[Kabanata 10]
MAINGAT na tinatahi ni Sabrina ang butones pabalik sa polo ni Libulan. Hindi niya namalayan ang sarili na nakangiti hanggang sa matapos ang pagtatahi. Ilang sandali pa, tumunog ang kaniyang phone, tumatawag ang kaniyang kapatid.
"Ate!" Mas lalong lumaki ang ngiti ni Sabrina.
"Kumusta ka diyan? Sorry, hindi ko nasagot ang tawag mo last time. Lumipat kami ng office and mas lalong maraming project ngayon." Wika ni Faye mula sa kabilang linya.
Napangiti na lang si Sab nang maalala ang makailang ulit niyang pagtawag sa kapatid niya noong nanganganib siyang matanggal sa kolehiyo dahil sa kinasangkutang violation. Kung wala si Libulan, siguradong hindi na niya alam kung anong nangyari sa kanila ngayon ni Kyla.
"Wala 'yon. Okay lang ako dito. Medyo masaya... kakatapos lang din ng exam namin." Napakagat ng labi si Sabrina, nagdadalawang-isip kung dapat niya pang ipaliwanag kung bakit siya masaya. Sandali siyang napatigil at napailing sa sarili, masaya na siya dati pa dahil kasama niya sina Gera, Aling Lucy, Migo, at Kuya Empi.
"Ikaw, ate. Kumusta ka diyan?"
"Okay lang din. Sana ma-extend ang contract namin dito. So far, mababait naman din sila." Tugon ni Faye. Hindi man makita ni Sabrina ang reaksyon ng kaniyang kapatid ay nababatid niyang nakangiti at masaya rin ito.
"Oo nga pala, nagtetext pa ba si..." hindi na nagawang ituloy ni Faye ang pangalan ng taong kaniyang tinutukoy sa kadahilanang hindi niya alam kung ano ang itatawag dito. Hindi man sabihin ni Faye ay naunawaan agad ni Sabrina kung sino ang taong iyon.
"Hindi. Nagpalit na ako ng number. Hindi na sana niya makuha ulit." Matapos silang iwan ng kanilang ama ay pinili nilang kalimutan ito tulad nang kung paano sila nito tinalikuran. Sandaling naghari ang katahimikan. Pareho silang may ideya kung sino ang nagbayad ng bill ni Sabrina sa ospital. Hindi man nila pag-usapan, pareho nilang hinahangad na maibalik ang perang iyon sa kanilang ama.
"Malapit na pala ang anniversary ni Mommy," wika ni Sabrina dahilan upang maputol ang katahimikan.
"Pakibilhan si Mommy ng tulips na favorite niya. Samahan mo muna siya /habang wala pa ako," saad ni Faye, tumango nang marahan si Sabrina saka napahinga nang malalim. Muling nagpatuloy ang kanilang pag-uusap na umikot sa maraming tanong ni Sabrina tungkol sa America.
Natigil ang kanilang pag-uusap nang kumatok si Kuya Empi, "Sab, aalis na tayo. Hindi puwede ma-late ang artista natin," sermon ni Kuya Empi dahilan upang matawa si Faye na nakarinig mula sa kabilang linya.
"Sige na, 'wag mo painitin ang ulo ni Kuya Empi, eenglishin ka niyan." Tawa ni Faye dahilan upang matawa na lang din si Sabrina dahil palaging panira si Kuya Emp isa tuwing nagkakaroon sila ng pagkakataong makapag-usap.
KAPANSIN-PANSIN ang pagtigil ng minivan sa harap ng Manila Cathedral Church kung saan gaganapin ang ikalawang photoshoot para sa Bride and Groom Wedding Collection ni Mrs. Monet. Church wedding ang tema kung kaya't napapalamutian ng napakaraming bulaklak ang loob ng simbahan.
Nakahanda na rin ang ilang mga props sa hagdan kung saan kukuhanan ang magandang grand entrance shot. Kulay itim at puting amerikana ang suot ni Libulan, mas lalong umangat ang kaniyang hitsura dahil sa kaniyang buhok na may kaunting hibla na tumatama sa kaniyang mata.
"Wow, dito kami ikakasal ni Betina," ngiti ni Kuya Empi habang nakatingala sa simbahan. Nabasag ang kaniyang pangarap nang tumawa si Gera, "Siguraduhin mo muna na papakasalan ka niya," saad nito dahilan upang matawa rin si Sabrina. Nakaupo sina Sabrina at Libulan sa backseat at napapagitnaan ng mga damit.
BINABASA MO ANG
Duyog
FantasyAng Huling Serye. Following his tragic death, a young man from the past traveled to the future and met a girl who could see the way to the afterlife. Book cover: Binibining Mariya Date Started: Oct 03, 2022 Date Finished: -----