[Kabanata 6]
Naalimpungatan si Libulan dahil sa makapal na hamog na bumabalot sa loob ng kaniyang silid. Labing-apat na taong gulang na siya at sa bawat taon na lumilipas ay mas lalong nanghihina ang kaniyang katawan.
Sa kabila ng kaniyang panghihina, nagagawa niya pa ring pumasok sa paaralan at siya pa rin ang nangunguna sa klase. Nagpalinga-linga si Libulan upang hanapin ang kaniyang ina. Kakaiba ang kaniyang pakiramdam, walang anumang kumukurot sa kaniyang puso na tila ba ngayong gabi ang pinakamaginhawa sa lahat.
Lumabas siya sa silid at balak sanang magtungo sa silid ng mga kasambahay kung nasaan ang kaniyang ina. Nais niyang ibalita ang tungkol sa maganda niyang pakiramdam. Subalit hindi niya ito nasumpungan sa silid. Babalik na lang sana siya sa itaas nang mapansin ang liwanag mula sa imbakan ng mga bigas at sangkap.
Ang maliit na imbakan na iyon ay nakahiwalay at matatagpuan sa likod ng mansyon. Dahan-dahang naglakad si Libulan patungo sa imbakan. Kapansin-pansin ang maraming kandila mula sa mga uwang ng kawayan. Malayo pa lang ay naaamoy niya ang amoy ng sinusunog na kamanyang.
Sa kaniyang bawat paghakbang papalapit ay mas lalong gumagaan ang kaniyang pakiramdam. Nang makalapit na siya ay nagawa niyang sumilip sa isang uwang. Nakita niya ang kaniyang in ana nakatalikod at nakaharap sa isang maliit na altar kung saan nakasabit ang anting-anting na palagi niyang suot.
Napapalibutan ng kandila ang kaniyang ina habang bumubulong sa mga usok. Nakabukas ang malaking bintana ng imbakan kung saan natatanaw ang kabilugan ng buwan. Hindi maunawaan ni Libulan kung ano ang mga salitang sinasambit ng kaniyang ina. Pinagmasdan niya nang mabuti ang anting-anting na palagi sa kaniyang pinapasuot. Ngayon lang niya napagtanto ang nakaukit doon ay ang kabilugan ng buwan na siyang dinadasalan ni Aliya.
Kasunod niyon ay mas lalong lumakas ang hangin na tila ba dinidinig ng buwan ang dasal. Napahakbang paatras si Libulan sa takot. Sa lakas ng hangin ay napapasayaw lang nito ang mga apoy ng kandila.
Dali-daling tumakbo si Libulan papabalik sa mansyon ngunit bago siya tuluyang makarating sa pintuan ay muli siyang lumingon. Nakita niya ang itim na usok na lumabas mula sa imbakan na tila isang malaking anino ng uwak na mabilis lumipad sa himpapawid na tila ba may nais itong kunin na kaluluwa.
GULAT na napamulat ng mga mata si Libulan na tila ba nagising siya mula sa bangungot. Muli siyang napapikit at agad isinangga ang kamay dahil sa liwanag ng ilaw. Unti-unting naging malinaw sa kaniyang pandinig ang ingay sa paligid. Hindi niya maunawaan kung nasaan siya, ngunit napagtanto niya na narito pa rin siya sa modernong panahon.
Nakasaro ang kurtina mula sa hinihigaan niyang kama. Naririnig niya ang mabilis na paglalakad ng mga tao sa labas. Napahawak siya sa kaniyang ulo kung saan napatigil siya nang makita ang dugo na dumikit sa kaniyang kamay.
Nanlaki rin ang kaniyang mga mata nang makita ang bahid ng dugo sa suot niyang damit. Nawawala na rin ang isang piraso ng kaniyang sapatos. Sandali siyang napatigil nang maalala ang malakas na puwersa na bumangga sa kaniya nang subukan niyang habulin si Sabrina pagtawid sa kalsada.
Agad kinapa ni Libulan ang kaniyang sarili ngunit wala siyang makitang sugat. Wala rin siyang maramdamang sakit o kirot. Bumaba si Libulan sa kama at marahang hinawi ang kurtina upang silipin kung anong nangyayari sa labas. Hindi niya matukoy kung nasaan siya ngayon. Sa kaniyang palagay, nasa pagamutan siya at ito na ang hitsura ng modernong ospital.
Maraming mga palakad-lakad na tila ba nagmamadali at hindi siya napapansin. Mabilis na naglakad si Libulan patungo sa kabilang pasilyo. Naglakad siya nang naglakad na tila ba wala siyang iniindang karamdaman sa kabila ng mga dugong nagkalat sa kaniyang damit.
BINABASA MO ANG
Duyog
FantasyAng Huling Serye. Following his tragic death, a young man from the past traveled to the future and met a girl who could see the way to the afterlife. Book cover: Binibining Mariya Date Started: Oct 03, 2022 Date Finished: -----