[Kabanata 7]
Mula sa labas ng tahanan ay maririnig ang iyak ng batang lalaki na hindi nais sumama sa tagapag-alaga at sa kutsero na maghahatid sa kaniya sa paaralan. Ito ang unang araw niya sa eskwela kasama ang iba pang mga mag-aaral, kung kaya't pahirapan itong mapapayag sumama.
Sa edad na limang taon ay napagpasiyahan ni Don Venancio na ipasok na sa paaralan ang kaniyang anak upang matutunan nito ang makihalubilo sa ibang mga bata. Tatlong taong gulang pa lamang ito nang magiging matatas sa pagbabasa, pagsusulat, at pagsasalita sa tulong ng mga inupahan niyang guro na nagtutungo pa sa kanilang tahanan.
Habang lumalaki si Libulan ay napansin ni Don Venancio na wala itong kaibigan at hindi rin nakikipagsalamuha sa mga kaedad na pinsan. Lingid sa kaalaman ng Don na si Aliya mismo, ang tunay na ina nito ang siyang nagbabawal sa anak na lumabas, maglaro, marumihan, at makipag-usap sa ibang bata na anak ng mga manggagawa sa hacienda Dela Torre.
Pasado alas-onse na ng umaga ngunit hindi pa rin naisasakay si Libulan sa kalesa dahil nagpupumiglas at tumatangis ito. Alas-siyete pa ng umaga nagsimula ang klase ni Maestro Santiago na kilalang isa sa mga mahuhusay na guro sa Pandacan.
Gulat na napaupo nang tuwid si Aliya nang makitang dumating ang kales ani Don Venancio na noo'y kagagaling lang sa pagpupulong. Napalingon si Libulan sa direksyon ng pintuan nang mapansin na napaayos ng tayo at upo ang iba pang mga kasamabahay, maging ang kutsero na ilang beses siyang sinubukang buhatin.
Sa murang edad pa lamang ay nababatid ni Libulan na natatahimik ang lahat at hindi kumikilos sa tuwing papalapit ang kaniyang ama. Maging siya ay hindi rin malapit sa ama at tumatahimik lalo na kapag nasilayan niya ang seryosong hitsura nito.
Nang subukang pigilan ni Libulan ang kaniyang panaghoy ay nagsimula siyang sinukin. Inaasahan na ng lahat na magagalit ang Don at gamit lang ang isang salita ay mapapasakay na nito si Libulan sa kalesa subalit may kakaiba kay Don Venancio noong araw na iyon at hindi nila inaasahan ang gagawin nito.
"Inyo muna kaming iwan," saad ni Don Venancio. Payukong lumabas ang mga kasambahay sa silid ni Libulan habang patuloy na sinisinok ang bata.
Marahang isinara ni Aliya ang pinto nang siya'y makalabas. Pinandilatan niya ang mga kasambahay at kutsero saka sinenyasan na lumayo na. Tanging siya ang naiwan sa likod ng pinto upang pakinggan ang pag-uusap ng mag-ama.
Inilapag ni Don Venancio ang sombrero sa kama at lumuhod upang maging kapantay ng anak na namumula ang mukha at kutis dahil sa pag-iyak. "Ano ang dahilan ng iyong pagtangis? Hindi mo ba nais matuto sa paaralan?" tanong ni Don Venancio sa kalmadong paraan. Bagay na nakakapanibago rin kay Libulan sapagkat kailanman ay hindi naman siya tinatanong ng ama tungkol sa kaniyang nararamdaman. Hinahayaan lang nito na alagaan siya ng mga taong pinapasahod nito.
Napayuko si Libulan, ang totoo, hindi niya alam kung paano sasabihin na natatakot siya malayo sa kanilang tahanan at mawala sa labas. Bagama't sasamahan naman siya ng kaniyang ina sa paaralan ni Maestro Santiago, hindi pa rin siya mapalagay at mas gugustuhin na lamang niya mag-aral sa loob ng kanilang tahanan.
Napahinga nang malalim si Don Venancio, walang duda, anak nga niya si Libulan. Naalala niya ang kaparehong karanasan noong siya'y bata pa. Hindi niya rin nais malayo sa kanilang tahanan lalo na noong pinasok siya sa seminaryo sa Espanya.
Hinugot ni Don Venancio ang dulong butones sa suot niyang abrigo at inilagay sa maliit na palad ni Libulan. "Ang botón na ito ay magsisilbing gabay upang ikaw'y hindi maligaw. May kakayahan ito na ikaw'y dalhin pabalik dito sa ating tahanan. Sa oras na hawak mo ito, hindi ka mawawala. Hindi kami mawawala." Paliwanag ni Don Venancio katulad ng kung paano rin siya nakumbinse ng kaniyang ama noon na pumasok sa seminaryo.
BINABASA MO ANG
Duyog
FantasíaAng Huling Serye. Following his tragic death, a young man from the past traveled to the future and met a girl who could see the way to the afterlife. Book cover: Binibining Mariya Date Started: Oct 03, 2022 Date Finished: -----