Kabanata 9: Mahika at Hiwaga

16.4K 991 1.1K
                                    

[Kabanata 9]

ILANG ulit napapapikit si Libulan dahil sa lakas ng liwanag na nagmumula sa ring light. Hindi na siya nakapalag pa nang dumating ang mga make up artist at mabilis siyang pinaupo saka nilagyan ng kolerete sa mukha at inayos ang buhok.

Animo'y hindi siya makagalaw sa kinauupuan sa bilis ng pangyayari. Maka-ilang beses niya ring sinubukang magsalita ngunit nasasapawan siya ng lakas ng boses at tawanan ng mga make up artist na nagkukuwentuhan.

"Bago ka ba? Anong pangalan mo?" Tanong ng isa habang sinusuklay ang buhok ni Libulan. "Infairness, puwede ka mag-artista! May lahi ka ba?" dagdag ng isa habang mabilis na nilalagyan ng foundation ang mukha ni Libulan.

"Maka-lahi naman 'to, ano 'yan Shih Tzu?" tawa ng isa habang namimili ng mga damit na ipapasuot sa mga model.

"M-mawalang galang na, maaari ko bang malaman kung kailangan pa ba gawin ang mga ito?" tanong ni Libulan matapos isanggi ang kamay sa nakasisilaw na liwanag.

"Of course! Mas gagwapo ka 'pag may make up!" Magtatanong pa sana muli si Libulan kung ano ang sinabi nito ngunit lumapit na ang may hawak ng mga damit at tinapat sa kaniya ang tatlong coat upang tingnan kung bagay ito.

"Perfect! Mas bagay sa 'yo ang blue!" patuloy ng fashion artist na nagawa pang artehan ang pagkakasabi ng blue.

"Hindi na rin kita lalagyan ng contact lens, brown eyes ka pala!" ngiti ng make up artist. "Bagay nga rin sa brown hair niya, nag-dydye ka ba ng buhok?" usisa ng hair stylist saka sinuri at pa-simpleng inamoy ang buhok ni Libulan na kakaiba at mabango.

Bago pa makaangal si Libulan ay pinatayo na siya at sapilitang binihisan. Gusto niyang sumigaw at humingi ng tulong kay Kuya Empi na nakasandal sa pintuan habang nakangiti hawak ang phone at may kausap sa videocall.

Nang matapos siyang ayusan at bihisan ay tulalang napabagsak si Libulan sa mataas na upuan. Napatitig siya sa malaking salamin kung saan parang ibang tao ngayon ang nakikita niya sa sariling repleksyon.

Nakahawi ang kaniyang buhok at mas lalong naging kapansin-pansin ang magagandang mata, matangos na ilong, at jawline. Maganda rin ang sukat sa kaniya ng kulay puti at asul na amerikana.

"Mahal siguro talent fee mo?" tawa ng isa saka nilagyan ng pabango si Libulan na napapakit muli dahil sa lakas ng perfume spray. "Siguro bente mil offer sa 'yo ni Madam Monet!" usisa ng isa. Mas lalo silang natutuwa dahil parang batang nalilito si Libulan sa dami ng kumakausap sa kaniya.

"Bente mil?" Wika ni Libulan sa sarili nang mapagtanto na hindi pala niya natanong nang maayos kung magkano ang sasahurin niya sa kakaibang pabor na hiniling ng kaibigan ni Mrs. Gera.

Hindi lubos maisip ni Libulan kung gaano kalaking halaga ang dalawampung libong piso. Tiyak na hindi na siya maghihirap kailanman. Sobra pa ang salaping iyon upang makabili siya ng isang isla at ipangalan iyon sa kaniya.

Sunod na dumating ang dalawa pang modelo na aayusan nila kung kaya't pinatayo na nila si Libulan. Agad lumapit si Libulan kay Kuya Empi na parang uod na nakahilig sa dingding at kinikilig sa kausap.

"Kuya Empi..." Hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin dahil biglang tumayo nang tuwid si Kuya Empi at inilayo kay Libulan ang camera upang hindi ito mahagip. "Bro, dyan ka lang," wika ni Kuya Empi sa takot na magustuhan ng kaniyang chicks si Libulan. "Sweetie Pie, tawag ako mamaya ha, I love you!" ngiti ni Kuya Empi na akmang hahalikan ang phone.

"Ikaw ay may kasintahan na?" tanong ni Libulan. Ngumisi si Kuya Empi na gwapong-gwapo sa sarili. Nagawa niya pang hawiin ang kaniyang buhok na may sabit. "Hindi pa kami official pero mutual na ang feelings namin. Papunta na rin doon." Tugon ni Kuya Empi na puno ng kumpyansa sa sarili.

DuyogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon