Kabanata 13: Ang Baraha ng Kapalaran

22.4K 905 1.7K
                                    

[Kabanata 13]

Las Islas Filipinas 1849

WALANG tigil ang buhos ng ulan dahilan upang maapektuhan ang mga negosyo at pasok sa paaralan. Hinihintay ng mga tao ang pagtunog ng kampana ng simbahan bago sila lumikas sa kani-kanilang tahanan.

Sa kabila ng mga mamamayan na labis na nababahala sa walang tigil na pag-ulan. Tanging si Maestro Santiago ang nakatutok sa mga librong paulit-ulit niyang binabasa. Walang tigil din ang kaniyang pag-ubo at pabalik-balik na lagnat. Binalot niya ang sarili ng makapal na kumot ngunit ramdam pa rin niya ang matinding lamig na nanunuot sa kaniyang buto.

Marahang kumatok si Elena sa pinto. Natutulog ito sa maliit na silid sa ilalim ng kinatitirikan ng kanilang barong-barong ngunit dinala muna nila ito sa itaas sa pangambang abutin ng baha ang kanilang bahay at pasukin ng tubig ang pinagtataguang silid ng kaniyang ama.

Ilang taon na ang nakararaan mula nang umuwi ito sa kanilang tahanan. Mula noon, hinukay nila ang sikretong silid upang doon manatili ang maestro na nahatulan ng kamatayan.

Marahang inilapag ni Elena sa sahig ang dala niyang pinakuluang gamot at tubig. Hinipo niya ang noo ng ama na patuloy pa rin sa pag-ubo. "Magpahinga na po kayo, ama. Bukas niyo na lang ipagpatuloy ang pagbabasa." Wika ni Elena ngunit hindi siya pinansin nito. "Siya nga po pala, nagtungo sa bayan si ina kanina upang makahanap ng mauutangan."

Napatingin si Elena sa palapulsuhan ng kaniyang ama kung saan naghiwa ito ng maliit na sugat at ipinatak ang dugo kay Libulan. Napansin ni Elena na hindi pa rin naghihilom ang sugat sa palapulsuhan ng kaniyang ama. Sariwang-sariwa pa ito bagaman ilang araw na ang nakalilipas mula nang isagawa ang ritwal.

Mayamaya pa ay napaubo muli nang malakas si Maestro Santiago na sinundan ng pagsuka nito ng dugo. Nanlaki ang mga mata ni Elena makita ang pagkalat ng dugo sa kumot at kamay ng ama. Agad niyang hinawakan ang likod nito. "Ama, dadalhin ko na po kayo sa pagamutan," wika ni Elena ngunit tinabig ni Maestro Santiago ang kaniyang kamay.

"Hayaan mo ako. Kailangan ko pang maunawaan ang mga ito." Wika ng maestro saka nagpatuloy sa pagbabasa at pagsusulat. Napansin ni Elena na kinakalkula ng kaniyang ama ang susunod na duyog.

Sinubukan niya muling kumbinsihin ito ngunit hindi nagpapaawat ang ama sa pagbibilang. Wala na siyang nagawa kundi ang maupo sa papag at pagmasdan ang ama na mabaliw sa ginagawa nito. Napatayo siya nang marinig ang pagbukas ng pinto, dumating na ang kaniyang ina.

May dala itong mga gulay at manok. "Nakautang ako kina Pacing at Pedro. Kaunti lamang sapagkat problemado rin sila ngayon dahil ilang araw nang sarado ang kanilang tindahan."

Iniabot nito kay Elena ang salapi, napatitig si Elena sa nalalabing piso na pagkakasiyahin pa nila hanggang sa matapos ang bagyo. Hindi rin siya makapagtinda ng gulay sa pamilihan dahil sa masamang panahon.

"Akin ding nabalitaan na muling nawalan ng malay si Libulan. Ilang araw na rin itong hindi nagigising tulad ng dati," patuloy ng kaniyang ina. Dahan-dahang napalingon si Elena sa kaniyang ama. Hindi niya mapigilang isipin na maaaring may koneksyon ang pagkakasakit ng kaniyang ama bilang alay upang muling mabuhay si Libulan.


KINABUKASAN, maagang nagtungo sa bayan si Elena. Dumiretso siya sa mansion ng pamilya Dela Torre. "Wala sila ngayon dito." Wika ng kasambahay na akmang isasara na ang pinto ngunit nagpatuloy si Elena. "Maghihintay na lang ako rito sa labas. Mga anong oras kaya---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil nakita niyang pababa ng hagdan si Don Venancio.

Napalunok ang kasambahay. Ang totoo, kabilin-bilinan ni Don Venancio na wala itong tatanggapin na bisita maliban sa mga opisyal at kaibigan niya. Isasara na sana ng kasambahay ang pinto ngunit sumigaw si Elena, "Don Venancio, ako ho ito, si Elena. Maaari niyo po bang masuri ang aking ama?"

DuyogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon