Kabanata 12: Mga Desperadong Kaluluwa

18.1K 901 1K
                                    

[Kabanata 12]

Disyembre 1849

"MAWALANG-GALANG na ho, Señor. Maaari ko po bang malaman kung ano ang nag-udyok sa 'yo upang panigan ang mga maralita? Ikaw ho ay mula sa marangyang pamilya. Aking hindi maunawaan kung bakit niyo ho ginagawa ang mga ito," tanong ng isang binatilyong estudyante na nasa unang taon ng kolehiyo. Isinilid ng estudyante sa bawat pahina ng libro ang mga sulatin ni Libulan na naglalaman ng pagbatikos sa pamahalaan at mga opisyal.

Tanging sila lang ang naiwan sa silid-aralan. Alas-sais na ng hapon, papalubog na ang araw. Napahinga nang malalim si Libulan habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw at ang abalang mga tao na naglalakad pauwi. Dahil sa kaniyang ginagawa na nababatid niyang mapanganib, sa tuwing pinagmamasdan niya ang paglubog ng araw ay napapaisip siya kung iyon na ba ang huli. Kung makakauwi rin ba siya tulad ng ginagawa ng mga karaniwang tao.

Tumingin si Libulan sa estudyante, "Ikaw ba'y may ama?"

Umiling ang estudyante, "Ako po'y pinalaki ng mga prayle at ulila nang lubos."

"Mayroon akong ama ngunit hindi ko naman maramdaman ang kaniyang presensiya. Nariyan nga siya ngunit malayo ang loob namin sa isa't isa," panimula ni Libulan saka tinanaw muli ang langit na nag-aagaw dilim. "Minsan kong naramdaman ang tunay na pagkalinga at pag-aalala ng isang ama na hindi ko kadugo. Subalit, siya at ang kaniyang pamilya ay nasadlak sa parusa. Aking natunghayan ang pagkadurog ng isang karaniwang pamilya laban sa mga taong maimpluwensiya."

"Kung kaya't ginagawa ko ang mga ito upang magsilbing boses ng mga taong biktima ng kalupitan at pagpapahirap ng mga taong mapagsamantala at abusado sa salapi at kapangyarihan. Ginagawa ko ang mga ito para sa aking amain na hindi ko nagawang iligtas at tulungan." Patuloy ni Libulan sabay tingin sa estudyante, "Bagaman huli na, ito na lang ang aking naiisip na paraan upang makabawi sa aking naging kasalanan at pagkukulang sa kanilang pamilya."


NAPAHIYAW nang malakas si Aliya nang abay-sabay na namatay ang mga kandila sa palibot ng kama ni Libulan. Sa matinding pagkadismaya at inis ay itinumba niya ang mga kandila. Ilang ulit na niyang sinubukang isagawa ang ritwal upang magising si Libulan sa pagkakahimbing, subalit wala pa ring nangyayari.

Ibabato sana ni Aliya ang hawak na anting-anting ngunit natauhan siya nang marinig ang boses ni Don Venancio, "Maghunos-dili ka!" sigaw ng doktor saka tumayo mula sa pagkakaluhod.

"Hindi ko batid kung bakit hindi niya ako kinalulugdan," hagulgol ni Aliya na halos halikan na ang sahig. Napapikit na lamang si Don Venancio, "Maging ako ay hindi makapaniwala sa iyong mga pinapagawa," wika ng Don na nagawang huminahon. Napatingin siya sa suot na pulang abrigo. Hindi siya makapaniwala sa sarili na ang isang kilalang magaling sa agham ay sumasang-ayon ngayon sa mga kababalaghan.

"Ako'y may mahalaga pang pagpupulong bukas. Sabihan mo na lang ako kapag nagawa naayos mo na ito at nagawa mo na ring huminahon," patuloy ng Don saka lumabas sa silid ni Libulan. Agad siyang sinalubong ng asawa na kanina pa nakikinig mula sa labas ng silid.

"Ano? Hindi na naman niya nagawa? Hanggang kailan ka ba magpapakahibang at maniniwala sa kabaliwan ng babaeng 'yan?" bungad ni Doña Crisanta. Sunod nilang narinig ang malakas na paghagulgol ni Aliya habang paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng anak.

Nagpatuloy sa paglalakad ang Don patungo sa kaniyang silid, sinundan siya ng asawa, "Itigil niyo na 'yan. Sa oras na malaman ng simbahan ang inyong ginagawa ay tiyak na mapapahamak tayo. Hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng itim na mahika!"

"At ano? Sabihin mo sa akin, ano pang ibang paraan?! Sinukuan na ng mga dalubhasa ang aking anak. Maging ako na isang manggagamot ay walang magawa!" sigaw ng Don na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawang sumabog sa galit.

DuyogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon