[Kabanata 11]
MABILIS na tumakbo si Libulan pabalik sa waiting shed. Mabuti na lamang dahil hindi ito malayo mula sa kompanya ni Ana. Madali niya ring natandaan ang daan subalit ilang beses din siyang nalito dahil sa dami ng taong naglalakad sa gilid at marami na ring sasakyan sa kalsada.
Ngayon lang siya nakatakbo nang mabilis at halos walang tigil. Bagay na hindi niya nagagawa dahil sa sakit sa puso. Nang makarating siya sa waiting shed kung saan sana sila dapat magkikita, hindi na niya naabutan doon si Sabrina.
Papalubog na rin ang araw at makulimlim ang langit na tila ba nagbabadiyang umulan ngunit hindi tumutuloy. Agad kinapa ni Libulan sa kaniyang bulsa ang phone ngunit maging ito ay hindi niya masumpungan.
Dali-daling tumakbo si Libulan pauwi sa patahian. Umaasa siya na ligtas na nakauwi si Sabrina. Nang makarating siya sa Sastre y Seda, agad siyang umakyat sa ikalawang palapag dahilan upan magitla si Gera na nagbibilang ng kita. Napakurap ito ng dalawang beses dahil sa bilis ng pagpasok ni Libulan na matulin ding nakaakyat sa hagdan.
Napahawak si Libulan sa pintuan nang masumpungan sina Aling Lucy at Kuya Empi sa kuwarto ni Sabrina. Inalalayan ni Aling Lucy si Sabrina upang makainom ito ng gamot.
"Sa susunod nga, huwag kang aalis nang masama ang pakiramdam mo. Hindi ka na ata nag-almusal kaninang umaga e," wika ni Aling Lucy sabay kuha sa baso ng tubig na hawak ni Sabrina. Ngumiti nang marahan si Sabrina, wala naman siyang sakit o lagnat. Kahit papaano ay nagpapasalamat siya sa pag-aalaga at pag-aalala ng mga kasama niya sa patahian.
"Siguro po dahil din sa init. Sobrang init din po kaninang umaga," saad ni Sabrina na animo'y nagdadahilan. Itinali rin ni Aling Lucy ang mahabang buhok niya kanina upang hindi siya lalong pagpawisan. Hindi niya rin maalala kung bakit siya nawalan nang malay sa habang naghihintay sa waiting shed. Ang huli niyang natatandaan ay dalawang beses siyang bumalik sa patahian upang hanapin si Libulan, nagtungo siya sa presinto upang hanapin doon si Libulan, at ilang oras din siyang naghintay sa waiting shed sa pag-asang naligaw lang si Libulan kaya hindi ito nakarating agad.
"Saan ka ba pupunta? 'Di ka nagsabi, hinatid ka na sana namin." Saad ni Kuya Empi na nakasandal sa dingding. "Nasaan ba si Li?" patuloy nito sabay lingon sa pintuan kung saan napangiti siya nang masilayan ang paboritong kaibigan ngunit nagtaka siya nang mapansin na parang naligo ito sa pawis.
"Oh, men! Nag-marathon ka ba?" Lalapitan sana ni Kuya Empi si Libulan ngunit humakbang na si Libulan papasok sa kuwarto na tila ba isang eksena sa pelikula.
Napatigil sina Sabrina at Aling Lucy nang tumayo si Libulan malapit sa kanila. "Oh, hijo, saan ka galing? Umulan ba sa labas?" salubong ni Aling Lucy sabay tingin sa bintana kung umulan.
Magsasalita sana si Libulan ngunit nakatingin sa kaniya ang lahat, lalo na sina Aling Lucy at Kuya Empi na walang kamalay-malay sa pagkikita sana nila ni Sabrina ngayong araw. Ilang segundong naghari ang katahimikan dahilan upang magpalitan ng tingin ang tatlo na naghihintay sa sasabihin ni Libulan.
"A-ako'y humihingi ng paumanhin, sa inyo, lalo na sa 'yo Sabrina, sa aking inasal at sa nangyari," wika ni Libulan na yumukod nang marahan. Napakurap ng dalawang beses si Sabrina. Hindi pangkaraniwan ang reaksyon, kilos, at sinasabi ni Libulan subalit kahit papaano ay napanatag siya na nakabalik ito nang ligtas.
"Kanina ka pa namin tinatawagan bro pero hindi mo sinasagot. What happened ba sa date niyo? Bakit ganiyan hitsura mo? Don't tell me naligaw ka pauwi," tawa ni Kuya Empi sabay sagi kay Libulan.
Nanlaki ang mga mata ni Sabrina nang mabanggit ni kuya Empi ang salitang date. Ang totoo, winawaksi niya lang sa isip niya na mukhang date ang gagawin nila ni Libulan subalit hindi niya pa rin napigilang mag-ayos at paghandaan ito.
BINABASA MO ANG
Duyog
FantasyAng Huling Serye. Following his tragic death, a young man from the past traveled to the future and met a girl who could see the way to the afterlife. Book cover: Binibining Mariya Date Started: Oct 03, 2022 Date Finished: -----