Kabanata 3: Bagong Kaibigan

113 6 0
                                    

UNANG araw ni Alex sa trabaho. Wala pa mang isang oras ay halos maligo na siya sa sariling pawis.

Hindi naman siya hirap sa pagbubuhat ng mga naglalakihang kahon para ipasok o ilabas sa loob ng store.

Sadyang pawisin lang talaga siya lalo na't bukod sa medyo mainit sa loob ay tirik din ang araw sa labas. Nagkataon na itim din ang suot niyang t-shirt kaya mas matindi ang pasok ng init sa kanyang katawan.

Nang maipasok niya ang mga natitirang kahon, napasilong siya sa isang tabi at doon muling pinunasan ang tumatagaktak niyang pawis. Nakatatlong panyo na siya sa tindi ng kanyang pagpapawis.

Itong pangatlong panyo niya ay sobrang basa na rin, halos hindi na ito makatuyo ng pawis sa katawan.

Isa sa mga kapwa niya kargador ang lumapit sa kanya. Kerby Jeric ang pangalan nito.

"Mainit ba, pare?" tanong nito habang nakapamaywang pa. Wala itong damit sa pang-ibabaw kaya kitang-kita ang malaking tattoo nito sa dibdib.

"Oo, eh! Pawisin kasi talaga ako," aniya habang nagpupunas ng pawis sa ulo at leeg.

"Maghubad ka na lang, p're. Marami pa tayong bubuhatin mamaya."

"Ah, puwede ba 'yon, p're?"

"Oo naman. Puwede namang maghubad dito habang nagbubuhat. Nasa palengke lang naman tayo, eh."

Doon din niya napansin ang ilang mga trabahador sa paligid na nakahubad din at nakapatong lang sa balikat ang mga damit.

"Ah, sige. Salamat, ah!" pagkasabi ay hinubad agad niya ang suot na t-shirt at ipinatong sa balikat niya.

"Oy grabe, oh! Malaki naman pala ang katawan mo, eh. Bakit nahihiya ka pang maghubad?" puri nito sa kanya matapos makita ang maskulado niyang katawan na pinarisan ng six packs na abs.

"Akala ko kasi bawal, eh. Doon kasi sa Maynila, hinuhuli nila 'yung mga nakahubad sa labas."

"Ah, eh, sa Maynila naman kasi 'yon. Dito sa Pampanga puwede ka maghubad-hubad, lalo na kung ganito lang naman ang trabaho mo."

"Oo nga, eh. Buti na lang puwede rito, at least hindi na ako maiilang sa kapupunas ng pawis minu-minuto."

Tumawa ang lalaki. "Oo nga! Halika na! May kukunin pa tayong stock doon!" Nauna na itong lumakad sa kanya.

Pagkatapos punasan ang natirang pawis sa leeg at ulo ay patakbong sumunod na rin siya rito.

Hapon na sila natapos sa pagbubuhat. Sa mga oras na iyon ay naipasok na nila ang lahat ng mga bagong deliver na kahon. Naayos na rin nila ito sa kani-kanilang pinaglalagyan sa loob.

Palubog na rin ang araw kaya hindi na gaanong mainit. Nagbihis na muli sina Alex kasama ang dalawang kargador sa store na iyon.

Unang araw pa lang din ay kasundo na niya ang mga ito. "Pare, libre ka ba sa Linggo? Birthday kasi nitong si Pareng Kerby Jeric, eh. Pati si Aling Len pupunta rin," yaya sa kanya ni Ramon.

"Ah, titingnan ko kung wala akong gagawin sa Linggo," iyon ang naisipan niyang isagot dahil hindi siya sigurado kung gusto niyang sumama.

"Naku, sumama ka na! Birthday ko 'yon, pare. Si Aling Len mismo sponsor ko, kaya maghahanda rin ako ng marami. Malapit lang naman, eh. D'yan lang naman sa Sto. Nino ang bahay ko. Walking distance lang din dito 'yon sa palengke."

"Ah talaga ba? Kasama si Aling Len?" paninigurado niya.

"Oo naman. Saka tuwing may nagbi-birthday sa mga tauhan niya, siya na mismo ang nag-i-sponsor tapos imbitado tayong lahat. Kaya kahit ayaw mo sumama kukulitin ka pa rin niya," paliwanag ni Kerby Jeric.

Mateo Leoron Teodoro 2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon