[Kabanata 4]
Umiihip ang marahan na hangin habang nagbabasa si Libulan sa ilalim ng malaking puno ng Acasia. Nakauwi na ang lahat ng kaniyang kaklase. Hinihintay na lamang niya ang kaniyang ina na siyang susundo sa kaniya.
Habang naghihintay, minabuti ni Maestro Santiago na pabasahin si Libulan ng isang maikling kuwento. Limang taong gulang pa lamang ang bata ngunit kapansin-pansin na matatas na ito magbasa sa wikang Español at Tagalog.
Nakaupo sa mahabang silya si Libulan habang nakapatong ang manipis na kuwaderno sa mahabang mesa. Samantala, nakatayo si Maestro Santiago habang pinagmamasdan ang marahang pagsayaw ng hangin sa punong kanilang sinisilungan.
Napatigil sa pagbabasa si Libulan nang umupo sa tabi niya ang isang batang babae. Hindi niya napansin ang pagdating ng asawa ni Maestro Santiago na magiliw na humalik sa pisngi nito.
"Ang Natatanging Tala..." mabagal na pagbigkas ng batang babae sa pamagat ng kuwentong binabasa ni Libulan. Nakatingin lang sa kaniya si Libulan na tila ba iniisip niya kung sino ito. "Isinulat ni ama ang kuwentong iyan," patuloy nito sabay ngiti. Bakas sa mga mata at ngiti ng batang babae na ipinagmamalaki niya sa buong mundo ang ama na pinakamagaling sa lahat.
Napatingin si Libulan sa kuwaderno. Ngayon niya lang napansin na sinulat lang ito sa kuwaderno. Hindi ito nailathala ng anumang pahayagan. "Ikaw ba ang bagong estudyante ni ama?"
Tumango si Libulan bilang tugon. Hindi siya sanay makipag-usap sa ibang bata dahil ngayon lang siya nakapasok sa paaralan. Hindi rin siya pinapagayagang makipaglaro sa ibang bata sa labas dahil baka siya ay masugatan. Palagi ring nakabantay ang kaniyang ina at lagi lang siyang pinapabasa ng iba't ibang babasahin.
"Ako nga pala si Elena, ano ang iyong ngalan?" isinandig ng batang babae ang ulo niya sa mesa habang nakangiti. Animo'y hinihimok niya si Libulan na maglaro sila.
"Libulan," tugon niya. Ngumiti muli ang batang babae. Aayain niya sanang maglaro si Libulan ngunit napatingin sila kay Maestro Santiago na naglalakad papalapit kasama ang asawa nito na si Guadalupe.
"Tayo'y kumain na ng tanghalian," wika ni Maestro Santiago na napangiti nang makita ang anak. Dali-daling tumakbo si Elena papalapit sa kaniyang ama at yumakap. Nakalimutan niyang bumati pagdating nila dahil nauna niyang nilapitan ang bagong estudyante ng kaniyang ama.
Binuhat ni Maestro Santiago si Elena paikot sa ere dahilan upang bumungisngisi ito. "Mamay ana 'yan kumain na muna tayo," wika ni Guadalupe na abala sa paglalagay ng pagkain sa kabilang mesa.
Tumingin si Maestro Santiago kay Libulan na nakatingin lang sa kanila. Kailanman ay hindi naging ganoon kagiliw ang kaniyang ama sa kaniya. "Señorito, Halika't sumabay ka na sa amin." Wika ng maestro sabay ngiti. Napangiti rin si Elena dahil nararamdaman niyang may bago na naman siyang kalaro at kaibigan.
HINDI makapaniwala si Libulan habang nakatingin sa dalagang lumabas sa dating kinatitirikan ng kaniyang tahanan. "Elena? Elena Santiago?" wika ni Libulan, sinubukan niyang humakbang ngunit sandali lang siyang tiningnan ng babae na para bang mabilis lang na dumaan ang paningin nito.
"Okay na po lahat, Kuya Greg?" tanong ng babae sa camera man matapos nitong isara ang trunk ng sasakyan.
"Okay na po Ma'am Ana," wika ng camera man. Tumango ang babae saka muling ngumiti sa matandang babae na may ari ng bahay bago pumasok sa sasakyan. Tulalang sinundan ni Libulan ng tingin ang company van na may tatak na PMC News hanggang sa makaliko ito sa kabilang kalye.
Naguguluhan si Libulan sa mga nangyayari. Ngayon nasa makabagong panahon siya, hindi niya maunawaan kung paanong naririto rin si Elena na kaniyang kababata.
BINABASA MO ANG
Duyog
FantasyAng Huling Serye. Following his tragic death, a young man from the past traveled to the future and met a girl who could see the way to the afterlife. Book cover: Binibining Mariya Date Started: Oct 03, 2022 Date Finished: -----