Kabanata 3: Ang Mukha ng Nakaraan

25.5K 1.2K 2.5K
                                    

[Kabanata 3]

Wala sa sariling naglalakad si Sabrina sa gitna ng kawalan habang nakatitig sa kabilugan ng buwan. Pakiramdam niya'y lumulutang sa hangin at hindi madama ang paglapat ng kaniyang paa sa lupa.

Ang tanging naririnig niya ay ang malamig na boses na tila tinatawag at inaakit siya nito. Kasinglamig ito ng liwanag ng buwan na halos sakupin ang kalangitan sa laki nito. Dahan-dahang bumagal ang lakad ni Sabrina habang unti-unting napagtatanto ang kakaibang paligid.

Panaginip...

Tumigil siya sa paglalakad nang mapagtanto na siya'y nananaginip. Pinagmasdan niya ang paligid. Nababalot ito ng kadiliman, wala siyang ibang nakikita kundi ang malaking buwan at ang lupang kinatatayuan.

Nananaginip ako... panaginip 'to.

Nakaramdam ng kakaibang lamig si Sabrinana gumuhit sa kaniyang buong katawan. Napahakbang siya paatras. Nang makubinse niya ang sarili ay agad siyang lumingon pabalik.

Sa pagkakataong iyon, gulat niyang iminulat ang mga mata. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa kama habang nakakabit ang iba't ibang apparatus sa kaniyang katawan. Ilang sandali pa, nakita niya ang isang nurse na agad umasikaso sa kaniya matapos ang dalawang linggong comatose.

Makalipas ang halos isang linggo, unti-unti nang nakakabawi ng lakas si Sabrina. Nagsimula na rin ang iba't ibang laboratory, diagnostic test, at therapy na kailangan niyang pagdaanan. Madalas niyang iniinda ang pananakit ng kaniyang ulo.

Isang gabi, hindi siya makatulog nang maayos. Mahimbing nang natutulog ang mga kasama niya sa ward. Maging si Aling Lucy na siyang nagbabantay sa kaniya ay mahimbing na rin ang tulog sa isang tabi.

Nakapatay na ang mga ilaw. Tanging ang liwanag ng buwan ang tumatagos mula sa pasilyo at mga bintana. Napansin ni Sabrina ang usok na kumakalat sa buong paligid. Nagtataka siyang bumangon at tumingin sa pintuan ng ward na nakabukas. Umaagos ang malamig na hamog na tila ba usok.

Sa unang pagkakataon, tila nawala ang pananakit at bigat ng kaniyang ulo. Bumaba siya sa kama at naglakad patungo sa pintuan upang sundan ang kakaibang hamog na bumabalot sa buong ospital.

Tumingin si Sabrina sa kaliwa't kanan nang makarating sa mahabang pasilyo. Animo'y humaba ang pasilyo na tila walang katapusan. Kasunod niyon ay nakarinig siya ng mahihinang bulong na unti-unting lumalakas sa bawat segundo.

Napahawak si Sabrina sa kaniyang tainga. Pilit niyang inuunawa ang sinasabi ng mga bulong ngunit hindi niya ito maintindihan. Napatigil siya nang maaninag ang mga anino sa hamog na tila naglalakad patungo sa iisang direksyon.

Sinundan niya ng tingin ang mga anino hanggang sa matanaw niya mula sa dulo ng pasilyo ang isang lagusan na hugis pinto. Kulay itim ito tulad ng madilim na gabi. Sa hindi malamang dahilan ay natagpuan ni Sabrina ang sarili na sumasabay sa agos ng mga anino patungo sa kakaibang lagusan.

Sa kaniyang paglapit ay mas lalong lumalakas ang mga boses at mas lumalamig ang paligid. Tumigil si Sabrina sa tapat ng lagusan. Tuluyan na siyang hindi nakagalaw sa kaniyang kinatatayuan nang matanaw ang pamilyar na kabilugan ng buwan na nakita niya sa kaniyang paniginip bago siya magising mula sa mahabang pagkakahimbing.

Napalingon si Sabrina sa mga anino na sumasabay sa makapal na hamog. Laking-gulat niya nang matunghayan kung paano nagiging anyong tao ang mga anino sa oras na makapasok ito sa lagusan. Naglalakad sila na tila mga wala sa sarili. Tulalang nakatingin nang diretso habang humahakbang papalapit sa buwan.

Isang anino ang naging batang lalaki pagpasok sa lagusan. Akmang hahakbang sana papasok si Sabrina at tatawagin ito upang pigilan ang bata ngunit gulat siyang nagising. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa kama. Agad siyang bumangon dahilan upang maalimpungatan si Aling Lucy. Hindi na napigilan ni Sabrina ang pagbagsak ng kaniyang luha mula sa mabigat at nakakatakot na bangungot na hindi na siya nilubayan mula ng gabing iyon.

DuyogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon