ALAS-SIETE ng umaga. Kasalukuyan nang nagbibihis si Alex para pumasok sa trabaho. Habang nag-aayos ng sarili sa harap ng salamin, isang itim na usok ang hindi niya alam ay nakalutang sa kanyang likuran.
Wala itong repleksyon sa salamin kaya hindi niya ito nakikita. Habang abala siya sa pagbibihis, bigla namang natigilan ang kanyang ina na kasalukuyang naghuhugas ng mga pinagkainan sa labas.
Natigilan ito. Bigla na lang nakaramdam ng kakaiba sa paligid. Huminto ito sa ginagawa at nilibot ang bahay. Mas lumakas ang kakaibang pakiramdam nito nang mapalapit sa kuwarto.
Natigilan sa pagbibihis si Alex nang bumukas ang pinto. Nakita niya ang ina na seryoso ang anyong luminga-linga sa paligid ng kuwarto niya.
"Bakit, Nay? Anong problema?""Anak, may naramdaman ako!"
Napatakbo siya sa matanda at bahagyang dumikit dito. "A-ano pong naramdaman n'yo? Gumana ba ulit ang Kalam n'yo?"
"Marahil nga. Dahil ngayon lang ako ulit nakaramdam nang ganito. Ibig sabihin...m-may elementong umaaligid kanina rito sa kuwarto mo. Nawala lang agad noong pumasok ako."
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Alex. "Hala, 'Nay! Ano kayang elemento 'yun?"
"Hindi ako sigurado pero sa tingin ko, kakaibang elemento ito. Mabagsik at makapangyarihan."
"Paano n'yo ba nalalaman kung anong elemento 'yung nararamdaman n'yo sa paligid?"
"Kadalasan kasi, kapag nagtaasan ang mga balahibo ko at nakaramdam ng kakaibang lamig, ibig sabihin multo ang nasa paligid. Kapag naman sumakit ang ulo ko at nakaramdam ng kakaibang init, ibig sabihin engkanto ang nasa paligid. Pero kapag sumikip ang dibdib ko habang binabalutan ng magkahalong init at lamig, ibig sabihin nito, demonyo o kasing lakas ng demonyo ang nasa paligid!"
"Hala! May nakapasok na Demonyo rito sa kuwarto ko?"
May kinuha sa bulsa ang matanda. Isa iyong kuwintas na rosaryo. "Heto, anak. Suotin mo muna ito para hindi ka malapitan ng elemento. Huwag na huwag mong huhubarin 'yan lalo na kapag nasa labas ka."
Sinunod niya agad ang utos ng ina. Pagkasuot sa rosaryo, nagpaalam na siya rito na papasok na sa trabaho.
"Mag-ingat ka, anak! Huwag mong huhubarin ang rosaryong 'yan!"
Sumakay na siya ng bangka. Ilang minuto ang tinagal bago siya nakarating sa Kontrol. Mula roon ay nilakad na lang niya ang patungo sa sakayan ng mga motor. Saka siya sumakay ng motor papunta sa palengke ng Sto. Nino.
Sakto lang siya nang makarating sa grocery store. Seven thirty kasi ng umaga ang pasok nila roon.
Pagkapasok sa loob, inutusan na agad siya ni Aling Len na pumunta sa konsignasyon para kunin ang mga bagong deliver nilang kahon. Nandoon na rin daw ang mga kasama niya.
Dahil walang araw sa langit ay hindi na siya naghubad ng t-shirt. Dumiretso na siya sa sinabi nito para magsimula.
Pagdating niya roon, dalawang malalaking kahon agad ang ipinasa sa kanya nina Ramon at Kerby Jeric. Batid kasi ng mga ito na siya lang ang may kakayahang buhatin iyon nang sabay dahil sa laki ng katawan niya.
Nakakadalawang balik pa lang siya sa grocery store ay pinagpapawisan na muli siya kahit wala pa mang araw. Kaya naman naghubad na siyang muli ng t-shirt at ipinatong ito sa kabilang balikat niya.
Balik muli sa trabaho. Ang dami nilang binuhat buong maghapon. Nautusan pa siyang mag-deliver ng mga kahon sa isang bagong tayong pabrika na kakilala ni Aling Len ang may-ari.
Pagsapit naman ng alas-sais, kinuha lang niya ang daily allowance kay Aling Len at nagpaalam na sa mga kasama.
Madilim na muli ang langit nang makarating siya sa Baryo Cambasi. Pagkababa pa lang niya sa motor, napansin niya ang makakapal na hamog sa paligid. Nagtaka siya kung bakit biglang nagkaroon ng hamog doon.
BINABASA MO ANG
Mateo Leoron Teodoro 2022
HorrorSa isang baryo sa Pampanga noong sinaunang panahon, lahat ng mga tao ay may kanya-kanyang kakayahan at abilidad na kung tawagin sa kanilang wika ay KALAM. Ang KALAM ay isang malalim na salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay "The Gifted". Sa lab...