ISANG makahulugang ngiti ang pinakawalan ng binatang pari. "Isa akong Ukluban, Alexander. Kaya taglay ko rin ang kapangyarihan ng mga Siak at Manula."
"Ay oo nga pala. Pasensiya na!" Ngumiti si Alex dito kapagkuwan.
"Kaya nga pala kita inimbita rito para anyayahin ka sanang sumali sa aking simbahan. Batid ko na ang iyong Kalam, at sigurado akong malaki ang iyong maitutulong sa aming organisasyon."
Nagulat siya sa sinabing iyon ni Padre Mateo. "Ah, a-alam n'yo po kung ano ang Kalam ko? Puwede ko po bang malaman?"
"Ikaw ang may kapangyarihan para maghatid ng kapayapaan at bagong kaayusan dito sa baryo. Ikaw rin ang itinakda para mapalawak at mapalakas pa ang ating tradisyon. Iyan ang Kalam mo."
Hindi makapaniwala si Alex. Sa wakas ay nalaman na rin niya kung ano ang kanyang Kalam. Pero napaisip siya, ano naman kaya ang ispesyal sa kakayahan niyang iyon? Maghatid ng kapayapaan at maglatag ng bagong kaayusan? Parang hindi rin siya naging ganoon kasaya nang malaman ang kanyang Kalam. Ang gusto sana niyang kapangyarihan ay gaya ng sa Mamalue, Magkukusim, Uple at Magbantala.
"Talaga? Iyon ang Kalam ko? P-pero paano ko naman magagamit 'yon? Saka kapangyarihan ba talaga 'yon? Maghatid ng kapayapaan tapos bagong kaayusan? Hindi ba lahat naman ng tao kaya iyong gawin kung gugustuhin nila?"
"Marami ka pang hindi alam sa iyong Kalam. Kaya nga nandito ako, kami, para tulungan kang mas maunawaan kung ano ang kaya mong gawin. Kaya rin kita iniimbitahang sumali sa aming simbahan para lumawak ang iyong kaisipan sa mundo ng mga taong may Kalam gaya natin."
Ang dami sanang gustong itanong dito ni Alex. Nais niyang sabihin kung bakit masama ang tingin dito ng lahat ng tao at maraming natatakot dito. Pero natakot din siyang baka kung ano pa ang mangyari sa kanya roon.
Iniba na lang niya ang tanong niya. "Pero may iba kasi akong nararamdaman sa sarili ko. May nagpapakita kasi sa akin na isang taong pugot ang ulo. Di ba ang may kakayahan lang na makakita ng kaluluwa ay ang mga Lagayan, Mamalian at Katulunan?"
"Lahat naman ng mga multo ay may kakayahang magpakita sa tao kung gugustuhin nila, may Kalam man o wala. Kung may isang multo na nagpakita sa 'yo, ibig sabihin lang niyon ay may matindi siyang pakay sa 'yo."
"Ganoon ba? E, paano ko malalaman kung ano ang pakay nila?"
"Ikaw lang ang makakasagot n'yan. Sa ngayon, ang nais kong marinig mula sa iyo ay kung papayag ka bang umanib sa aming simbahan. Upang matulungan ka na rin namin na mapalawak ang iyong Kalam."
Hindi siya agad nakasagot. Kinakabahan siya sa mga salitang bibitawan. Ayaw niyang magdulot ng sigalot sa kanilang pagitan ang magiging desisyon niya.
Gustong-gusto talaga niyang mapag-aralan ang kanyang Kalam. Pero hindi rin niya kayang magtiwala kay Padre Mateo lalo na't maraming hindi magagandang sinabi rito ang kanyang ina at ang ibang tao.
"Siguro babalik na lang ako rito sa mga susunod na araw," sagot na lamang niya.
"Puwede namang ngayon ka na magdesisyon. Madali lang naman sagutin ang tanong ko."
"Pag-iisipan ko muna. Basta pangako ko sa inyo, sa pagbabalik ko rito, may pasya na ako."
Naglaho ang ngiti sa mga labi ng binatang pari. "Kung ganoon, bumalik ka rito agad bukas. Kailangan ko na ang iyong desisyon. Sana'y huwag mo akong paghintayin nang matagal."
"Wag kang mag-alala. Tutupad ako sa usapan. Basta bigyan mo lang ako ng kaunting oras para makapag-isip," pagkasabi niyon ay nagpaalam na rin siya sa mga ito at lumabas na ng silid.
Bumalik sa dati si Padre Mateo. Lukot na naman ang mukha nito at parang gustong lumamon ng tao. "Taksiapu na!""Bakit, Padre? Ano ba ang nababasa n'yo sa isip niya?"
BINABASA MO ANG
Mateo Leoron Teodoro 2022
HorrorSa isang baryo sa Pampanga noong sinaunang panahon, lahat ng mga tao ay may kanya-kanyang kakayahan at abilidad na kung tawagin sa kanilang wika ay KALAM. Ang KALAM ay isang malalim na salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay "The Gifted". Sa lab...