.”
Maniwala sana siya. Ayaw kong may makaalam tungkol sa kung ano talagang nangyari.
“Mapagkakatiwalaan mo ako, Roma. Para na rin kitang kapatid kaya huwag kang mahiya o matakot na magsabi,” seryoso pa ring sabi niya.
“Wala namang kinalaman si Sir Oct dito. At bakit niya naman ako sasaktan kung sakali?” Iniwas ko ang tingin ko sa kaniya.
“Roma, hindi ako pinanganak kahapon. Kung si Manang nauto mo dahil sa palusot mo—ako hindi. Alam kong may nangyayaring hindi tama sa inyo ni Sir. Kaya huwag ka nang magsinungaling sa akin.”
Napatitig ako sa kaniya dahil sa sinabi niya. Paano niya nalaman?
“Narinig ko kayo noong nakaraang buwan. Dito mismo sa kwarto mo at may nangyayari sa inyo. Roma, nakita ko rin siyang lumabas mismo rito sa kwarto mo nung gabing ʼyon.”
Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. Kung ganoʼn ay may alam na nga talaga si Lena? Sasabihin niya kaya sa amo namin? Alam kaya ni Lanie ito?
“A-alam din ba ni Lanie? Lena... Lena, sasabihin mo ba sa amo natin? Mapapalayas na ba ako rito?” sunud-sunod at bakas ang kabang tanong ko.
Hinawakan niya ang kamay ko. “Roma, sabihin mo sa akin kung bakit ganoʼn. Mapagkakatiwalaan mo ako, wala akong ibang pinagsabihan kung anong alam ko.”
Para akong nakahinga nang maluwag dahil sa sinabi niyang iyon. May tiwala naman ako kay Lena pero natatakot ako na baka madamay siya sa kung anong gulo ang pinasok ko.
“Baka madamay ka pa, Lena. Mas mabuting huwag mo na lang alamin kung anong nangyayari sa amin,” sabi ko sa mahinang paraan.
“Gusto kitang tulungan, Roma. Inaabuso ka na ni Sir.” Mabilis akong umiling sa kaniya na ipinagtaka niya naman.
“Ginusto ko lahat ng iyon. Kung anong namamagitan sa amin ay kasalanan ko rin naman. Pinili ko kaya dapat kong tiisin ang lahat ng ito,” sagot ko sa kaniya.
Mabilis na tumulo ang luha ko. Akala ko kaya kong pigilan at sarilihin ang bigat na nararamdaman ko pero hindi pala. Lalo lang akong naiyak nang maramdaman ko ang yakap ni Lena sa akin.
“Nandito ako... Handa kitang tulungan,” sabi niya habang inaalo ako.
Iyak lang ako nang iyak. Para akong batang nakahanap ng kakampi mula sa mga nang-aaway sa akin. Ibinuhos ko lahat ng bigat ng loob ko gamit ang pag-iyak.
“Sabihin mo sa akin kung bakit umabot sa ganitong punto, Roma.”
Nakahawak siya sa kamay ko at hinihintay na magsalita ako. Tumahan na ako pero mabigat pa rin pala ang loob ko. Pero kahit papaano ay nabawasan naman iyon dahil kay Lena.
“Noong unang pasok ko rito, nalaman ko agad na sinugod sa Ospital ang kapatid ko dahil may sakit. Kinailangan ko ng malaking halaga para sa pambayad sa gamot at sa Ospital,” panimula ko.
“Bakit hindi ka nanghiram sa amin? Tatlo kaming nandito, pwede ka naming pautangin na lang!” mariing sabi niya.
Tipid akong ngumiti. “Nag-offer si Sir sa akin ng trabaho. 15k a month daw at bukod pa ang sahod ko sa magulang niya. Kailangan na kailangan ko ng pera para sa mga kapatid ko kaya pumayag ako sa gusto niya,” mahinang sabi ko sa huli.
Napatakip sa bibig si Lena. Nagpatuloy ako sa pagkukwento sa kaniya. Maging ang pangyayaring ito, ang mga mapupulang bagay sa katawan ko at ang sugat ko ay sinabi ko rin kung saan nanggaling.
“Jusko, Roma! Tumigil ka na dahil baka kung ano pang mangyari sa iyo!” aniya na bakas ang pag-aalala sa akin.
Tipid muli akong ngumiti.
“Bayad na ang para sa buwan na ito, Lena. Wala akong ibang magagawa kundi ang magtiis na lang.” Nagpakawala ako ng isang malalim na hininga.
“Bakit hindi ka na lang manghiram ng pera kay Matteo? Para mabalik mo ang perang binayad ni Sir na sahod mo ngayong buwan. Tumigil ka na rin sa trabaho kuno na iyan, baka sa susunod niyan makita ka na lang namin na hindi na humihinga rito sa kwarto mo.”
Alam kong nag-aalala sa akin si Lena at gusto niya lang gawin ko ang makabubuti sa akin. Pero hindi ko na kayang tumigil. Hindi ko na kayang iwan si Sir Oct. Handa akong tiisin lahat ng masasakit na salita o pisikal na sakit na galing kay Sir.
“Hindi ko kaya, Lena...” Napayuko ako matapos sabihin iyon.
“Huwag mong sabihin sa akin na may nararamdaman ka na para kay Sir?” bakas ang gulat sa tanong niya.
Hindi ako nakasagot. Pinili kong hindi na lang sumagot dahil kahit ako mismo sa sarili ko ay hindi ko alam kung ano nga ba talaga ang sagot sa tanong na iyon.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
Money or Dignity (COMPLETED)
Romance©All Rights Reserved COMPLETED✔️ Started: October 26, 2022 Ended: December 11, 2022 Romaeli Santrival Maagang naulila sa ina at hindi naman niya nakilala ang kaniyang ama dahil bata pa lang sila ay iniwan na sila nito. Maagang sinubok ng tadhana p...